top of page

Para Kanino Ba?

Writer: The Communicator
The Communicator
16 hours ago
4 min read

Updated: 6 minutes ago

Ang pagtatapos ay isang yugto sa buhay ng isang mag-aaral na pinakaaabangan. Dito ipinagdiriwang at ipinagpupugay ang lahat ng pinagdaanan sa ilang taon ng pag-aaral. Kumbaga, chapter closed. Ngunit paano mo maisasara ang isang kabanata kung sa mismong pagtatapos, tila kailangan mo pang itanong “para kanino ba talaga ito?”.

Paano mo isasara ang isang yugto kung sa proseso pa lamang ng aplikasyon para sa graduation, samu’t saring isyu na ang kailangang harapin ng graduating students? Nariyan ang late issuance ng Certificate of Candidacy (COC), lalo na sa Open University System na inabot pa ng Agosto bago na-release, habang ang ilan ay Setyembre na mismo nakatanggap. 


Para sa mga mag-aaral na naghihintay ng kumpirmasyon ng kanilang graduation, hindi lamang ito simpleng pagkaantala. Kaakibat nito ang pangamba kung makakahabol ba sila sa list of graduates at kung sapat ba ang oras para maihanda ang iba pang kailangang dokumento.


Mahirap ding maramdaman na ang palatuntunang ito ay nakalaan para sa mga magsisipagtapos kung ang mismong graduation guidelines ay inilalabas lamang ilang linggo bago ang  seremonya. Hunyo pa nang matapos ang semestre para sa akademikong taon 2025–2026, ngunit nailabas lamang ang eksaktong petsa para sa baccalaureate mass, toga distribution, graduation rehearsal, pati ang araw kung kailan gaganapin ang pagtatapos ng bawat kolehiyo nitong Agosto 28. 


Para sa ilan, maaaring simpleng petsa lamang ang mga ito. Ngunit para sa graduating students, ang mga petsang ito ay siyang pagitan ng paghahanda mula sa pagiging estudyante patungo sa pagiging isang ganap na propesyonal.


Sa mga petsang ito, inaasikaso na ng mga graduating students ang paghahanap ng trabaho, pagkuha ng requirements, at pagpaplano ukol sa graduation. May mga magulang na kailangang mag-leave sa trabaho o hindi nama’y umuwi ng bansa upang dumalo sa pagtatapos ng kaniyang anak. At may mga estudyanteng kailangang maglaan ng oras at pera para sa mismong graduation.


Kaya paano mo maituturing na isang araw ng pagpupunyagi ang pagtatapos kung isang kasama lamang ang pinapayagan sa loob ng venue, na pinalala pa ng alituntuning nagbabawal sa mga magsisipagtapos na samahang umakyat sa entablado ng kanilang magulang o guardian?


Hindi naman maihihiwalay ang pagtatapos sa mga taong naging bahagi ng paglalakbay ng isang estudyante. Tanging ang pangalan lamang ng magtatapos ang nakasulat sa diploma, ngunit ang paglalakbay upang makuha ito ay hindi niya binaybay nang mag-isa.  Kasama sa tagumpay na ito ang mga magulang, kapamilya, kaibigan at iba pang taong nagtaguyod at sumuporta upang makarating tayo sa araw na ito. Ngunit sa halip na kilalanin ang kanilang presensya bilang bahagi ng pagdiriwang, mas naging konsiderasyon pa ang posibilidad na magdulot ito ng overtime.


Hindi rin agad ipinaalam na ganito ang magiging polisiya. Kung naibigay sana nang mas maaga ang malinaw na alituntunin, nagkaroon sana ng sapat na panahon ang mga mag-aaral upang maunawaan ito at makahanap ng nararapat na paraan upang maiparating ang kanilang mga hinaing.


