top of page

Wala naman si Ligaya sa Maynila

  • Writer: The Communicator
    The Communicator
  • 31 minutes ago
  • 2 min read

Tulad ni Julio sa pelikulang Maynila sa Kuko ng Liwanag, marami rin ang nagsugal sa kakarampot nilang barya para sa malaking pangarap. Binaybay ang Maynila nang walang kasiguraduhan, bitbit lang ang inaasam na matagpuan si Ligaya sa eskinita ng Pureza o sa bagon ng mga tren.


Ngunit sa kay tagal-tagal nang pamamalagi, ang nakabisado lang ay ang ilang beses na pagpasok sa cubicle para ilabas ang luhang araw-gabi nang kumakalampag. Impit ang bawat hikbi at nilalamon ng sistema paunti-unti.


Sa natitirang mga araw na maayos ang daloy ng pakiramdam, pilit hinalughog ang mga landas na maaaring bagtasin ni Ligaya; ngunit inabutan na lang ng dilim, hindi man lang lumitaw ni katiting na pigura nito. Nang dalhin ang sarili pauwi, binantaan ito ng porma na hindi palaging iisa kapag sumasalubong.


Wala namang iisang mukha ang pagod. 


Buti pa nga 'to sumilay na. Si Ligaya, kahit siguro ibigay na ang lahat, mailap pa ring magpakita. Nauupos na ang hinihithit na sindi, nauubos na ang pumupugak na liwanag, at tanging ingay na lang sa mga kuliglig ang bumubuno ng pakiramdam.


Nakaupo man at may ginagawa o kaya ay nakahigang nakikinig, hindi mababatid kung saan ito susulpot. Hindi mo siya makikita agad. Walang magsasabi kung kailan at paano darating. 


Kung ganito lang sana kadalas sumilay si Ligaya, baka hindi ko na kailangan maumpog pa para may maitipang letra, mabuo lang ang mga pirasong kay tagal nang ginugugol. 


Hindi rin maintindihan ang sarili at bakit naniwala pa sa direksyon ng kwento na 'yon ni Lino Brocka na pagala-gala lang si Ligaya sa Maynila. Siguro kung hindi naging sabik dito ay hindi na kailangan pagdaanan ang sandaling binabalot ng kung anong mistulang itsura o imahen ng pagod. Wala na sigurong tiyan na kumakalam dahil hindi na magawang makakain sa kawalang-gana, o pugtong na mga mata dahil mas madalas pang mapuwing kaysa ang makapagpahinga.


Magkano ba ang kailangan bayaran para makuha si Ligaya? 

Gaano kahaba ang pila para maangkin na siya?

Sa Maynila nga ba talaga siya nananalagi?

O baka naman sa imahinasyon na lang lahat gumagana?


Ligaya, saan ka na ba?

P'wede ka ba magpakita sa taong pagod na?


Article: Juliene Chloe Pereña

Illustration: Kristel Kyle Orosco


Comments


  • White Facebook Icon
  • Twitter
  • Instagram

THE COMMUNICATOR

2/F Lobby, College of Communication Bldg., NDC Compound, Anonas St., Sta. Mesa, Manila, Philippines 

PUP COC The Communicator © 2022

bottom of page