Sa Ngalan ng Bulag na Pag-unlad
- The Communicator
- 5 minutes ago
- 2 min read
Mabuhay ang makinang na pag-unlad ng bansa!
Na ang kapalit pala’y lasong nag-uumasa,
Ang pag-unlad ay dilim na nagbibigay-liwanag,
Habang ang inang bayan sa dalita’y nababagabag.
Lumalago ang yaman sa pagpatay sa lupa,
Dakilang tagumpay ang luha ng maralita.

Tingnan mo ang mga islang ubod ng ganda,
Ngayon ay ginigiba ng minahang pambansa!
Binubutas ang bundok upang yumaman ang dayo,
Ang pagsira sa gubat ang bago nating tayog.
Progresong walang awat sa pagsakmal sa ganda,
Buhay ang sinasakripisyo para sa pondo’t pera.
Welcome sa pagbabago, sa AI ng bukas!
Ngunit ilog at hangin ang nawalan ng lakas,
Ang kuryente’t tubig na dapat ay sa mamamayan,
Ipinapakain sa makinang walang pakiramdam.
Matalino ang machine, ngunit tao’y nagiging hangal,
Sa ngalan ng teknolohiya, kalikasan ang kinakalakal.
Sa mga lupang ninuno ng katutubong lahi,
Pagtatapon ng basura ang handog na papuri!
Ang kabanalan ng lupa’y ginagawang basurahan,
Upang lungsod ng mayayaman ay manatiling makinang.
Inililigtas ang kabihasnan sa pamamagitan ng dumi,
Sibilisasyong maayos pero ugali’y marumi.
O, ang gobyerno nating kay galing magbingi-bingihan!
Nagsasalita nang marami ngunit walang pinaglalaban.
Ang kanilang katahimikan ay kay ingay na sigaw,
Sa gitna ng pagkasira, sila’y hindi matanaw.
Ang proteksyon sa bayan ay ang pamimigay sa dayuhan,
Pinoprotektahan ang bulsa, pinapatay ang bayan!
Tingnan mo ang baybayin at paitaas na hilaga,
Lupa nati'y minamahal ngunit dayuhan ang may kusa!
Tayo ang may-ari ngunit tayo ang alipin,
Sa sariling tahanan, dayuhan ang sumusupil.
Tinuturuan tayo ng paggalang ng mga bastos,
Ang ating pagpapakumbaba’y pambabastos na lubos.
Lumalago ang ekonomiya ngunit patay ang kalikasan,
Yumayaman ang palasyo habang gutom ang lansangan.
Ito ang ating tagumpay: ang mabilis na paglubog,
Ito ang ating kabutihan: ang mundong nabubulok.
Ang bulag na pag-unlad ay isang maliwanag na gabi,
Nalulunod sa pag-asa habang buhay ay nasasawi!
Kaya magbunyi tayo sa ating pagkagiba!
Pumalakpak sa bayang ibinebenta sa iba!
Pagkat sa bawat gusali at makinang na lansangan,
May nakabaong bundok, karagatan, at mamamayan.
Ang totoong pag-unlad ay ang ating pagkawala,
Isang dakilang tagumpay na punong-puno ng pagdurusa!
Artikulo: Sayrine Cornito
Dibuho: Kaiser Aaron Caya





Comments