top of page

Kapag Butas ang Batas, walang Barya sa bulsa si Juan

  • Writer: The Communicator
    The Communicator
  • 3 days ago
  • 4 min read

“Kapag may tiyaga, may nilaga.”


Ito siguro ang kinatandaang kataga ng mga ordinaryong manggagawang Pilipino na doble o triple kung kumayod sa trabaho upang may maiuwi lamang na nakabubuhay na sahod sa pamilya. 



Kamakailan lamang ay naglabas ng “makasaysayang” anunsyo si Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Francis Tolentino na magkakaroon ng dagdag-sahod na  P85 ang mga minimum wage earners sa Metro Manila o National Capital Region (NCR), kung saan ang mga non-agricultural worker na kasalukuyang tumatanggap ng P695 kada araw ay sasahod na ng P780. Samantala, ang mga manggagawang agrikultural ay tataas ang arawang sahod sa P743 mula sa kasalukuyang P685. 


Maginhawa man pakinggan, hahatiin pa ito sa dalawang transe: ang una ay sa Hulyo 19, 2026, at ang ikalawa sa Enero 20, 2027. Katatwang kapiraso na nga lang ang itinaas, hindi pa sabay idinagdag. 


Hindi rin ito awtomatikong mararamdaman ng mga manggagawa, at ang mas malala, maaari pang mabawasan ang P85 na ito dahil sa wage distortion sa ilalim ng Article 124, Republic Act No. 6727 o Wage Rationalization Act, na nagtitiyak na patas at hindi malaki ang agwat ng mga minimum wage earner sa mga above minimum wage earner o mga empleyado batay sa kanilang kasanayan, haba ng serbisyo, posisyon, o iba pang makatwirang batayan. 


Sa madaling salita, sa bisa ng batas, mayroong kapangyarihan ang mga employer na bawasan ang itinakdang dagdag-pasahod ng kahit anong regional board. Bagama't may regulasyon at mga elementong sinusunod, hindi maitatanggi na ito ang karaniwang dahilan kung bakit maraming mga Pilipino ang nagrereklamo at hindi nararamdaman ang pagtaas ng kanilang mga sahod. Kung mismong ang batas ay butas, paano magkakalaman ng barya ang bulsa ng mga ordinaryong manggagawa? 


At dahil may kani-kaniyang Regional Wage Board na nagtatakda ng pasahod sa bawat rehiyon, nakakulong lamang sa NCR ang wage increase kung saan nasa mahigit 1.1 miyon minimum wage earners lamang ang makikinabang dito, maliit kung ikukumpara sa milyun-milyong bilang ng mga manggagawang nananatiling napag-iiwanan sa ibang rehiyon.  


Katatwang tawaging makasaysayan ang dagdag-pasahod na hindi man lang umabot sa isang daang piso at mistulang isang malaking sampal sa sektor ng manggagawa na kumakayod nang higit sa walong oras sa trabaho o kinakailangang magtrabaho nang higit pa sa isa upang kumita na papantay sa cost of living sa loob ng bansa


Sa taas ng presyo ng mga bilihin, sa dagdag singil sa kuryente at tubig, maging ang pagsirit ng presyo ng langis, hindi lamang Metro Manila ang nangangailangan ng dagdag na pasahod kundi ang buong bansa at bawat isang manggagawang Pilipino na nagbubuhos ng lakas paggawa lalo na sa mga naglalakihang korporasyon at kumpanyang kumikita ng milyon sa bawat taon. 


Ayon sa IBON Foundation, tinatayang ang arawang Family Living Wage (FLW) para punan ang mga pangangailangan ng isang pamilyang may limang miyembro sa National Capital Region (NCR) ay nasa Php 1,279 hanggang Php 1,312. Mababa kung ikukumpara sa magiging minimum wage na  P695 hanggang P780. Kaya kung ipipilit pa rin ng Department of Trade and Industry (DTI) at National Economic and Development Authority (NEDA) na kasiya ang P64 sa isang pamilya, aba, nararapat lamang na mahiya sila sa bawat isang Pilipinong kumakalam ang sikmura dahil sa nabubulok na sistema ng lipunan. 


Hindi rin maipagkakaila na ang tiyempo ng patakarang ito ay parte ng pagpapabango ng administrasyong Marcos Jr. sa kaniyang termino lalo pa’t paparating na ang ika-limang State of the Nation Address (SONA) sa Hulyo 27. Paniguradong iraratsada na naman ito kasabay ng parangal na upper-middle income na  ang bansa kahit pa hindi ito maramdaman ng mamamayan—para lamang mapagtakpan ang kakulangan ng gobyerno sa pagtugon sa tunay na krisis ng bansa tulad ng talamak na korapsyon, kakulangan sa trabaho, at mataas na presyo ng bilihin. 


Kung tunay na para sa manggagawa ang taas ng pasahod, nararapat lamang isulong at aprubahan ang mga nakabinbin na legislated wage increase sa Kongreso gaya ng House Bill 2599 at House Bill No. 202, na naglalayong itaas sa P1,200 ang national minimum wage  ng mga manggagawa sa pribadong sektor kada araw.  Karapatan ng bawat sektor ng paggawa ang nakabubuhay na sahod at dapat lamang kilalanin ng pamahalaan, gayundin ng mga pribadong kumpanya ang karapatang ito sa pamamagitan ng pagtatag ng matibay na batas at hindi lamang puro ‘band-aid’ na solusyon ang ihahain sa taumbayan. 


Hangga’t walang pangil ang batas na siyang dapat pumoprotekta sa mga manggagawa, mananatiling butas ang bulsa ng mga Juan sa bansa. 

 

Mula sa gipit na mga pasahod, kakulangan sa mga benepisyo, at laganap na kontraktwalisasyon ang nagtulak sa mga welgang layong mapalaya ang bayang ginigipit ng mga kapitalista at ng mga naghaharing uri sa lipunan.  Bagama’t insulto sa bawat unyon ang patuloy na pagsasawalang-bahala ng pamahalaan sa tunay na krisis ng mga Pilipino, ang dagdag na pasahod na ito ay tagumpay na repleksiyon ng kolektibong pag-aalsa. 


Tandaan ng administrasyon na hindi magkikibit-balikat at papayag na patuloy na mamaluktot sa kumot ang mga Juan mula sa pabrika, palaisdaan, bukirin at sa marami pang sektor ng lipunan, dahil ito’y mag-oorganisa ng hanay na papanday sa lipunan at maniningil sa mga buwaya sa pamahalaan.   


Dahil mula noon, ang matatag at laksa-laksang hanay ng mga unyon, kasama ang taumbayan, ang tunay na bumubuo ng makasaysayang pagbabago. At hangga't hindi pinoprotektahan ng batas ang bulsa ni Juan, mananatili ang dagundong na gigising sa mga Pilipino upang makamtan nito ang lipunang mamamayan ang pinagsisilbihan.


Artikulo: Roselle Escalante Ochobillo

Dibuho: Allaine Chesca Arcaya


Comments


  • White Facebook Icon
  • Twitter
  • Instagram

THE COMMUNICATOR

2/F Lobby, College of Communication Bldg., NDC Compound, Anonas St., Sta. Mesa, Manila, Philippines 

PUP COC The Communicator © 2022

bottom of page