top of page

Bigat ng Bigti

  • Writer: The Communicator
    The Communicator
  • 24 minutes ago
  • 1 min read

may mabigat na dalahin.

may mabigat na damdamin.



mula noong mga nakaraang taon

hanggang ngayon,

dala-dala ko pa rin

ang takot na s'yang salarin

at lahat ng bigat sa'king suliranin.


ilang kaarawan ko na ang may lungkot.

ngiti ko ay lumulukot,

dahil sa mga nangyaring masalimuot,

at ang dala ng damdamin kong sigalot.

tila mga multong nagtago sa aking anino,

na gaya ng mga insekto:

paruparo't gamugamo—

tumatakbo sa peligro.


itong buhay kong may lamat

dahil sa pusong sugat,

ay pilit na inaangat

ang damdaming may bigat.

kahit pa ito’y nakaugat

sa lupa ng gubat,

na ayaw kong masiyasat

sapagkat nandoon ang aklat ng alamat—

ang k’wento ng buhay kong maalat.


kaya ayaw ko pa sana

na lumabas sa'king lungga,

at manatili nalang dito sa kuta—

kinikimkim ang sariling luha.


dahil sa bigat ng aking dala,

kita na ang pagbaba ng aking diwa

at ang problema kong hindi makawala.

kaya sana, bukas makalawa,

ako ay makalaya na

at mabitawan na

ang mabibigat kong dala 

mula pagkabata.


sadyang ikinukubli na lamang muli

nang paulit-ulit sa mga ngiti

ang kabigti-bigting nangyari.


Artikulo: Jul Sim Tebangin

Dibuho: Nazia Ashley Gestop


Comments


  • White Facebook Icon
  • Twitter
  • Instagram

THE COMMUNICATOR

2/F Lobby, College of Communication Bldg., NDC Compound, Anonas St., Sta. Mesa, Manila, Philippines 

PUP COC The Communicator © 2022

bottom of page