top of page

Hindi dapat pasakit ang pagkamit ng libreng edukasyon

  • Writer: The Communicator
    The Communicator
  • Jul 20
  • 6 min read

Taon-taon na lamang, tila kailangan laging lumusot sa butas ng karayom ang mga kabataang nangangarap na maging iskolar ng bayan sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas (PUP). Bagaman naipasa nila ang college entrance test (CET) ng pamantasan, hindi pa rin garantiya kung makakapasok sila sa unibersidad at mapapasailalim sa gusto nilang programa.



Nitong Hulyo 7, opisyal na nagbukas ang enrollment sa PUP, kung saan naunang nakapagpalista ang mga PUPCET passers na nabigyan ng secured slots para sa kanilang “first choice” na programa. Anim na araw ang nakalipas, Hulyo 13, nagsimula naman ang sistemang “first come, first served” sa enrollment, kung saan maraming mga mag-aaral ang umaasang makakapagpalista sila sa mga pangarap nilang programa sa kabila ng limitadong bilang ng slots na natitira para dito.


Isang mapanghamong karanasan ang prosesong ito para sa libo-libong kabataang naghahangad na maging opisyal na Iskolar ng Bayan. Kumbaga sa isang pelikula, ang paghihintay nang matagal bago makapag-enroll at pakikipag-unahan sa slot ay tila pagiging isang pangunahing tauhang humaharap sa isang laro na kailangan nilang ipanalo upang makapagpatuloy sa pinapangarap nilang programa. Subalit, wala naman sila sa harap ng kamera; hindi naman din sila mga artista—bagkus ay sinasalamin nila at ng sitwasyong kanilang pinagdaraanan ang pangit na reyalidad sa pagtamasa ng libreng edukasyon sa bansa.


Hindi pa man opisyal na mga iskolar ng bayan, danas na agad ng enrollees ang hirap sa Sintang Paaralan. Sa katunayan, hatinggabi bago ang unang araw ng first come, first served-enrollment, marami na ang nasa labas ng pamantasan upang maghintay sa enrollment process na alas-otso pa ng umaga magsisimula. Ito ay sa kabila ng pagbabawal ng administrasyon ng PUP sa mga enrollees na mag-camping o manatili sa unibersidad bago pa man ang araw ng kanilang enrollment para umano sa kaligtasan at seguridad.


Sa mga nagdaang taon, ganito na ang naging sitwasyon tuwing enrollment sa PUP. Pinapayagan pa noon ang camping, kung saan puwede nang pumasok at manatili sa loob ng pamantasan kahit hindi pa araw ng enrollment. Ngunit ngayon, kasabay ng pagbibigay ng secured slots sa ilang mga pasado sa PUPCET ay ang siya ring pagbabawal na mag-camping, bagay na lubhang ikinadismaya ng marami.


Hindi naging makatao at sumasalungat sa mantra ng Sintang Paaralan bilang “pamantasan ng bayan” o “people’s university” ang naging sistemang ito. Paanong nagawa nilang pagsarahan ng pintuan at hayaang manatili lamang sa kalsada ang mga estudyante at kanilang magulang sa kabila ng maaaring banta ng panganib, gayundin ng posibilidad na pag-ulan?


Mas makabubuti sana kung nagtalaga na lamang ng partikular na lugar sa loob ng unibersidad upang mayroon pa ring maayos at ligtas na masisilungan ang mga enrollee habang naghihintay, lalo pa’t hindi rin talaga masisisi ang mga nagnanais na mag-camping sa paghahangad na mauna at hindi maubusan ng slot. Isa pa, hindi naman lingid sa kaalaman na marami sa mga ito ay nagmula pa sa malalayong probinsya at kinakailangang makarating agad sa PUP upang maiwasan ang matinding traffic na maaaring magdulot ng kanilang pagkahuli sa enrollment, tulad na lamang nina Jaira na nanggaling pa sa Bulacan at Lance na mula naman sa Laguna.


Suntok sa buwan na nga ang makapasa sa PUPCET dahil sa limitadong bilang ng mga maaaring matanggap dito, ganoon pa rin pagdating sa enrollment.


