top of page

ID-entity Crisis: Ang Kabalintunaan ng Burukrasya

3 days ago
7 min read

“Kaya ka nga kukuha ng valid ID kasi wala kang valid ID eh!”



Sa unang dinig, tila nakakatawa. Para kang pinapunta sa dulo ng pila para lang sabihan na kailangan mong pumila sa simula. Isang simpleng dokumento ang kailangan, pero paano kung ang hinihinging patunay ng pagkakakilanlan ay ang dokumentong hindi mo makuha dahil wala kang maipakitang ibang katunayan?


Sa Pilipinas, hindi lang ito biro sa pila o eksenang puwedeng hugutin sa isang pelikula. Para sa ilang Pilipino, ang kawalan ng valid ID o identity document ay maaaring mangahulugan ng dagdag na gastusin, mahabang paghihintay, at mga oportunidad na mananatiling hindi maabot.


Sa mundong bawat galaw ay kailangan ng pagkakakilanlan sa papel, tila may isang tanong na kailangang sagutin bago ka makausad: paano ka makakakuha ng ID, kung wala kang maipakitang ID para dito?


Isang Pelikula, Isang Pamilyar na Kabalintunaan


Sa pelikulang “2 Valid IDs” ni Direktor Ma-an L. Asuncion-Dagñalan, kung saan pinagbibidahan ni Marietta “Pokwang” Subong ang karakter ni Ma. Sylvia Ramos, sa isang sitwasyong pamilyar sa marami: kailangan niyang magpakita ng dalawang valid ID upang matiyak ang kaniyang pagkakakilanlan sa isang opisyal na transaksyon. Ngunit sa kawalan ng kinakailangang mga dokumento, ang dapat sana’y paraan upang makatulong sai kaniyang asawa ay hindi maabot dahil sa hadlang ng dalawang papel.


May halong katatawanan ang ganitong sitwasyon, lalo na kapag nakikita natin itong nangyayari sa pelikula. Ngunit sa likod ng nakakatawang palitan ng mga salita at nakapipikon na mga requirements, may isang reyalidad na hindi madaling tawanan: mahirap kumuha ng valid ID sa Pilipinas.


Hindi naman basta kusang lumilitaw ang isang valid ID sa pitaka. Para makakuha nito, kinakailangan ng iba pang mga papeles, pamasahe, bayad, at maraming oras. Para sa taong may kumpletong dokumento ngunit may sapat lamang na pera, maaari pa ring maging abala ang proseso. Para naman sa taong kapos sa lahat ng mga kailangan, maaari itongmaging pagsubok na mahirap lampasan.


At kapag ang dokumentong kailangan mo ay para sa isang mas mahalagang bagay—gaya ng trabaho, tulong pinansyal, o tirahan—hindi na lamang ito simpleng abala.


Sa Tanggapan ng “Balikan Mo Na Lang”


Sa totoong buhay, hindi rin laging natatapos sa isang pagpunta sa opisina ang pagkuha ng kinakailangang dokumento.


Sa isang viral video na nagpakita ng pagkadismaya ni Armando “Amanda” Alvarez, isang 47-anyos na domestic worker mula sa Valenzuela City, tungkol sa kaniyang aplikasyon para sa Solo Parent ID—isang dokumentong kailangan niya upang makapag-apply sa programang pabahay matapos gibain ang kanilang tirahan. Ayon sa ulat, halos tatlong buwan na niyang nilalakad ang ID na kailangan niya para makapag-apply sa programang pabahay matapos gibain ang kanilang tirahan.


Naging sentro ng kaniyang reklamo ang matagal na proseso at ang kawalan ng malinaw na komunikasyon tungkol sa mga kailangang isumite at kung kailan siya dapat bumalik. Depensa naman ng lokal na pamahalaan, may mga dokumentong kailangan pang kumpletuhin at beripikahin bago maaprubahan ang aplikasyon. Kinontra ito ni Alvarez na nagsabing sa pagkakaalam niya ay kumpleto na ang kaniyang mga requirements. Ayon sa kaniyang salaysay, hindi pa nakikita ng CSWD officer ang kaniyang mga papeles nang mangyari ang insidente, at hindi rin malinaw kung kailan siya dapat bumalik upang alamin ang katayuan ng kaniyang aplikasyon.


Para kay Alvarez, hindi lamang simpleng papel ang hinihintay niya, kundi ang pag-asang kaginhawaang maibibigay ng maliit na papel sa kanila. Sa kaniyang viral video, dama ang pagod at pagkadismaya sa paulit-ulit na pagbalik sa tanggapan.


