17MPUNIDAD
Labimpitong taon na ang lumipas mula nang kumitil ng 58 na buhay ang Maguindanao Massacre. Labimpitong taon din muli nang ituring ito bilang world’s single-day muder of media workers, matapos mapaslang sa masaker ang 32 na mamamahayag at iba pang miyembro ng midya. Ngunit hanggang ngayon, nananatiling lantad sa karahasan at pananakot ang mga mamamahayag sa bansa.

Habang patuloy na inaalala ang mga nasawi, hindi pa rin ganap ang hustisya para sa lahat ng biktima. Higit pa sa alaala ng isang madugong trahedya, iniwan ng masaker ang isang paalala: hindi pa rin ligtas ang mga peryodista na nag-uulat at naglalantad lamang ng mga tunay na pangyayari sa lipunan. Ipinapakita rin ng masaker at ng iba’t ibang uri ng patuloy na karahasan sa mamamahayag ang kultura ng impunidad na umiiral sa bansa.
Umaga ng araw ng Nobyembre 23, 2009, patungo sa Shariff Aguak, Maguindanao, ang convoy ni Esmael “Toto” Mangudadatu upang ihain ang kaniyang certificate of candidacy para sa pagka-gobernador. Dahil sa nakaabang na panganib dulot ng pagtakbo sa posisyon laban kay Andal “Unsay” Ampatuan Jr., pinili ni Mangudadatu na ipasama sa convoy ang kanyang asawa, mga kaanak, tagasuporta, at mga mamamahayag na mag-uulat sana sa paghahain. Subalit, hinarang ito ng mga armadong tauhan na konektado sa makapangyarihang pamilya ng mga Ampatuan at dinala sa isang lugar sa bayan, kung saan pinaslang ang mga biktima. Naging malinaw sa pangyayaring ito kung paano nagamit ang kapangyarihang pampulitika at mga armadong grupo upang marahas na hadlangan ang isang hamon sa kapangyarihan ng isang makapangyarihang angkan.
Sampung taon matapos ang masaker, nagkaroon ng hatol ang kaso. Noong Disyembre 2019, nahatulan si Ampatuan Jr. at iba pang mga sangkot sa pagpatay. Ngunit hindi nito tuluyang natuldukan ang kaso, sapagkat kasabay ng hatol ay may mga akusadong napawalang sala at iba pang patuloy na nakalalaya. Samantala, nananatiling nakabinbin ang mga apela sa Court of Appeals, isang implikasyon na hindi pa natatapos ang pagkamit ng hustisya.
Makikita rin ang limitasyon ng hatol sa kaso ni Reynaldo “Bebot” Momay, isang photojournalist na kabilang sa mga naiulat na nasawi sa masaker. Hindi kailanman natagpuan ang kaniyang bangkay, kaya hindi napatunayan sa korte nang lampas sa makatwirang pagdududa na siya ay pinaslang. Dahil dito, 57 lamang ang kinilalang biktima ng pagpatay sa hatol noong 2019, bagaman 58 katao ang naiulat na nasawi sa masaker. Hanggang ngayon, patuloy na ipinaglalaban ng kanyang pamilya ang pagkilala sa kaniya bilang ika-58 na biktima.
Mahigit isang dekada matapos ang masaker, nananatiling lantad sa iba't ibang anyo ng panggigipit ang mga mamamahayag. Hindi man magkakatulad ang mga insidenteng kanilang kinakaharap, ipinakikita ng mga ito kung paanong nalilimitahan ang kalayaan ng pamamahayag sa pamamagitan ng mga kasong legal, pisikal na karahasan, at pananakot habang ginagampanan nila ang kanilang tungkulin.
Isa sa mga kasong nagbigay-diin sa usaping ito ang pagkakahatol kay community journalist Frenchie Mae Cumpio at sa kanyang kasamang si Marielle Domequil noong Enero 22, 2026. Hinatulan sila ng Regional Trial Court Branch 45 sa Tacloban dahil sa kasong terrorism financing sa ilalim ng Republic Act No. 10168 at sinentensiyahan ng 12 hanggang 18 taong pagkakakulong. Gayunman, pinawalang-sala sila sa hiwalay na kasong illegal possession of firearms and explosives. Noong Agosto 3, naghain sila ng apela sa Court of Appeals upang igiit ang mga paglabag sa due process at kakulangan sa ebidensya sa kasong terrorism financing. Dahil dito, hindi pa pinal ang hatol laban sa kanila.
