top of page

Sa Lansangan ang Huling Tinig

  • Writer: The Communicator
    The Communicator
  • 18 hours ago
  • 2 min read

May buhay nga ba ang lupa? Sabi nila, naaalala raw nito kung sino ang umaaruga rito. Kapag maayos ang paggamit nito, mas malaking grasya raw ang ibinibigay na kapalit nito.


Ipinanganak ako sa pamilya ng mga magsasaka. Maliit pa lang ay nakikita ko na ang pagod at tiyaga sa ganitong uri ng trabaho.


Noon pa lang ay lagi na akong sinasama ni Mama sa bukid. Lupa ang bumubuhay sa amin. Ang trato niya rito ay parang ginto; hindi niya pinalalagpas kahit maliliit pang ligaw na damo ang tumubo rito.  


Ito lang naman ang puhunang naghahain ng pagkain sa aming mesa.


Pero mas naging matumal ang pananim simula noong dumating sila. Lalong nalugi sa pagsasaka. 


“May bagong mining company na naman daw,” ang sabi nila.


At totoo nga, pansin na ang bawat dating ng malalaking trak at mga taong nakauniporme’t helmet.


Nagkaroon ng usapan, may trabaho raw na ibibigay; may mga pangakong binitawan. 


Pero pansin na ang pagkalbo ng mga bundok sa amin. Ang mga tubig na ginagamit sa aming bukid ay mas kumokonti na rin.


At ngayon—sa gitna ng sigawan, mga busina, at kada bagsak ng paa sa pagmamartsa—may maririnig kang sigaw.


“Lupa para sa mga magsasaka, hindi para sa mga banyaga!”


May sigaw na sumunod, “Ibalik niyo si Mary Santos!” 


Nagulat ako. May nakakaalam pala tungkol kay Mama. Hindi ko man siya kilala, pero buhay pa rin pala ang alaala niya sa iba.


Prangka ang nanay ko, matapang, at malakas ang dating. Hindi siya nag-aatubiling magsalita, alam niya kasing nasa katwiran siya.


Laging kasama sa mga protesta tungkol sa mga magsasaka. Minsan, siya pa nga ang nag-oorganisa.


Baka nga iyon ang rason kung bakit siya pa ang kinuha sa lahat ng taong nandoon. 


Mabilis lang ang pangyayari. Pagkatapos ng protesta ay dinukot si Mama. 


Biglang nagkagulo sa protesta; nagkahiwalay kami. Sa isang iglap, nawala na lang siya sa paningin ko. Hindi ko man lang narinig kung sinigaw ba niya ang pangalan ko. 


Walang katapusang pagtatanong ang ginawa ko, kahit sinong nandoon, basta malaman ko lang kung saan dinala ang Mama ko. 


Sabi ng iba, nakita nilang may humila sa kaniya. Sabi naman ng iba, sinakay raw siya ng mga militar sa kotse.


Dalawang taon na ang nakalipas mula noong nangyari iyon.


Walang araw na hindi ko tinigil ang paghahanap sa kaniya, ang araw-araw na pagpoprotesta sa labas ng minahan para ilabas ang mama ko. Ang pagsama sa mga organisadong kilos-protesta para sa mga magsasaka at mga taong pinatahimik ng mga nasa itaas.


Sabi nila, tigilan ko na raw ang paghahanap; baka wala na raw si Mama. 


Tama sila, hindi ka pa rin nakakauwi.


At hindi pa rin ibinalik yung lupang sa atin ay karapat-dapat.


Pero nandito lang ako sa lansangan, sumisigaw para marinig mo. Ipinaglalaban ko ang kapayapaan na gusto mo. Nandito, nakatayong bitbit ang plakard na may mukha mo at sipi tungkol sa lupang minahal mo.


“Ibalik ang lupang sa amin, ibalik niyo si Mary Santos!” 


Ang malakas na sigaw na sana ay umaabot sa iyo.


Walang kasiguraduhan na mananalo kami, kung maibibigay ba ang hustisya.


Dahil sa lupang kinakatayuan natin, taniman o lansangan, iisa lang ang dahilan kung bakit ko ipinagpapatuloy ito.


Dahil ang pakikibaka ang natitirang memorya mong pinakamamahal ko.


Article: Phoenix Roces Novelonio

Illustrations: Kaiser Caya


Comments


  • White Facebook Icon
  • Twitter
  • Instagram

THE COMMUNICATOR

2/F Lobby, College of Communication Bldg., NDC Compound, Anonas St., Sta. Mesa, Manila, Philippines 

PUP COC The Communicator © 2022

bottom of page