HINDI MAILILIBING ANG KATOTOHANAN
Ipinagkatiwala ng mga furparents ang kanilang mga alaga para sa isang marangal at tahimik na pamamaalam, ngunit ang isinukli sa kanilang pagdadalamhati ay malamig na semento ng bakanteng lote at mabahong septic tank.

Bagama’t walang batas na direktang nagbibigay ng karapatan sa mga pumanaw na hayop, nananatili itong sagradong prinsipyo para sa mga pamilyang nagturing sa kanila bilang tunay na kapamilya. Higit sa usapin ng damdamin, malinaw sa mata ng batas ang bigat ng pagtataksil na ito: ang pagtatapon sa kanilang mga labi na parang karaniwang basura ay tahasang paglabag sa Ecological Solid Waste Management Act (RA 9003). Habang ang hindi pagtupad sa binayarang serbisyo ay isang porma ng panloloko sa tiwala ng publiko na saklaw ng Estafa at Consumer Act (RA 7394).
Tumambad ang karumal-dumal na katotohanang ito noong Oktubre 31, 2026 sa New Town Street, Barangay Minuyan Proper, San Jose del Monte City (SJDM), Bulacan. Sa ulat ng GMA News "24 Oras Weekend", sinuri ng mga residente ang masangsang na mga sakong inakala nilang basura at nadiskubre ang naaagnas na labi ng 26 na aso at tatlong pusa na may nakadikit pang pangalan at timbang—mga palatandaang nagturo sa isang pet crematorium sa Cavite.
Agad na ipinasara ni Bacoor City Mayor Strike Revilla ang Ahjay Paws Aftercare Pet Crematorium matapos mabigo ang may-aring si Jonathan Legaspi na magpakita ng patunay na na-cremate ang mga hayop. Mas masakit pa rito, hindi rin matiyak kung ang abong ibinalik sa nagluluksang mga kliyente ay totoong galing sa kani-kanilang mga alaga.
Lumawak pa ang eskandalo pagsapit ng Nobyembre 5 nang makumpirma sa ulat ng Pilipino Star Ngayon ang 31 bangkay ng aso sa isang abandonadong septic tank sa Barangay Minuyan IV, bukod pa sa tinatayang 30 hanggang 40 pang labi sa Barangay Minuyan V. Sa pagsisiyasat ng National Bureau of Investigation (NBI) nabunyag ang mapanlinlang na sistema: wala umanong aktwal na cremation equipment sa puwesto sa Bacoor, kaya ipinapasa nila ang mga bangkay gamit ang delivery courier nang walang deklarasyon patungo sa mga subcontractor sa Bulacan—at nang hindi na kayanin ang dami, basta na lamang itong itinapon at ibinaon.
Hindi lamang matinding pighati at pinansyal na pasanin ang idinulot nito sa humigit-kumulang 250 nagreklamong pet owners, kundi pati banta sa kalusugan ng mga residente sa SJDM na napilitang maghukay upang mailibing nang maayos ang nabubulok na mga labi.
Nililinaw ng insidenteng ito na hindi sapat na umasa lamang sa Animal Welfare Act (RA 8485, na inamyendahan ng RA 10631), na ayon sa Philippine Animal Welfare Society (PAWS) ay nakatuon lamang sa proteksyon ng mga buhay na hayop. Dito pumapasok ang mas matalas na pangil ng batas: ang kasong estafa by means of deceit sa ilalim ng Article 315(2)(a) ng Revised Penal Code dahil sa paniningil para sa pekeng serbisyo, ang Consumer Act laban sa mapanlinlang na operasyon, at ang RA 9003 laban sa iligal na pagtatapon ng mga labi na tinututukan din ng animal welfare groups gaya ng Animal Kingdom Foundation.
Pinatunayan ng pagsasampa ng NBI Environmental Crime Division ng magkakahiwalay na kaso noong Nobyembre 6 laban sa apat na sangkot na walang puwang ang panlilinlang sa negosyo. Ngunit hindi dapat matapos sa apat na akusado ang paniningil.
Dapat ding papanagutin at pagpaliwanagin ang lokal na pamahalaan na naglabas ng business at occupancy permits sa isang pasilidad na wala naman palang aktwal na cremation machine. Kapag bulag ang inspeksyon ng gobyerno, nagiging kasabwat ang burukrasya sa panloloko sa mamimili.
Kailangan nang maglatag ng mahigpit na mekanismo para sa traceability at dokumentasyon sa industriya ng pet aftercare—mula sa beripikadong chain-of-custody hanggang sa karapatan ng kliyenteng masaksihan o makumpirma ang proseso ng cremation. Hindi puwedeng laway at matatamis na pangako lamang ang puhunan ng mga negosyong kumikita sa pagdadalamhati ng tao.
Nasusukat ang tunay na paggalang sa mga alagang hayop sa konkretong patakarang nagpoprotekta sa tiwala ng publiko. Hangga’t pinapayagan ng sistema na magbukas ang mga pasilidad nang walang mahigpit na inspeksyon at pananagutan, hindi kailanman maililibing ang katotohanang ang kapabayaan ng mga awtoridad ang nagbigay-daan sa paglapastangang ito.
Article: Marianne Cerbito
Graphics: Kaiser





Comments