Samantala, kamakailan lang ay naiulat din ang pananakit kay PUP College of Communication (COC) alumni at Bulatlat reporter Aaron Ernest Cruz habang nag-uulat sa kilos-protesta ng mga magsasaka sa labas ng Department of Agrarian Reform (DAR) noong Oktubre 19. Ayon sa Commission on Human Rights (CHR), nagtamo siya ng mga pasa matapos umanong gumamit ng labis na pwersa ang mga pulis sa tangkang pag-aresto sa kaniya. Sinimulan ng CHR ang sariling imbestigasyon sa insidente at humingi ng mga kaugnay na dokumento at salaysay mula sa mga kinauukulan. Samantala, naghahanda rin ang National Police Commission (NAPOLCOM) ng mga administratibong kaso laban sa tatlong pulis na sangkot. Gayunman, hindi pa nangangahulugan ang mga hakbang na ito naganap nang napapanagot ang mga responsable.
Muli ring naiulat ang panggigipit sa mga mamamahayag sa mga protesta kaugnay ng 2026 ASEAN Summit noong Nobyembre 15. Ayon sa National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), hindi bababa sa 22 media workers, kabilang ang mga campus journalist mula sa UPLB Perspective, UPLB The Staple, UP Philippine Collegian, at City College of Calamba The Sentinel, ang nakaranas ng panggigipit mula sa mga pulis habang nag-uulat sa mga protesta. Kabilang sa mga naiulat na insidente ang pag-aresto sa ilang mamamahayag at pagtatangkang arestuhin ang iba pa. Ipinakikita ng mga pangyayaring ito na maging ang mga mamamahayag na nagdodokumento ng mga kilos-protesta ay nahaharap sa panganib habang ginagampanan ang kanilang tungkulin.
Hindi maituturing na magkakahiwalay na insidente lamang ang mga pag-atakeng ito. Sa halip, magmula pa sa Maguindanao Massacre at sa mga naging halimbawa, inilalantad din ng mga ito ang mas malalim pang suliranin: ang 17 taon din na kultura ng impunity o kawalan ng pananagutan, kung saan nagpapatuloy ang mga paglabag dahil hindi sapat ang mga hakbang upang panagutin ang mga responsable at pigilan ang mga susunod na pag-atake. Isa sa mga nagpapalala sa ganitong kalagayan ang mabagal na proseso ng hustisya sa bansa. Sa Maguindanao Massacre, halos sampung taon ang hinintay ng mga pamilya ng mga biktima bago nailabas ang hatol noong 2019. Sa kabila nito, nananatiling hindi ganap ang pagkilala sa lahat ng nasawi, gaya ng ipinakikita ng kaso ni Reynaldo Momay. Ang ganitong katagalan ng proseso ng paghahanap ng katarungan ay nagiging mahabang pakikibaka para sa mga biktima at kanilang pamilya. At sa ganitong uri ng kultura na mayroon ang Pilipinas, pinapakita nito na hindi nagtatapos ang problema sa mismong insidente, sapagkat nananatili ang mga kondisyong nagbibigay-daan upang maulit pa ang mga ito.
Higit pa rito, hindi lamang kaligtasan ng mga mamamahayag ang nakataya sa tuwing sila ay sinasaktan, tinatakot, o pinipigilang mag-ulat, dahil naapektuhan din ang karapatan ng publiko na malaman ang katotohanan. Kapag hinahadlangan ang mga mamamahayag na magdokumento ng mga kilos-protesta, nakukulong ang perspektibo ng publiko sa mga opisyal na pahayag lamang, na siyang maaaring hindi maglahad ng buong pangyayari. Kapag naman nahaharap sila sa banta ng mga kasong maaaring gamitin sa panggigipit, maaaring mag-ingat o umiwas ang ibang mamamahayag sa pagsisiyasat sa mga katulad na usapin. At kapag hindi napapanagot ang mga responsable sa karahasan, hindi lamang ang mismong biktima ang napapatahimik—nagiging babala rin ito sa iba pang mamamahayag na maaari silang dumanas ng kaparehong pagtrato.
