Patay ang Tinig, Buhay ang Alaala

Sa gitna ng walang hanggang luntian ng Ampatuan, kung saan ang hangin ay dapat sanang humahaplos nang marahan sa matataas na talahib, may isang uri ng katahimikang hindi marunong magpahinga. Hindi ito ang payapang katahimikan ng bukang-liwayway, kundi ang nakabibinging katahimikan ng mga tinig na sapilitang pinutol bago pa man sila makarating sa kanilang patutunguhan.
Nobyembre bente-tres, taong dalawang libo’t siyam. Isang umagang puno ng pag-asa, ng mga panulat na handang magtala ng kasaysayan, at ng mga hakbang na naniniwala sa kapangyarihan ng demokrasya. Ngunit sa itaas ng burol ng Salman, ang mga pangarap ay ibinaon nang buhay kasama ng mga sasakyang nilamon ng mapulang lupa.
Sa bawat hampas ng hangin sa mga damo, maririnig ang alingawngaw ng limampu’t walong kaluluwang hindi na nakauwi. Hindi sila sumisigaw gamit ang bibig, kundi gamit ang bigat ng kanilang pagkawala.
Maingay ang katahimikan ng mga pinaslang.
Ang katahimikan ng isang mamamahayag na nawala
ay mas matalas pa sa anumang balita.
Ang kanilang mga kamera ay nabasag,
ang kanilang mga kuwaderno ay nadungisan ng putik at dugo,
ngunit ang mga larawang hindi nila nakuhanan
ay nakaukit na sa konsensya ng buong bayan.
Sa bawat pagpikit ng mata ng mga naiwan, naroon ang kanilang mga pangalan; tatlumpu’t dalawang tagapaghatid ng katotohanan na pinatahimik upang pagtakpan ang kasakiman, ngunit ang kanilang pagkawala ang naging pinakamalakas na sigaw laban sa kawalang-katarungan.
Ang katahimikan ng isang ina, asawa, at kapatid ay isang sugat
na hindi naghihilom sa paglipas ng mga taon.
Sa bawat hapag-kainan na may bakanteng upuan,
ang katahimikan ay sumisigaw ng pangungulila.
Naroon ang mga kwentong hindi na naibahagi,
ang mga yakap na hindi na naibigay,
at ang mga bukas na ninakaw
ng mga taong nag-aakalang sila ang may-ari ng buhay at kamatayan.
Ang katahimikan ng lupa sa Maguindanao ay nagbabanta. Sapagkat ang lupang diniligan ng dugo ng mga inosente ay hindi kailanman nakalilimot. Ang bawat butil ng buhangin ay saksi; ang bawat ugat ng puno ay nakakapit sa alaala ng isang malagim na katanghalian.
Hindi kailangang sumigaw ng mga bangkay upang marinig. Ang kanilang katahimikan ay isang hatol. Isang walang katapusang paalala na ang kapangyarihang itinayo sa ibabaw ng mga hukay ay kailanman hindi magiging matatag.
Sa paglipas ng mga taon, maaaring kumupas ang mga larawan sa pahayagan at mapalitan ng mga bagong balita ang mga ulo ng dyaryo. Ngunit sa bawat pagkakataong may nagtatangkang busalan ang katotohanan, muling nabubuhay ang ingay mula sa burol ng Ampatuan; isang paalala na kahit patayin mo ang tagapagbalita, hindi mo kailanman mapapatay ang katotohanan.
At hangga’t hindi lubos na nakakamit ang hustisya,
mananatiling gising ang lupa,
mananatiling bukas ang sugat,
at mananatiling nakabibingi
ang katahimikan ng mga pinaslang.
Article: Mary Lilet Marticio
Illustration: Allaine Arcaya




Comments