“Mahirap lang ako pero pinahihirapan n’yo pa ako lalo,” sambit ni Alvarez.


Ang ganitong hinaing ay hindi lamang naririnig sa totoong buhay kung hindi maging sa pelikulang 2 Valid IDs. Ipinakita rin ang bigat ng pakikipaglaban para makakuha ng dokumentong magbubukas sana ng daan tungo sa pag-asa. Sa isang eksena, nagsumamo si Sylvia: “Gutom, pagod, nagkanda-utang na ako para lang sa ID na ’yan. Gusto ko lang mailigtas ’yong asawa ko.”


Magkaiba ang kanilang mga pinagdaraanan—pagpapagamot ng asawa para kay Sylvia at pagkakataong magkaroon ng matitirhan para kay Alvarez—ngunit pareho silang nahaharap sa prosesong humahadlang sa pag-abot ng kanilang mga layunin. Sa kanilang mga kuwento, ang ID ay hindi lamang patunay ng pagkakakilanlan, kundi isang mahalagang hakbang tungo sa pag-asang makausad sa gitna ng krisis.


Bagaman naibigay agad kay Alvarez ang kaniyang ID, hindi na mababawi ang luha at pagod na inilaan niya para makuha ito.


Ang ID na May Presyong Hindi Lamang Pera


Mas ramdam ang ganitong problema kapag trabaho na ang pinag-uusapan. Maraming pagkakataon na kailangan ng ID bago makapag-apply ng trabaho. Ngunit paano kung wala kang sapat na pera para asikasuhin ang mga dokumentong kailangan mo?


Para naman sa 22 anyos na si Mydel Flores, residente ng Paracale City, Camarines Norte, ang kawalan ng valid ID ay maaaring maging hadlang sa paghahanap ng trabaho. Aniya, kabilang sa mga pangunahing hamon ang pagiging underage at kawalan ng ibang ID na magagamit upang makakuha ng panibagong dokumento—gaya ni Sylvia.


Bilang 4th year student ng Camarines Norte State College na may programang Secondary Education Major in Science, nagiging mahirap ang sitwasyon kapag ang dokumentong hinihingi upang makakuha ng pera ay siya ring hindi nila makuha dahil sa kakulangan ng salapi. “Kailangan ito upang kumita ng pera, subalit wala ring pera pampagawa ng ID,” paliwanag ni Flores.


Hindi rin nawawala ang iba pang hadlang. Ayon kay Flores, ang bawat proseso ay maaaring makadagdag sa hirap ng isang aplikanteng nagsisikap makakuha ng kinakailangang dokumento. 


“Nananatiling mahirap ang pagkuha ng ID ng mga mamamayan dahil sa mga proseso at dokumento, sa edad na kailangan, sa presyo, at sa tagal ng araw bago makuha.”


Sa paghihirap naman ni Sylvia, lantad din ang pahirap na dulot ng burukrasya sa pagkuha niya ng panibagong ID. Punta rito, punta roon; ilang araw at pera ang ginastos, ngunit hirap pa rin siyang kumuha ng panibagong ID.


Gaya nila, ang akalang magbibigay sa kanila ng pera, ay siya pa lang uubos ng kanilang salapi. Imbis na mapunta sa higit na pangangailangan ang pera na nagagastos sa pagkuha nito, napupunta lamang ang natitirang pera sa pamasahe, pagkain, at bayad sa mga papeles.


Sa ganitong mga pagkakataon, ang ID ay hindi na lamang isang papel na inilalagay sa pitaka. Pinapalitan nito ang mga papel at baryang pera na nauna sa kaniya.


May Proseso sa Bawat Proseso


Sa bawat paglapit sa isang tanggapan, may kailangang ihanda, isumite, at hintaying maaprubahan. May mga dokumentong kailangang kumpletuhin at impormasyong kailangang tiyakin. Hindi naman walang dahilan ang mga requirement na ito. Mahalaga ang beripikasyon upang matiyak na napupunta sa tamang tao ang mga serbisyong inilaan ng pamahalaan. 


Ngunit para sa isang aplikanteng umaasang makakuha ng tulong, hindi natatapos sa pagsusumite ng mga papeles ang proseso. May mga pagkakataong kailangan niyang bumalik dahil may kulang, maghintay dahil may kailangang beripikahin, o muling magtanong dahil hindi malinaw kung ano ang susunod na hakbang. 


Sa ganitong mga pagkakataon, mahalaga ang malinaw na komunikasyon mula sa mga tanggapan. Hindi sapat na sabihing may kulang sa aplikasyon; dapat ding ipaliwanag kung ano ang kailangang isumite, saan ito makukuha, at ano ang susunod na hakbang upang hindi paulit-ulit na bumalik ang mga aplikante nang walang katiyakan sa kanilang hinihintay.


