WE DESERVE SUNSHINE EPISODE 03: Mahal Kita Hanggang Pagsikat ng Araw
- The Communicator
- 4 hours ago
- 1 min read

Hahalikan ko ang iyong mga labi,
Kahit pa husgahan ng mundo;
Hahalikan kita sa harap ng kapilya,
Kahit maging makasalanan pa ako.
Hahawakan ko ang iyong kamay
At itatakbo kita paalis dito.
Ipagsasalikop ang ating mga daliri,
Mapawi lang ang takot sa iyong mga mata.
Hindi ako matatakot sa dilim,
Kung ikaw ang magiging araw ko;
Hindi ako matatakot pumanaw,
Kung ikaw ang katabi ko sa kama.
Mahal kita kaya ipagsisigawan kita,
Kahit batuhin man tayo ng mga bato;
Mahal kita kaya ipaglalaban kita,
Mabigyan ka lang ng payapang buhay.
Sasamahan kitang maligo sa ulan at
Pakikinggan ang paboritong kanta.
Isasayaw sa gitna ng kalsada,
Habang binabasa ng langit.
Tatalikuran ko ang gabi
Maibig ko lang ang iyong araw;
Tatalikuran ko ang tao,
Madama lang muli ang iyong labi.
Ibibigay ko sa’yo ang kalahati ko,
Simbolo ng ating pag-iisang dibdib;
Iinumin ko ang alak ng iyong dugo,
Malasap ko lang ang iyong pagkatao.
Alam ko walang mali sa pag-ibig,
Nang unang araw kitang minahal,
Dahil alam kong simula pa lang,
Ikaw na ang dulo’t hangganan ko.
Ipako man ako sa krus nang nakabaliktad,
Pasuotin ng tinik ng ating kasalanan,
Pangalan mo pa rin ang aking ibubulong
Hanggang sa huli kong hininga.
Sisisirin ko ang dagat ng impyerno,
Maramdaman lang ulit ang init mo,
Tatapakan ang mga apoy sa ibaba,
Madala lang kita muli sa itaas.
‘Pag nakarating na ako sa kamatayan,
Lilingunin ko muli ang tinahak nating daan,
Gaya ng paglingon ni Orpheus kay Eurydice,
Marinig lang muli ang tibok ng puso mo.
Artikulo: James Parrilla
Dibuho: Leann Grace Tamares




Comments