Ang Tanikalang Tinta
- The Communicator
- 3 days ago
- 1 min read

May dagan ng gabi, may banta ng apoy.
Ang bawat balita ay tila isang sugal,
Sa bayang ang katotohanan ay tinitingnang hangal.
Sinasabing malaya ang lipad ng ibon,
Ngunit bakit may tanikala sa bawat pagsuway sa alon?
Ang katotohanan ay pilit ibinabaon,
Sa hukay ng limot, sa luma at bagong panahon.
Ikaw na bata, sa kampus ay gising,
Ang iyong pahayagan ay nais nilang linsilin,
Ang bawat salita’y binabansagang "pula,"
Upang ang iyong tinig ay tuluyang mawala.
Red-tagging ang bansag, hatol ay kamatayan,
Sa bawat lathalaing laban sa katiwalian,
Ang "makakaliwa" ay naging mabisang sandata,
Upang itikom ang bibig ng naghahanap ng hustisya.
Hindi ba’t katarungan lang ang tanging hiling?
Bakit ang kapalit ay rehas na kasing-lamig ng libing?
Ang bawat pag-uulat ay paglalakad sa patalim,
Sa gitna ng tanghaling tapat, may nagbabadyang dilim.
Ang midya ay salamin ng ating lipunan,
Ngunit ang salamin ay pilit nilang binabasag sa harapan,
Ayaw makita ang dumi, ayaw makita ang sugat,
Kaya ang tagahawak nito ang siyang pinaglalamay sa puyat.
May laya nga ba kung ang panulat ay takot?
Kung ang bawat balita ay may kalakip na poot?
Ang laya ay huwad kung may nakatutok na baril,
Sa bawat mamamahayag na ang nais ay tumigil ang paniniil.
Ngunit hangga’t may pluma, hangga’t may naglalakas-loob,
Ang apoy ng katotohanan ay hindi magpapaubaya sa loob,
Ang laya ay hindi hinihingi sa mapang-api,
Ito ay ipinaglalaban hanggang sa huling sandali.
Article: Sayrine Cornito
Illustration: Jin Grayce Hernandez





Comments