Sa isang araw na ilang taon naming hinintay, maging ang pagkakataong ipagdiwang ang pagtatapos kasama ang aming mga mahal sa buhay ay tila kailangang ipagkait at limitahan.  Hindi naman hinihingi ng graduates ang isang perpektong seremonya o ang isang pagtatapos na walang limitasyon. Ang tanging hinihiling lang naman namin ay mabigyan ng sapat na konsiderasyon sa araw na dapat ay para sa amin.


Ngunit hindi lamang sa mismong seremonya naramdaman ang kakulangan ng konsiderasyon. Mula sa toga distribution hanggang sa graduation tickets at TOR claiming, tila naging bahagi na rin ng paghahanda ang mahabang pila, matinding init, biglaang pag-ulan, at paulit-ulit na paghihintay. 


Para sa amin ba talaga ito kung higit 3,500 graduates kada araw ang kinailangang pumila at maghintay sa init nang ilang oras? Dagdagan pa ito ng biglaang pag-ulan dahil sa Habagat. Magulo rin ang sistema ng pila, isang sitwasyong maaari sanang naiwasan kung mas maagang naplano ang proseso, mas maagang naitakda ang mga schedule, at higit sa lahat, hindi pinagsabay-sabay ang napakaraming transaksyon sa iisang araw.


Siguro nga, hindi mo masasabing tunay kang PUPian kung hindi mo naramdaman ang #DANAS. Pila rito, pila roon. Mahabang proseso, matagal na paghihintay. Ngunit kailan naging normal ang aberya? Kailan dapat naging bahagi ng pagiging PUPian at Iskolar ng Bayan ang pagtitiis sa isang sistemang maaari namang ayusin? 


Bakit tila kailangang tiisin ng graduating students ang kalituhan, mahabang pila, init, ulan at kawalan ng malinaw na impormasyon para lamang makuha ang mga bagay na kailangan nila para sa kanilang pagtatapos? At ang mas nakalulungkot pa, hindi na ito bagong problema.


Hindi lamang Batch 2026 ang nakaranas ng mga problemang ito. Sa mga nakaraang pagtatapos, paulit-ulit ding naging usapin ang pahuli-huling paglalabas ng alituntunin, hindi maayos na sistema ng toga distribution at graduation ticket issuance, at iba pang aberyang kinailangang pagtiisan ng mga graduating students.


Kung paulit-ulit na ring naiuulat o nararanasan ng mga magsisipagtapos ang mga suliranin sa graduation preparations at administrative processes, hindi na ito maituturing na simpleng aberya lamang. Isa na itong paulit-ulit na suliraning kailangang suriin hindi lamang sa bawat graduation season, kundi sa mismong sistemang nagpapahintulot dito na maulit. 


Ang pagtatapos ay hindi lamang isang pangyayaring kailangang idaos at matapos ng unibersidad. Para sa mga estudyante, ito ang katapusan ng ilang taon ng puyat, pagod, requirements, exams, deadlines, sakripisyo at pangarap. Ito ang araw na pinaghirapan naming makarating.


Kaya kung tunay na ito ay para sa amin, sana ang sistema at mga polisiya nito ay inilalatag nang maaga at nagbibigay ng konsiderasyon. Dapat na naghahanda ng konkretong plano. Ayusin ang proseso bago pa dumating ang araw ng graduation. At higit sa lahat, bumuo ng sistemang hindi lamang nakatuon sa kung paano matatapos nang maaga ang seremonya, kundi sa kung paano ito magiging makabuluhan para sa mga taong dapat nitong ipagdiwang. 


Kung tunay nga na ang Sintang Paaralan ay pinagpala, sana sa mga susunod na pagtatapos, hindi na kami humihingi ng kaunting awa.


Article: Alexa Franco

Illustration: Allaine Arcaya


Comments


  • White Facebook Icon
  • Twitter
  • Instagram

THE COMMUNICATOR

2/F Lobby, College of Communication Bldg., NDC Compound, Anonas St., Sta. Mesa, Manila, Philippines 

PUP COC The Communicator © 2022

bottom of page