Sa panayam ng The Communicator, sinabi nilang Hulyo 16 pa ang kanilang enrollment, ngunit Hulyo 15 pa lamang ay nakapila na agad sila sa labas ng PUP. Pareho silang naubusan na ng slots sa kanilang first choice program, kung kaya’t nagbabaka-sakali na lamang sila ngayong makuha ang ibang programang may kinalaman sa kanilang first choice.


“Kahit ganito po kahirap ‘yong sitwasyon… kahit ganito po kagulo, marami pa rin pong mga estudyante ang nangangarap na makapag-aral sa isang kilalang unibersidad na nagbibigay po ng quality education… nang hindi po nangangailangan[g] magbayad ng tuition fee,” pahayag ni Jaira na kukuha sana ng alinman sa Bachelor of Science (BS) in Psychology, BS Nutrition and Dietetics, at BS Biology, subalit dahil naubos na ang slots sa mga ito ay umaasang makapag-enroll sa BS Food Technology o kaya sa BS Chemistry.


Samantala, ang dedikasyon naman ng mga propesor at buong komunidad ng PUP na makapaghatid ng de-kalidad na edukasyon at makapag-“produce” ng matagumpay na mga estudyante sa kabila ng kakulangan sa pondo at iba pang suliraning pang-akademiko ang nakapaghikayat kay Lance na magpatuloy sa PUP at kumuha ng Bachelor of Public Administration matapos namang maubusan ng slot sa Bachelor of Arts in Political Science.


Ang karanasang ito nina Jaira at Lance ay representasyon ng iba pang mga pinagdaraanan ng libo-libong kabataang umaasang maging ganap na Iskolar ng Bayan. Gaya ng iba pa, naniniwala sila na sa pamamagitan ng pagpila nang ganito kaaga, makapag-enroll lamang sa Sintang Paaralan at sa nais nilang programa, makakamit nila ang edukasyong hindi kailangang bayaran ng matrikula.


Subalit kung iisipin, ganito ba talaga dapat ang kailangang tahakin ng mga Iskolar ng Bayan para magkaroon ng akses sa libreng edukasyon?


Malamang sa malamang ay hindi, sapagkat ang libreng edukasyon ay isang karapatang dapat natatamo nang hindi na pinaghihirapan pa. Hindi rin dapat umabot pa sa sitwasyong kailangang pumila at maghintay ng kinabukasan sa labas ng pamantasan ang mga estudyante para lamang makapag-enroll.


Lahat ng ito ay dapat isisi sa gobyerno. Hindi naman ito mangyayari kung hindi patuloy na binabarat ng pamahalaan sa badyet ang Sintang Paaralan, bagay na ginagawa rin nila sa iba pang state universities and colleges (SUCs) na nagdudulot ng kakulangan sa maayos na pasilidad, kagamitan, at mga gurong dapat ay pinasasahod nang tama at nagiging dahilan upang limitahan ang bilang ng mga tatanggaping estudyante sa mga unibersidad.


Kung ibinibigay ng gobyerno ang sapat na pondo sa SUCs tulad ng PUP, mas marami sanang slots ang kayang ialok ng mga unibersidad. At kung talagang pinaglalaanan ng pamahalaan ng tamang atensyon at mas malaking badyet ang sektor ng edukasyon, malaya sanang nakakapag-aral ang mga kabataan sa nais nilang eskwelahan sa ilalim ng pinapangarap nilang programa.


Sa PUP pa nga lamang, hindi na naibigay ng gobyerno ang hiniling nitong pondong P12.7 bilyon para sa fiscal year (FY) 2026, na kung tutuusin ay kulang pa sa mga pangangailangan ng pamantasan. Ang mas nakadidismaya pa ay hindi man lamang umabot sa kalahati nito ang naaprubahang badyet matapos makakuha ang PUP ng P3.5 bilyon lamang. Para sa FY 2027, inaasahan ng PUP na makuha ang proposed budget nitong P15.7 bilyon, na gagamitin sa iba’t ibang proyekto, pag-hire ng marami pang faculty members, at pambayad sa iba pang mga gastusin ng pamantasan.


