Dinugong Demokrasya
- The Communicator
- 48 minutes ago
- 2 min read
Sabi nila noong naghahari pa raw ang tigre,
Labis ang katahimikan sa kalye, walang bakas ng mga tao.
Halos nakabibingi nga ang kapayapaang dala nito,
At sa tuwing sasapit ang gabi, ang tanging rinig mo lamang ay mga kuliglig.

Mga kuliglig na palipad-lipad tuwing sasapit ang kadiliman.
Dala nila ang mabibigat na bala sa kanilang kasuotan,
Habang dinig ang bigat ng kanilang mga yabag sa kalye ng kadiliman,
Umaaligid, nagbabantay, naghihintay, at nagmamasid.
At sa kanilang paglipad, malakas na tinig ang bumabalot sa gabi na nagpapatulog sa mga tao.
Bawat gabi napupuno ng katahimikan ang kalyeng dati’y maingay at magulo,
Ang dating malaya at makulay na daanan ngayo’y naglaho sa usok na nakakalason.
Wala ni isang nagtangkang lumaban, dahil sa pagsapit ng gabi ika’y magiging abo na lamang.
Ang bawat kalyeng dating nilalakad nagsimulang maging karera,
Karerang para sa mga buhay na hindi pa patay pero pinapatay na ng lason,
Habang ang iba naman ay ginapos at isinilid sa kabaong walang pangalan,
At bawat parte ng kalsada ay marka ng mga demonyong kumakain nang loob-looban.
Hindi ito isang pantasya, ito’y bangungot na nag-iwan ng malaking sugat noong dekada sitenta.
Sugat na hanggang ngayon ay multo pa rin ng naratibong dinungisan ng kahapon,
Sugat na nilason ang inang bayan, hanggang ito’y tuluyang dumugo,
Dugo na dumanak hindi lamang sa kalye kundi sa watawat ng Pilipinas.
Ito’y isang alaala para sa tatlong-libo at dalawang daang dugong inilibing sa lupa.
Ito’y isang memorya para sa pitumpung libong ibong kinulong sa malaking hawla,
Mga ginapos at pinutulan ng pakpak dahil lamang sa kanilang bibig,
Habang ang iba’y nagdusa sa kamay ng mga lobong dibuho ng tigreng naghahari.
At sa siyam na taong tila’y isang bangungot,
Ang mga alitaptap na nakatago sa dilim ang naging lampara sa kalyeng madilim.
Dala nila ang apoy, galit, at hustisya sa kanilang pusong nagliliyab.
Ito ang naging marka ng pag-aalsa laban sa tigreng nakasuot ng ginto at perlas sa kanyang tahanan.
Ang dating malamig at patay na kandila, ngayon ay dala-dala’t nag-iinit.
Ang kalyeng madugo ngayo’y unti-unting napupuno ng mga alitaptap na magkahawak-kamay.
Dala nila ang sigaw at tunog ng kalayaang naghihimagsik upang mapalaya sa gapos ng tigre,
At dala nila ang apoy na nagpatunaw sa diktaduryang inalipusta ang inang bayan.
At sa bawat dugong dumanak sa kalye,
Ito’y alaala ng mga taong siniil ng hari sa itaas,
Alaala nang pagkamatay ng ating demokrasya,
At alaala sa mga pasang iniwan sa inang bayan.
Sana ang apoy na pinailaw sa matagal na siglo,
Patuloy na magsilbing mata at init sa ating puso.
Nawa’y hindi tayo makalimot sa kasaysayang siniil ang inosente,
Habang ang mga hari’y nananahan nang payapa sa tahanang dapat sa bayan.
Article: James Parrilla
Illustrations: Divine Balote




Comments