top of page

Bago Mapuno Ang Listahan

  • Writer: The Communicator
    The Communicator
  • 2 days ago
  • 2 min read

“Pahinga. Pahinga. Pahinga.”



Isang malalim na buntong-hininga ang kumawala habang nakatitig ako sa kalangitang tila walang katapusan.

Ipinagpatuloy ko ang paglakad, sabay punas sa mga luha, at pilit na pagtahan sa aking mga hikbi mula sa sinuong pagod na matagal ko nang kinimkim.   

Sa wakas, panandalian ring huminto ang siklong patuloy kong tinatakbo para sa pangarap na aking hinahabol.


Kasabay nito ang tanong kung paano ko muling malalasap ang ligayang tila matatagpuan lamang sa mga pangarap na matagal ko nang isinusulat sa aking listahan.


Saan nga ba nahahanap ang pahinga?


Inisip ko kung matatagpuan ba ito sa mga taong pinipilit nating maging sentro ng ating mundo na umiikot bawat segundo;                                                       

sa mga gala bang gusto na nating ituloy sa kadahilanang may sapat ng oras at panahon;                     o baka naman madalas nating gustong sulatan ang ating listahan ng malalaking pangarap, ngunit nakakalimutan natin na ang mga maliliit na sandali pala ang unti-unting nagpapabigat dito.


Sabi ng iba, gawin na raw natin ang lahat habang may oras pa. At akala ko, iyon na ang sagot sa matagal ko nang hinihiling na pahinga.                                             

Tumikim ng isang shot ng beer, kumain sa labas nang walang iniisip na kahit anong gawain sa eskwelahan, walang humpay na kantahan sa KTV, sumama sa lahat ng aya ng mga kaibigan.                                                                  

Lahat masaya.                                                                                                             

Lahat ay para sa panandaliang sarap ng buhay na minsan ay tahimik na nagdadala ng pait ng pagkalimot sa tunay na ligaya.


Ngunit sa bawat paglubog ng araw at sa bawat tatakbo ang oras, may mga bagay na hindi na natin maibabalik at mararanasan pang muli—mga sandali na sana’y tumagal pa at mga dalisay na saglit na kung titingnan ay mas mahalaga pa sa kahit anong gimik.                                                            

Sana mahanap natin ang pahinga sa muling pagbabalik sa yakap at piling ng ating mga magulang.       Sana bumalik ang panahon na hindi na lamang ako ang nag-iisang kumakain sa hapagkainan—kausap ang kawalan sa gitna ng nakabibinging katahimikan.


Sana dumating pa rin ang mga oras na ang pamilya na natin ang unang nagtatanong kung kumusta tayo. Dahil ang totoong nangungumusta ay hindi naghihintay ng sagot; nananatili sila hanggang maramdaman nilang maayos ka na.


At sana… 


Mahanap natin ang pahinga sa simpleng pag-uwi sa ating tahanan na may nag-aantay sa ating presensya. Minsan kasi, natututo tayong magpahinga dahil sa mga taong hinahayaan muna tayong huminto at huminga. Ito ang mga saglitang bahagi ng ating buhay na atin nang nakakaligtaan—mga biyayang hindi natin namalayang unti-unting nawawala.


Marahil hindi ito ang karaniwang listahan na pinapangarap ng iba.


Wala ang pagbabakasyon sa ibang lugar, ang pagbunyi ng mga engrandeng pagkapanalo, o maging ang tradisyon na, kung hahayaan ng panahon, ay pipiliin nating gawin.


Sapagkat kung makikita n’yo lamang ang aking lukot-lukot na papel ng aking listahan, hindi nito ilalarawan ang paglayo tungo sa ibang lugar, bagkus ay ipapakita nito ang pagbabalik sa kung saan ako nagmula. Ang mga laman ay yakap, hawak, halik, at pag-uwi sa tahanang umaasa sa aking pagdating.


Kaya naman, bago mapuno ang ating listahan, alamin muna natin kung alin ba ang hahanap-hanapin hindi lamang ng ating kasiyahan, kundi ng ating buong buhay. Sapagkat sa huli, ang mga sandaling ito ang mga alaalang pinakamasakit hanapin kapag wala na.


Artikulo: John Cedric Revestir

Dibuho: Leann  Grace Tamares


Comments


  • White Facebook Icon
  • Twitter
  • Instagram

THE COMMUNICATOR

2/F Lobby, College of Communication Bldg., NDC Compound, Anonas St., Sta. Mesa, Manila, Philippines 

PUP COC The Communicator © 2022

bottom of page