Nakalulungkot isipin na ganito ang pinagdaraanan ng mga pampublikong unibersidad sa bansa, gayundin ng mga mag-aaral na umaasa rito. Kung iisipin, normal lamang naman ang pagtatakda ng limitasyon sa bilang ng mga maaaring tanggapin sa bawat programa, ngunit hindi dapat ito kakaunti lamang at hindi na kailangan pang paghirapan para mapag-aralan nang walang binabayaran—nagiging ganito lamang ang sitwasyon dahil sa pamahalaang patuloy na ipinagdaramot ang libreng edukasyon.


Kahit walang katiyakan, kailangan munang pilahan, hintayin, at paghirapan ang pagtamasa ng libreng edukasyon, imbes na ibinibigay na lamang ito mismo ng gobyerno. At tulad ng kung paano kailangang pagsikapan ng mga estudyante ang pagkakaroon nila ng akses dito, ganoon din ang nais ng pamahalaan na gawin ng Sintang Paaralan upang magkaroon naman ito ng malaking pondo sa mga susunod na taon sa oras na maisabatas ang National Polytechnic University (NPU) Bill.


Batay sa Section 8 (s) ng House Bill No. 6266, bibigyan ng awtonomiya ang PUP na makipag-ugnayan sa iba’t ibang industriya at negosyo tulad ng private companies upang makalikha ng income na maaaring gamitin ng unibersidad sa pagsasaayos ng pamantasan. Malinaw na nakasaad sa konstitusyon na responsibilidad ng gobyerno na bigyan ng direkta at konkretong aksyon ang sektor ng edukasyon; subalit, ang plano nitong pagpapabaya sa PUP na gumawa ng paraan upang magkaroon ito ng sariling badyet—na dapat ay sa pamahalaan mismo nanggagaling—ay indikasyon lamang ng unti-unti nilang pagtakas sa kanilang responsibilidad. Isa lamang ito sa mga dahilan kung bakit hindi dapat sinasang-ayunan ang nasabing panukala.


Sa bansang punong-puno ng katiwalian, madalas na nalalagay sa alanganin ang sektor ng edukasyon. Ang malalaking pondo, inilalaan sa pagpapagawa ng mga kalsada at imprastrakturang madalas nauuwi sa korapsyon, kaysa unahin ang pangangailangan ng milyon-milyong estudyanteng kailangan palaging dumaan sa patibayan ng loob. Tila dapat silang magdoble-kayod parati kapalit ang libreng edukasyong parang binayaran na rin nila, hindi gamit ang pera kundi ng kanilang pagod, oras, at halos buong kaluluwa.


Malinaw na ang sitwasyon ng enrollment sa PUP ay salamin ng pagpapabaya ng gobyerno sa sektor ng edukasyon. Matagal nang ipinaglalaban ng mga estudyante, kaguruan, at iba pang bahagi ng SUCs ang pagkakaroon ng malaking pondo, at kahit paulit-ulit itong binabalewala ng pamahalaan, magpapatuloy pa rin itong pakikibaka.


Dahil dito, nararapat na maging pirmi ang gobyerno hindi lamang sa paglalaan ng badyet, bagkus gayundin sa pagbibigay ng kanilang atensyon sa edukasyon. Higit sa lahat, hindi dapat nagiging pasakit na ipinapasa ng estado sa mga kabataan ang pagkamit ng libreng edukasyon; sapagkat hindi pribilehiyo ang makapag-aral nang walang binabayaran, isa itong karapatan at hindi na dapat pinaghihirapan bago makamtan.


Artikulo: Earies Porcioncula

Dibuho: Kaiser Aaron Caya

Comments


  • White Facebook Icon
  • Twitter
  • Instagram

THE COMMUNICATOR

2/F Lobby, College of Communication Bldg., NDC Compound, Anonas St., Sta. Mesa, Manila, Philippines 

PUP COC The Communicator © 2022

bottom of page