Tao po, Uuwi na ang Luha kong Itinago
- The Communicator
- 16 hours ago
- 3 min read
Paano nga ba masasabing nagpapakalalaki ang isang tao? Kapag ba wala siyang inuurungang hamon sa buhay? Kapag ba kaya niyang harapin ang problema nang may katatagan? Kapag ba kaya niyang buhatin ang lahat ng pasanin nang walang angal?

O baka naman kasi, hindi siya umiiyak—sa harap ng pamilya, sa harap ng salamin, at sa harap ng mundo.
"Kapag umiyak ka, bakla ka."
Iyan ang sinasabi ng mga taong nakapaligid sa'kin. Tinuruan nila akong maging matapang sa kahit anong hamon ng buhay. Walang pag-aalinlangan. Walang pagrereklamo—KASI LALAKI AKO.
Siguro nga kapag matapang ka, hindi ka dapat umiyak. Dapat wala sa bokabularyo ko ang luha ng sakit at kalungkutan.
KASI LALAKI AKO.
Sa bawat palo ng aking magulang sa iba't ibang parte ng aking katawan.
Sa mga oras na ako ay bigo sa aking laban; At sa mga sugat na aking natamo dahil ako'y nadadapa sa bigat ng pasanin ng buhay...
Hindi ako umiyak.
Itinago at iniligaw ko ang mga luhang parati na lamang gustong kumawala. Sa tuwing nasasaktan ako, hindi na sumasagi sa isipan kong magtanong kung bakit masakit at hindi ko na rin iniinda.
Kaya't tuwing may kirot, itinatago ko. Tuwing may bigat, pinapasan ko pa lalo.
Isang pikit sa langit at tahimik na bulong sa hangin.
Lalaki ako.
Lalaki kasi ako.
Bakit kasi naging lalaki ako?
Sa lalong pagbigat at pagdami ng mga suliranin ng buhay,
hindi ko na kaya eh.
Unti-unting tumulo ang mga luha na tila parang dugo habang ako'y umupo at tumungo.
Umuuwi na sila—ang mga luha kong matagal nang hinahanap ang daan tungo sa mga nagpapakatatag na mata.
Hindi iyon dahil mahina ako. Umuwi sila dahil ilang taon ko na silang itinaboy. Umuwi sila para sagipin ang naghihingalong taong piniling maging tago.
Habang isa-isang bumabagsak ang mga luha, dito ko naiisip ang reyalidad ng pagiging isang “tunay” na lalaki.
Naalala ko ang aking ina—kung paanong nakakaya niyang umiyak sa kusina kapag mabigat na ang mundo. Ngunit kinaumagaha'y tatayong muli upang magtrabaho.
Baka hindi pala dahil sa bigat at dami ang tunay na problema. Baka ang totoo, hindi ko lang alam kung paano huminto at paano ibaba ang mga dala ko.
Hinawakan ko isa-isa ang mga sugat na matagal ko nang dapat binitawan at malamyang ibinaba. Marahil ito na kasi ang kasagutan kung paano nasusukat ang pagkalalaki. Hindi para buhatin lahat, kundi para ibaba ang mga pasaning matagal nang nakasukbit sa aking likuran.
Lalaki ako. Pero maaari bang huminto muna panandalian?
Hindi ko na alam paano aamining nasasaktan ako. Ngunit ngayong naka-uwi na ang mga luhang matagal nang ligaw, binago ko na rin ang tunay na tapang na hindi nasusukat sa pagtiis nang walang reklamo—kundi sa pag-amin na may mga bigat na hindi ko kailangang akuin mag-isa.
Dahil sa bawat darating na pait at bagsik ng buhay, tanging luha na lamang ang kakampi at sagot ko upang ipagpatuloy ang takbo at landas ng aking bukas.
Kaya naman,
Sa pamilya ko, sa mga kaibigan ko, at sa mga taong kilala ako.
Paumanhin… at umiyak ako. Patawad… at hindi ko na muling maitutuloy ang panatang ito.
Lalaki pa rin ba ako?
Artikulo: John Cedric Revestir
Dibuho: Simon Sampani




Comments