(na)tirahan

isang araw ng agosto,
naalala ko ang dating mga puwesto
ng mga gamit sa bahay
na nagpalaki sa'king buhay:
ang nalipat na lamesa;
ang napalitang sofa;
ang tv at electric fan na 'di na gumagana sa sala;
ang humihinang apoy ng kalan sa kusina;
ang nabutas na botas;
ang bintanang umaampiyas;
ang lumang aparador;
ang nawawalang paborito kong kutsara't tinidor;
ang nasirang paa ng kama sa kwarto;
ang ‘di mahanap na stasyon sa radyo;
ang bagong biling yero;
ang buhol-buhol na kable ng kuryente;
at ang pabulok naming kisame.
hanggang napunta ako sa punto na —
pasasalamat pa rin ako sa lahat ng mga biyaya
na mayroon ako na posibleng wala ang iba.
dahil hindi lahat ay may tirahan.
ang iba ay hindi na matahan,
dahil 'di na sila natirhan
ng kahit kaunting kagamitan,
para magkaroon ng masisilungan
sa panahon ng tag-ulan,
kaya't nanatili sa lansangan.
hindi lahat nais ng mga luho,
ang iba ay matibay na bahay na sementado
sa lugar na 'di delikado
at ‘di guguho tuwing may bagyo.
hindi lahat nais ng magarang sasakyan,
ang ilan ay nais lang ng maayos na matutuluyan.
hindi lahat nais ng malaking tahanan,
ay iba'y basta 'di baha ang tutulugan.
hiling lang ng karamihan ay
isang proyekto na 'di agad bibigay
sa anumang hagupit ng bagyo
at 'di sa isang kurap, ito ay maglalaho.
kaya sana’y matirahan na rin ng kaginhawaan
ang ibang napagkaitan
ng magandang kapalaran.
kahit magbago man muli ang itsura ng panunuluyan,
hindi ako lilisan
basta’t ‘di na bahang bahay ang paulit-ulit na lilinisan.
Article: Jul Sim Tebangin
Graphics/Illustrations: Leann Grace Tamares





Comments