top of page

Tanggalin ang Pasanin o ang Kamalayan?

  • Writer: The Communicator
    The Communicator
  • 2 days ago
  • 5 min read

Hindi ang mabigat na pasanin, kundi ang kaalaman at kamalayan ng mga college students ang tiyak na tatanggalin ng Department of Education (DepEd) sa rekomendasyon nito sa Commission on Higher Education (CHED) na alisin ang tatlong piling general education (GE) courses sa kolehiyo.



Nitong Mayo, tinalakay sa House of Representatives ang planong pagtanggal ng Art Appreciation, The Contemporary World, at Ethics sa kolehiyo. Batay sa mga ulat, isa sa mga dahilan nito ay dahil sa ‘duplication’ kung saan ay napag-aaralan na umano sa iba't ibang mga asignatura mula sa ika-pitong baitang hanggang baitang labing-dalawa ang mga nasabing GE courses—ang Art Appreciation sa Arts, The Contemporary World sa Araling Panlipunan, at Ethics sa Good Manners and Right Conduct (GMRC) at Values Education.


Marahil ay may pagkakahawig nga ang mga kursong ito sa ilang mga asignatura sa sekondarya; hindi rin maikakailang mayroon ding mga araling natalakay noon na pinag-aaralan pa rin sa kolehiyo, ngunit bilang isang college student, masasabing higit pa sa pagiging “duplication” ang mga kursong ito.


Pag-aanalisa ng iba't ibang mga problema at pagbibigay solusyon gamit ang mga ethical frameworks o wastong pamamaraan ang kasanayang itinuturo sa Ethics, hindi tulad ng GMRC at Values Education na sumasaklaw sa mabubuting asal o basic manners sa mababang antas. Kumpara sa dalawang asignatura, mas malalim din ang pag-intinding ibinibigay ng Ethics sa pagkakaiba ng tama at mali na may malaking ambag naman sa pagpapakatao, pagiging mapanuri, at pagbuo ng desisyon ng mga estudyante.


Itinuturo naman sa Art Appreciation ang mas malalim na pag-unawa sa iba't ibang klase ng sining, kasama rito ang mga sining na nagpapakita ng mga hubad o vulgar na imahe—hindi para makita na malaswa o kabastusan, ngunit bilang isang sining na may mas malalim pang mensahe. Ito ang hindi itinuturo sa Arts na isa lamang sa mga component ng asignaturang MAPEH (Music, Arts, Physical Education, and Health) at kadalasang nagpapakilala  ng mga sining at artista o dalubhasa. Kung ipagkukumpara ang dalawa, ang Art Appreciation ay pinag-aaralan upang mas malinang ang kakayahan ng mga mag-aaral sa pag-aanalisa at komunikasyon, habang ang Arts naman ay kadalasang pinag-aaralan para lamang kabisaduhin ang mga likhang-sining at ang gumawa nito.


Samantala, higit naman sa pag-aaral lamang ng heograpiya at kasaysayan ng mundo ang The Contemporary World. Matututunan dito ang realidad at kasalukuyang sitwasyon ng lipunan sa aspetong pampolitika at socioeconomic. Importante ito lalo pa't nasa wastong edad na at may kakayahan na ring lumahok sa eleksyon ang mga nasa kolehiyo, dahil iminumulat ng kursong ito ang mga estudyante sa iba't ibang sitwasyong may kinalaman sa politika, globalisasyon, at iba pa na lubhang napakahalaga upang maging matalino at magkaroon ng kakayahan na mag-isip ng kritikal  sa pagboto at mas maging mabusisi sa gobyerno at lipunan.


Ito ang mga hindi nakikita ng DepEd na mahahalatang may mababaw lamang na pagtingin sa mga nasabing kurso, ‘singbabaw ng mga naiisip nilang mga hakbang sa pagsasaayos at pagpapaunlad sa sistema ng edukasyon. Hindi ba nila naisip na makailang beses na rin namang nagtanggal noon ng mga GE courses, na imbes na makatulong ay mas pinababa lamang ang kalidad ng edukasyon sa kolehiyo?


Taong 2019 nang alisin ang Filipino, Panitikan, at Philippine Government and Constitution bilang mga core subjects, dalawang taon na rin ang nakalipas nang muling nagkaroon ng mungkahing magtanggal ng GE courses sa kolehiyo. Marami ang mga umangal dito kabilang na ang ilang grupo at mga propesor mula sa iba't ibang unibersidad na nagsasabing mahalaga ang GE courses sa pagpapaunlad ng critical thinking skills—patunay na malaking kawalan ang pag-alis nito sa paghubog ng kaalaman at kamalayan ng mga estudyante.


