Limang Buwang Impyerno
- The Communicator
- 4 days ago
- 6 min read
Sa paglipas ng mga araw at buwan ngayong taon, naging tila impyerno ang Pilipinas dahil sa kabi-kabilang kontrobersya at suliraning nagpahirap sa maraming Pilipino.

Bago pumasok ang taong 2026, umingay ang isyu sa mga maanomalyang flood control projects sa bansa. Disyembre noong nakaraang taon nang tuluyang arestuhin at ikulong ang kontratistang si Sarah Discaya, isa sa mga malalaking pangalan sa likod ng makinarya ng korapsyon sa mga nasabing proyekto. Subalit, kasabay ng pagdating ng bagong taon ay ang unti-unti ring paghina ng ingay ng isyung ito. Bagama’t napag-uusapan pa rin, naging mabagal ang imbestigasyon at paghuli sa mga tiwali dahil hindi na muling nabigyan ng sapat na atensyon ang isyu matapos bigyang prayoridad ng pamahalaan ang mas lalong pagdiin sa mga patuloy na pumupuna sa gobyerno.
Maliban kay dating Senador Bong Revilla, na sumuko sa Philippine National Police (PNP) noong Enero 19 matapos mahainan ng arrest warrant na may kinalaman pa rin sa isyu ng flood control projects, wala nang nadagdag sa mga dapat na managot. At habang patuloy na hindi pa rin nakikilala at malaya lamang ang iba pang malalaking pangalang sangkot sa katiwaliang ito, mayroon namang patuloy na tinatanggalan ng kalayaan ang estado, tulad ni Frenchie Mae Cumpio—isang community journalist na matapos maabswelto sa kasong “illegal possession of firearms” ay hinatulang guilty sa kasong may kinalaman sa “financing terrorism,” dahilan upang manatili siyang nakakulong sa loob ng anim na taon.
Ayon nga sa International Federation of Journalists (IFJ) at National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), isa itong pagpapakita ng patuloy na pagsupil ng pamahalaan sa malayang pamamahayag at pagbibigay ng walang basehang mga akusasyon sa mga alagad ng midyang nakikiisa sa laban para sa karapatang pantao. Hindi dapat ang mga indibidwal na tumitindig sa katotohanan ang pinupuntirya ng gobyerno, kundi ang mga taong nakikinabang sa mga bagay na bunga ng korapsyon.
Bukod dito, inilabas din ng Korte Suprema sa parehong buwan ang kanilang desisyon sa impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte, kung saan idineklara bilang “unconstitutional” ang nasabing mosyon. Naging dahilan ito upang mas lalong bumagal ang pagsailalim ni Duterte sa impeachment trial; at ang mas nakadidismaya pa ay nagbigay daan ito upang ianunsyo ng bise presidente ang kaniyang planong pagtakbo sa pagkapangulo sa darating na eleksyon sa 2028. Datapwa’t may mga sumunod naman agad na panibagong reklamo laban sa kaniya, mas lalo lamang pinalakas ng nasabing desisyon ang pangalan ni Duterte sa taumbayan.
Sa buwan ding ito, naghain ng counter-affidavit sa Department of Justice (DOJ) sina Jacob Baluyot at Tiffany Faith Brillante—mga mag-aaral mula sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas (PUP)—hinggil sa ipinadala sa kanilang subpoena dahil sa kasong Sedition at Inciting to Sedition na may kinalaman umano sa nangyaring kaguluhan sa Mendiola noong Setyembre 21, 2025. Ilan lamang sila sa mga lider-estudyanteng pilit na idinidiin sa mga gawa-gawang kaso, samantalang mayroong ibang mga indibidwal ang mas dapat na pinagtutuunan ng pansin ng estado.
Kabilang dito ang mga senador na sina Bong Go at Ronald “Bato” dela Rosa; dating PNP chiefs na sina Oscar Albayalde, Camilo Cascolan, at Vicente Danao; noo’y National Bureau of Investigation (NBI) Chief Dante Gierran; Isidro Lapeña na dating pinuno ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA); at Vitaliano Aguirre II na naging kalihim naman ng Department of Justice (DOJ)—na tinukoy ng International Criminal Court (ICC) bilang “indirect co-perpetrators” sa kaso ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na “crimes against humanity” dahil sa drug war.
Ang pagkakadawit ng mga pangalang ito ay dapat sana’y nagsisilbing hakbang tungo sa pananagutan para sa libo-libong biktima ng giyera kontra droga ng dating administrasyon. Ngunit tulad ng ibang mga naunang kontrobersya, ganoon na lamang din ito kadali naisantabi—isang patunay kung gaano kahina at kabagal ang pagdating ng pananagutan sa mga may kapangyarihan sa bansa.
Sa sumunod namang buwan, mas lalong naramdaman ang impyerno, hindi lamang dahil sa tindi ng init ng panahon, kundi pati na rin sa suliraning dulot ng krisis sa langis na lubhang naapektuhan ang mga drayber, komyuter, at maraming mga Pilipino. Kasabay ng pagtakbo ng mga araw ay ang siya ring pag-arangkada ng presyo ng petrolyo, dahilan para tumaas din ang presyo ng mga bilihin.
Ang simpleng hiling—ngunit may malaking tulong sa kabuhayan ng mga tsuper—na itaas nang bahagya ang presyo ng pamasahe, hindi pinagbigyan ng pangulo. Kung kaya’t pati ang pansamantalang suspesyon ng pagpataw ng excise tax at value-added tax (VAT) sa produktong petrolyo, lalong-lalo na sa diesel at gasolina na pinakakailangan ng mga public utility vehicle (PUV), ay suntok sa buwan ding mangyari.
