top of page

Saan Ba Talaga Kayo May Tiwala?

Writer: The Communicator
The Communicator
1 minute ago
3 min read

Nang dumulog ang kampo ni dating Pangulo Rodrigo Duterte sa mga institusyon ng Pilipinas upang kwestisyunin ang kanyang pagdadakip at pagpapadala sa International Criminal Court, bakit pa kailangan litisin ang dating pangulo sa ibang bansa kung, ayon sa kanyang kampo, maari naman siyang litisin sa Pilipinas? Ngunit nang humarap naman si Vice President Sara Duterte sa Quezon City Regional Trial Court nitong Setyembre, sinabi niyang, “I don't trust the court, I don't trust the police.”

Noong Pebrero 2026, si Wendel Cabrera, convenor ng DDS Sara All Confederation, ay nanawagan na umaksyon ang Supreme Court sa mga petisyong humihiling na maibalik sa Pilipinas si Rodrigo Duterte. Ayon kay Cabrera, isang “grave injustice” ang nangyayari dahil “Ilegal na dinukot at ipinagkatiwala sa isang banyagang bansa” ang dating pangulo nang hindi muna iniharap sa mga lokal na korte.  Sa parehong pahayag, tinawag naman ni Cabrera ang Supreme Court na ‘last bastion of sanity’ at sinabi niyang ginagawa nang maayos ng mga nasa loob nito ang kanilang trabaho.


Mahalaga ang distinction na ito. Maaaring maniwala ang isang tao na dapat sa Pilipinas litisin ang isang kaso dahil ito’y usapin ng sovereignty, jurisdiction, o kakayahan ng sariling justice system, habang maaari pa ring kwestisyunin ang ibang bahagi ng sistemang ito. Hindi rin awtomatikong nangangahulugan na ang pagbatikos sa isang korte ayhindi na kinikilala ang buong judicial system.


Kaya hindi sapat na sabihin na may “contradiction” dahil lamang may mga Duterte supporters na nananawagan ng local trial, habang si Sara Duterte ay nagsabing hindi siya nagtitiwala sa korte at pulisya. Mas malalim ang usapin kasya roon. 


Ang dapat nating tingnan ay kung pareho ba ang pamantayang ginagamit natin sa pagsusuri ng isang institusyon, pabor man o hindi sa ating political preference ang ginagawa nito.


Hindi naman mali ang kuwestiyunin ang isang korte. Hindi rin mali ang magtanong kung sapat ba ang ebidensya, patas ba ang proseso, o may political pressure bang nakakaapekto sa isang kaso. Sa katunayan, mahalaga ang ganitong pagsusuri sa isang demokrasya. Ang tiwala sa isang institusyon ay hindi dapat nangangahulugan ng pagtanggap sa lahat ng ginagawa nito nang walang pagtatanong.


Ang problema ay lumilitaw kapag nagbabago ang pamantayan ng pagsusuri depende sa kung sino ang nakikinabang o naapektuhan ng desisyon.


Maaring ilarawan ito bilang selective political trust, hindi bilang isang label para sa lahat ng Duterte supporters, kundi bilang isang pattern kung saan ang tingin natin sa isang institusyon ay maaaring maimpluwensiyahan ng ating political alignment. May mga pag-aaral sa political science na nagpapakitang maaaring maimpluwensiyahan ng political affiliation ang pagtanggap o pagtitiwala ng mga mamamayan sa mga desisyon ng korte. 


At hindi lamang ito tungkol sa mga Duterte. Dahil kung paano natin tinitingnan ang isang institusyon ay nakadepende sa kung sino ang sangkot; hindi na lamang ito usapin ng isang pamilya o isang kaso.


Kung ang bawat political faction ay itinuturing na lehitimo ang isang institusyon kapag pabor lamang sa kanila ang desisyon, ang tanong ay hindi lang kung sino ang tama sa isang kaso; ito rin ay kung ano ang mangyayari sa democratic institutions kapag bawat panig ay may sariling pamantayan kung kailan lehitimo ang hustisya. 


Dapat pareho ang pamantayan ng ating pagsusuri kahit sino ang nasa harap ng korte. At sa kabilang banda, may pananagutan din ang mga institusyon na magbigay ng due process, sapat na ebidensya, malinaw at makatwirang mga desisyon, transparency kung sumasailalim sabatas, at pantay na aplikasyon nito. 


Hindi kailangang piliin ng publiko ang pagitan ng blind trust at total distrust. Mas mahalaga ang kakayahang pamumuna nang hindi binabago ang pamantayan dahil lamang nagbago ang taong sangkot. 


Dahil kapag ang legitimacy ng isang institusyon ay nakasalalay sa kung kaninong panig ito pabor, hindi lamang isang political camp ang nawawalan ng tiwala. Unti-unti ring nawawala ang isang pare-parehong pamantayan kung saan natin sinusukat ang hustisya, at napapatanong na lamang tayo: saan ba talaga kayo may tiwala?


Madaling ipagtanggol ang isang institusyon kapag ang desisyon ay pabor sa isang panig; at ang korte ay hindi dapat maging makatarungan lamang kapag pabor sa isang panig. Sapagkat ang tunay na pagsubok sa rule of law ay hindi kung paano natin tinatangap ang batas kapag pabor sa atin. 


Ang tunay na pagsubok ay kung kaya nating igalang ang proseso kahit ang resulta nito ay hindi kaayon-ayon, basta naihahatid nito ang hustiya at ang desisyon ay hindi baka batay kung sino ang may kapangyarihan o pera. Hindi bulag na tiwala ang hinihingi ng taumbayan, kundi consistency. Dahil ang hustisya ay hindi dapat nagbabago depende kung sino ang sangkot, ang tiwala sa institusyon ay hindi dapat nakabatay sa kung sino ang nananalo.


Kung ipinaglaban natin na may sariling justice system ang Pilipinas at dapat itong pagkatiwalaan, dapat handa rin  tayong harapin ang parehong sistemang ito kapag hindi pabor sa atin ang magiging resulta.


Article: Luise Chavez

Illustrator: Bea Bianca Rivero


Comments


  • White Facebook Icon
  • Twitter
  • Instagram

THE COMMUNICATOR

2/F Lobby, College of Communication Bldg., NDC Compound, Anonas St., Sta. Mesa, Manila, Philippines 

PUP COC The Communicator © 2022

bottom of page