Hindi sapat na may mga batas at mekanismong nakalaan para sa kaligtasan ng mga mamamahayag kung hindi naman tuwirang naipatutupad ang mga ito, at may mga pagkakataon na walang napapanagot, o hindi lahat ay napapanagot sa bawat paglabag, gaya na lamang sa Maguindanao Massacre. Hindi rin dapat magtapos sa paggunita ang paghahanap ng hustisya para sa mga biktima ng Maguindanao Massacre. Kailangang ipagpatuloy ang paghabol sa mga akusadong hindi pa nahaharap sa paglilitis, tugunan ang mga nakabinbing usapin sa kaso, at kilalanin ang patuloy na ipinaglalaban ng pamilya ni Reynaldo Momay. Hindi rin dapat matapos sa pagsisimula ng imbestigasyon ang mga kasalukuyang kaso ng panggigipit sa mga mamamahayag. Kailangang mailabas ang mga resulta nito at mapanagot ang mga mapatutunayang lumabag sa kanilang mga karapatan.
Kasabay nito, kailangang tiyakin ang kaligtasan ng mga mamamahayag sa pamamagitan ng mga mekanismong aktuwal na naipatutupad. Dapat imbestigahan ang mga ulat ng pananakit at panggigipit sa mga mamamahayag habang nag-uulat, tiyakin ang pananagutan ng mga opisyal na sangkot sa mga paglabag, at magpatupad ng mga patakarang nagpoprotekta sa kanilang kalayaang mag-ulat, lalo na sa mga kilos-protesta. Hindi sapat na kilalanin ng pamahalaan ang kahalagahan ng malayang pamamahayag kung hindi naman ito naisasagawa sa mismong mga pagkakataong nangangailangan ng proteksyon ang mga mamamahayag.
Bagaman hindi magkakatulad ang motibo sa bawat pag-atake, malinaw na may epekto ang mga ito sa kalayaan ng pamamahayag at karapatan ng publiko na malaman ang mga nangyayari sa lipunan. Kaya naman, kailangan ding kilalanin na ang malayang pamamahayag ay hindi lamang karapatan ng mga mamamahayag kundi karapatan din ng publiko.
Labimpitong taon na matapos ang Maguindanao Massacre, nananatiling mahalagang tanong kung tunay na may nagbago sa kalagayan ng pamamahayag sa bansa. Sa kabila ng mga paggunita at panawagan para sa hustisya, patuloy pa ring may mga mamamahayag na nakararanas ng karahasan, pananakot, at panggigipit habang ginagampanan ang kanilang tungkulin. Hindi dapat maging normal ang ganitong kalagayan, ni maging bahagi na lamang ng panganib na inaasahan sa pagiging mamamahayag.
Hindi dapat manatili lang sa mga talumpati, kandila, at taunang paggunita ang pag-alala sa 58 buhay na nawala. Ang tunay na pagbibigay-pugay sa kanila ay ang paniningil ng pananagutan sa mga salarin, tunay na pagprotekta sa mga mamamahayag, at pagtiyak din na iginagalang ang kalayaan sa pamamahayag hindi lamang sa papel, kundi maging sa aktuwal na buhay.
Labimpitong taon na ang lumipas. Labing pitong taon na rin na nariyan ang tanong kung ilang tinig pa ba ang kailangang patahimikin bago tuluyang pairalin ang hustisya? Hangga't may mga mamamahayag na pinatatahimik, mga salarin na hindi napapanagot, at mga pamilyang patuloy na naghahanap ng katarungan, mananatiling hindi ganap ang hustisya para sa mga biktima ng Maguindanao Massacre, at isa lang ang ibig sabihin nito: hindi pa tapos ang laban.
Article: Kai Delos Santos
Illustration: Audrey Ferrer





Comments