Hinayaan lamang ng pamahalaang patuloy na baratin ng mga malalaking kumpanya ng langis ang mga ordinaryong Pilipino. Imbes na ibasura ang Oil Deregulation Law na nagbibigay kapangyarihan sa mga kumpanya na mas lalong taasan ang presyo ng produktong petrolyo, tanging maliliit na pakiusap lamang sa kanila ang ginawa ng gobyerno. Ang mga tsuper at iba pang PUV drivers, tiniis na lamang ang gasgas na solusyon ng pamahalaan: ang pamimigay ng ayudang hindi naman sasapat sa pang-araw-araw na pangangailangan at pagbawi ng kanilang kita.
Samantala noong Abril, ipinakita naman ng estado kung gaano kalaki ang sungay ng mga kawani nito nang mangyari ang isang madugong engkwentro noong Abril 19 sa pagitan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at mga bahagi umano ng New People’s Army (NPA) sa Negros Occidental, kung saan nasawi ang 19 na indibidwal, kasama ang siyam na inosenteng sibilyan na kinabibilangan ng lider-estudyante mula sa University of the Philippines (UP) na si Alyssa Alano, community journalist na si RJ Ledesma, at dalawang menor-de-edad.
Malaking repleksyon ang pangyayaring ito kung paano tila nagiging halimaw mula sa impyerno ang militar sa kanilang mga marahas na operasyon sa kanayunan. Sa kanayunan kung saan palaging iniisip na lungga ito ng mga rebelde, imbes ng mga mamamayang naghihirap at nangangailangan ng tulong ngunit patuloy lamang na pinahihirapan ng estado. Isa lamang ang Toboso, Negros Occidental sa mga lugar sa bansa na tunay na nakararanas ng mala-impyernong buhay nang dahil sa palpak na gobyernong nagkokontrol sa sistema ng militarisasyon, karahasan, at red-tagging.
Sa katatapos lamang na buwan ng Mayo, marami pang naranasan ang mga Pilipino. Mula sa rotational brownouts dahil sa matinding init, muling pagka-impeach sa Kamara ni Duterte, bigong pag-aresto kay Dela Rosa sa kaniyang kaso sa ICC, hanggang sa mga nakadidismayang pangyayari sa Senado, kitang-kita kung paano pinaglalaruan ng pamahalaan ang naghihikahos nang buhay ng mga mamamayan. Sa PUP naman, danas ang matinding krisis sa edukasyon matapos ang nangyaring sunog sa East Wing—isang manipestasyon kung gaano kahirap ang mag-aral sa unibersidad na umaasa sa generator upang magkaroon ng maayos na suplay ng kuryente.
Araw-araw, tila tinutusta ang bawat isa dahil sa mataas na temperatura, at pinarurusahan dahil naman sa mga politikong basta na lamang ginagawa ang kanilang mga responsibilidad. Nagpatuloy ang karahasan at pagsikil sa kalayaan habang mayroong kumakalam ang mga sikmura, nag-iisip kung paano babawiin ang kita, at nagtitiis sa bulok na sistema ng pampublikong transportasyon makarating lang sa eskwelahan at trabaho.
Sa loob ng limang buwan, ganito ang naging sitwasyon sa bansa—ito ang pinagdaanan ng milyon-milyong Pilipino. Tunay na naging parang impyerno ang Pilipinas dahil sa imperyalista at burukratikong sistema ng gobyernong pinamamahalaan ng mga “demonyong” nagpapahirap, nang-aabuso, at tumatapak sa karapatang pantao.
Ngayong Hunyo, nakatakdang arestuhin at isailalim sa paglilitis ang ilang mga sangkot sa isyu ng katiwalian sa flood control projects, tulad ni Sen. Jinggoy Estrada. Inaasahan din ang muli na namang pagpapalit ng liderato sa Senado na mayroong malaking implikasyon sa proseso ng impeachment ni Duterte at paghuli kay Dela Rosa.
Kabilang din ang sektor ng edukasyon sa mapag-uusapan sa buwang ito dahil sa papalapit na pasukan ng mababang antas, kung saan sisimulan sa mga pampublikong paaralan ang makasaysayang pagsabak sa tatlong semestreng kalendaryo. Sa Sintang Paaralan naman, muling binuhay ang National Polytechnic University (NPU) Bill, na ikinadismaya at mariing tinututulan noon pa man ng maraming Iskolar ng Bayan dahil sa mapagkunwari nitong adhikaing patataasin ang kalidad ng edukasyon sa unibersidad.
Malamang ay marami pang hindi inaasahang sitwasyon ang mangyayari sa mga susunod na buwan, subalit hindi naman ito nangangahulugan na hindi na ito dapat na paghandaan, lalong-lalo na ng estado na siyang dapat ay nagtataguyod sa mamamayan sa oras ng krisis. Imbes na maging sanhi pa mismo ng mas malalang problema, nararapat na maging himpilan ng mga konkretong solusyon at makabuluhang programa ang gobyerno.
Kinakailangang magpatuloy din ang paniningil at paghingi ng pananagutan sa lahat ng mga nasa puwesto, nang sa ganoon ay hindi manatili lamang na nakalugmok ang taumbayan habang tinutusta sa mala-impyernong bansa dulot ng imperyalismo, burukratiko, at mapang-alipustang sistema ng pamahalaan.



Comments