Hindi pare-pareho ang kakayahan ng mga mamamayan na harapin ang ganitong proseso. May mga may sapat na oras at kaalaman upang asikasuhin ang bawat requirement, ngunit mayroon ding kailangang magtiyaga sa bawat pagbabalik at paghihintay, nang hindi tiyak kung gaano pa katagal bago makuha ang serbisyong kailangan nila. 


Kung kaya’t hindi lamang kung kumpleto ang mga dokumento ang dapat maging sukatan ng isang maayos na proseso. Mahalaga ring tingnan kung naipauunawa ba ito sa mga taong kailangang sumunod dito. 


Sapagkat kung ang isang serbisyo ay inilaan upang maabot ang mga higit na nangangailangan, hindi dapat maging pinakamahirap na bahagi ang mismong paglapit upang makuha ito.


Paano Ka Na Kung Wala Kang ID?


Paano kung wala kang maipakitang dokumento para sa trabahong gusto mong pasukan? Paano kung ang tulong na maaari sanang magpagaan ng iyong sitwasyon ay hindi mo makuha dahil kulang ang iyong papeles? O paano kung, sa kabila ng lahat ng pagsisikap mong sumunod sa mga hinihingi, may panibagong requirement na naman bago ka makausad?


Hindi malayo sa reyalidad ang mga tanong na ito. Para kay Mydel Flores, maaaring maging hadlang sa paghahanapbuhay ang kawalan ng valid ID. Para kay Amanda Alvarez, naging bahagi ito ng mahabang paghihintay para sa Solo Parent ID na gagamitin sana sa pag-apply sa programang pabahay. Magkaiba man ang kanilang mga sitwasyon, pareho nilang ipinakikita kung paanong ang kawalan ng isang dokumento ay maaaring humarang sa mahahalagang oportunidad sa buhay.


Hindi rin basta natatapos ang paghihirap ni Sylvia sa pagkuha ng mga dokumentong hinihingi sa kaniya. Kahit matapos niyang makuha ang dalawang ID, muli siyang naharap sa panibagong problema dahil magkaiba ang pagkakasulat ng kaniyang pangalan sa mga ito. Upang mapatunayan ang kaniyang pagkakakilanlan, kailangan pa niyang kumuha ng affidavit—isa na namang proseso at gastusing dagdag sa perang dapat sana’y ilalaan niya sa pagpapalibing sa kaniyang asawa. 


Sa puntong ito, makikita kung paanong ang isang sistemang dapat magpadali sa pagkuha ng serbisyo ay maaari pang magdagdag sa pasaning dinadala ng isang taong kapos na sa oras, pera, at mga pagkakataon.


Dito nagiging higit pa sa biro ang kabalintunaang kailangan mo ng ID para makakuha ng ID. Sa likod nito ay ang mga taong may kaniya-kaniyang pangangailangan sa buhay—mga taong hindi kayang basta ipagpaliban ang paghahanap ng trabaho, pagkuha ng tulong, o pag-asikaso sa isang mahal sa buhay habang hinihintay ang kanilang mga dokumento.


Kung mananatiling mahirap ang pagkuha ng mga pangunahing ID, ilan pa kaya ang mawawalan ng pagkakataon dahil lamang sa wala silang maipakitang dokumento? Ilan pa ang mapipilitang gumastos, magbalik-balik, at maghintay sa prosesong hindi nila madaling malampasan?


Hindi nasusukat sa pagkakaroon ng ID ang pagkakakilanlan at pangangailangan ng isang tao. Gayunman, sa isang sistemang nangangailangan nito bago makapagtrabaho, makatanggap ng tulong, o makakuha ng serbisyo, maaaring mawalan ng pagkakataon ang mga taong wala pang maipakitang dokumento. 


Sa halip na mapadali ang paglapit sa mga serbisyong kailangan ng mamamayan, nagiging panibagong hamon ang pagkuha ng mga dokumentong hinihingi ng sistema. Kaya ang tanong ay hindi lamang kung sino ka kung wala kang ID, kundi kung hanggang kailan kailangang maghintay ang isang tao bago makuha ang tulong at serbisyong kailangan niya.


 

Artikulo: Jae Juson

Grapiks: Althea Polancos 

Comments


  • White Facebook Icon
  • Twitter
  • Instagram

THE COMMUNICATOR

2/F Lobby, College of Communication Bldg., NDC Compound, Anonas St., Sta. Mesa, Manila, Philippines 

PUP COC The Communicator © 2022

bottom of page