top of page
Writer's picturePexcel John Bacon

Sayaw Nene


Igiling mo ang iyong bewang

Akitin mo ang mga lalaking hunghang

Landiin mo hanggang pera nila’y ihampas sa’yong katawan

Hanggang maulol sila sa angkin mong kagandahan


“Sayaw Nene, sayaw Nene”


Dagdagan mo pa ang kolorete sa’yong mukha’t

Siguraduhin mong matatakpan lahat ng sugat

Pati na rin ang iyong pangit na peklat

Sa salami’y humarap bago sa entablado’y umakyat


“Sayaw Nene, sayaw Nene”


Hanggang ang takong mo’y masira

Hanggang ang dignidad mo’y mabura

Galingan mo ang paggiling sapagkat may mga bago nang salta

At ika’y matanda na at hindi na mabenta


“Sayaw Nene, sayaw Nene”


Ipilit mo ang ‘yong katawan sa iba

Magtiwalang may maaakit ka pa

Pigilan mo ang iyong luha sa mata

Kahit ika’y gamit na gamit na, siguradong sila’y matutulala pa


“Tigil na Nene, tigil na”


Ang pagsayaw ay itigil na

Sa ganitong kalakara’y ika’y laos na

Pagkatapos gamitin ang iyong katawa’y ngayo’y ika’y itinapon na

Wala nang tumatanggap sa angkin mong ganda


“Tahan na Nene, tahan na”


Ang kolorete’y alisin na

Ang musika’y tumigil na

Kaya’t sa pagsayaw ika’y huminto na

Sa pag-iyak ika’y tumahan na


“Laya ka na Nene, laya na”


Ang iyong katawa’y malaya na

Mga kamay na humahaplos ay tumigil na

Kaya’t sa pagsayaw ika’y huminto na

Ang iyong katawa’y pag-aari mo na


"Lipad na Nene, lipad"


Ibuka mo na ang iyong mga pakpak

Wala ng rason upang ika'y patuloy na umiyak

Iyo na muli ang 'yong katawa't dignidad

Kaya't tunguhin na ang paraiso’t ika'y malayang lumipad



Artikulo: Pexcel John Bacon

Dibuho: Kurt Aguilar Mendez


Comentarios


bottom of page