top of page

Lupang Sinungalingan

Writer: The Communicator
The Communicator
5 minutes ago
1 min read

Nang lumabas ang balita

Nagtago ang mga mukha,

Ang mga kuro-kuro’y naglaho,

Hindi na alam kung sino ang may sala.


Isang taon nang kumalat ang galit,

May lapat pa rin ang kalsada,

Matulis pa rin ang tatsulok,

Tusok-tusok pa rin ang laylayan.


Inabot na ng pasko,

Walang nasangkot na pangalan.

Dumating ang bagong taon,

Tahimik pa rin ang piitan.





Pumasok ang Enero,

Bomba ang pinaputok sa lupa,

Natapos ang Pebrero,

Tahimik ang kalaskas ng posas.


Nauhaw si Marso,

Natuyot ang langis;

Namatay si Abril,

Bugbog nang tumaas ang bilihin.


Sumibol si Hunyo,

Gawa-gawang kaguluhan ang naghahari

Nanangis si Hulyo,

Panandaliang trabaho, sakahan ang kapalit.


Ano na ang aanihin?

Kung higit pa sa piso ang pagkain—

Baka ang dugo at pawis,

Tumagaktak na lang sa sahig.


Ang dating lupang sinilangan,

Kasinungalingan ang inilathala,

Lubog na nga ang mga kamay,

Tinutulak pa lalo ng higante.


Patapos na naman muli ang taon,

Bingi at bulag pa rin si Marcos,

Kinalampag na ang labas at kalsada,

Nagtatago pa rin siya sa likod ng kapulisan.


Ano ba ang bago?

Parehong pangalan lang ulit ang naupo,

Tatay na diktador at anak na kurakot,

Nilubog pareho ang masa sa kahirapan.


Pare-pareho lang ang kanilang mithiin,

Gamitin ang pasismo bilang panakot,

Kunwari’y inililigtas ang estado,

Mapaniwala lang na baliktad ang tatsulok.


Ngunit haring-uri pa rin ang naglalayag,

Nakangiting hawak ang kapangyarihan,

Habang sakal-sakal nito ang lipunan,

Unti-unting inuubusan ng hininga.


Sa lupang sinilangan, hanggang kailan magtitiis?

Ipadama ang apoy ng masang api,

Imulat ang mata, baliktarin ang tatsulok,

Sunugin ang imperyalismong sakit ng bayan.


Artikulo: Parrilla James

Dibuho: Allaine Arcaya


Comments


  • White Facebook Icon
  • Twitter
  • Instagram

THE COMMUNICATOR

2/F Lobby, College of Communication Bldg., NDC Compound, Anonas St., Sta. Mesa, Manila, Philippines 

PUP COC The Communicator © 2022

bottom of page