Hanggang ngayon, problema pa rin ang illiteracy rate sa bansa. Sa katunayan, batay sa inilabas na datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) at sa pag-aaral na rin ng Senate Committee on Basic Education sa ilalim ng pamumuno ni Sen. Win Gatchalian, 79% ng mga nagsipagtapos sa senior high school (SHS) noong 2024 ay functionally illiterate na maaaring marunong bumasa't sumulat, ngunit mahina naman ang comprehension skills.


Lubha itong nakababahala at isa ring malaking indikasyon ng kapalpakan ng DepEd, kaya naman kataka-takang nagagawa pa nilang makialam sa CHED gayong hindi na nga nila maisaayos ang kalidad ng edukasyon sa mababang antas. Idagdag pa ang rekomendasyon nilang magtanggal ng kurso sa kolehiyo—para ano, mas lalong humina ang pang-intindi ng mga estudyante?


Hindi solusyon ang pagbabawas ng kurso kung ang layunin naman ay mapagaan ang pasanin ng mga mag-aaral.  Hindi ang dami ng units o tagal ng pag-upo sa eskwelahan ang nagpapahirap sa mga estudyante, ito ay ang dami ng mga gawaing hindi naman mahalaga at nakaangkla sa itinuturo ng kurso. Ang dapat na ipinatutupad sa iba't ibang unibersidad ay ang pag-maximize o paggamit ng oras ng klase upang turuan at matuto ang mga mag-aaral, imbes na gumawa lamang ng hindi naman angkop na mga gawain.


Kung para mas maaga namang matapos sa kolehiyo at makahanap ng trabaho ang pag-uusapan, wala pa ring saysay ang pagbabawas ng semestre o kahit taon dahil hindi akma ang sistema ng kwalipikasyon sa paghahanap ng trabaho sa Pilipinas.


Ano pa man ang rason sa mungkahing ito, ang pagtanggal sa mga GE courses ng Art Appreciation, The Contemporary World, at Ethics—na pawang mga humanities subjects—sa kolehiyo ay malinaw na may intensyong pauntiin ang mga kaalaman ng mga mag-aaral at gawin silang bulag na taga-sunod sa lipunan. Isa lamang itong mapanlinlang at walang patutunguhang solusyon, sapagkat kung mayroon mang dapat na baguhin sa sistema ng edukasyon sa kolehiyo, iyon ay ang pagsasaayos ng mga nilalamang aralin at gawain hindi lamang ng mga GE courses kundi pati na rin ng iba pang mga kurso. 


Isa itong hamon para kay Commissioner Shirley Agrupis. Bilang bagong tagapamahala ng CHED, nararapat na mauna sa kaniyang agenda ang pagpapabuti ng college curriculum. Sa halip na bawasan ang mga kurso ay mas mainam na ayusin ang mga ito sa pamamagitan ng pagrebisa ng mga aralin at gawaing nakapaloob dito, lalo na’t naging aalalahanin ang pagkakaroon ng duplication ng mga aralin sa sekondarya at kolehiyo.


Malaking tulong din kung isusulong ng CHED ang patuloy na panawagan ng bawat state universities and colleges (SUCs) na magkaroon ng mas mataas na badyet para sa mga pamantasan at mataas na sweldo para naman sa mga kaguruan, sapagkat kung talagang ang layunin ay paunlarin ang kalidad ng edukasyon at pagaanin ang pasanin ng mga estudyante, dapat na isa sa mga nagiging solusyon ay ang pagbibigay ng tamang pasahod at sapat na resources sa mga unibersidad.


Higit sa lahat, dapat na maunawaan ng CHED, lalong-lalo na ng DepEd na siyang may hawak ng pinakamalaking populasyon ng mga estudyante, na hindi ang pagtanggal ng mga kurso o asignatura ang sagot sa nararanasang krisis sa edukasyon kundi ang isang maayos at tapat na pamumuno.


Artikulo: Earies Porcioncula

Dibuho: Lara Denise Tinos

Comments


  • White Facebook Icon
  • Twitter
  • Instagram

THE COMMUNICATOR

2/F Lobby, College of Communication Bldg., NDC Compound, Anonas St., Sta. Mesa, Manila, Philippines 

PUP COC The Communicator © 2022

bottom of page