Naglalakasang hiyaw at palakpak ang umakay sa’yo pagkatapos mong magtanghal sa entablado. Isang kaginhawaan dahil minsan mo ring pinangarap ang sumayaw sa harap ng madla, suot ang bestida na ikaw mismo ang nagtahi. Kinindatan mo ako nang matagpuan ang aking mata, at kasabay nito ay naramdaman ko ang mainit mong yakap at ang dampi ng ating mga labi na nanahan sa isa’t-isa—mga tagpong mas nagpapagaan sa ating kalooban, mga tagpong bumubuhay sa kislap ng pag-asa.
Kapit-bisig nating hinaharap ang hamong patuloy na ibinabato sa atin ng mundo. Buo ang ating paniniwala na darating ang panahon na tayo’y kanilang makikilala, at makakalaya sa lipunang nagkukulong sa atin pabalik sa madilim na asilo. Darating ang panahong hindi na tayo mapipilitang lumunok pa ng mga bubog na inihahain ng sistema.
Nangako ka na hangga’t may musika ay patuloy na iindak ang iyong katawan. Hindi mapapagod hangga’t patuloy na sarado ang kanilang isipan. Patuloy kong panghahawakan ang mga salitang iniwan natin sa ating mga sarili—habang narito tayo ay hindi nila matatapakan ang ating mga palda, hindi nila mabubura ang kulay sa ating mga mukha. Kung magkataon, hindi pa rin nila tayo mapipigilang tahiin ang mga bestida kanila ma’y pilit punitin. Patuloy nating kukulayan ang mga bahagharing dinudungisan nila ng itim. Maging bundok man na yari lamang sa buhangin, siguradong kastilyo pa rin ang maitatayo natin.
Maraming beses mong inulit sa akin ang konsepto ng bahaghari—kung paanong pula ang naging unang kulay nito. Pilit mong idinidiin ang simbolismo ng kulay pula: laban at pag-ibig, idagdag mo pa ang katotohanang pula ang paborito mong kulay. Hindi lilipas ang buwan nang hindi mo nakukuwento sa iba kung paanong nakaayon ang tadhana sa mga bituin nating dalawa dahil hindi ka kailanman nagsawang dalhin ang pagmamahalan natin sa bawat kalsadang ating pinaglalakbayan.
Hanga ako sa iyo dahil nagawa mo kaming ilabas sa sarili naming mga selda. Binura mo ang takot at pangamba sa aming mga mukha at binihisan mo ito ng tapang na siyang bibitbitin namin sa mga laban na nakaabang sa hinaharap.
Palagi kong pagpapasalamatan ang mga aral na iyong binitawan—sa pagbibigay-alam na hindi lamang sa pagsulat ng tula maidadaan ang lahat ng bagay. Dahil kinakailangang marinig ang himig ng mga salitang ating isinasatitik. Salamat dahil hindi lamang konsepto ng ‘ako’ ang iyong ipinakilala sa akin. Hinayaan mong makilala ko ang konsepto ng ‘ikaw’ at patuloy ko iyong isasabuhay lalo pa’t nabigyang-diin nito ang kahalagahan ng mga taong bumubuo sa salitang ‘tayo.’
Ngayon, dito sa ibabaw ng lupang iyong hinimlayan, bitbit ko ang tula mula sa alaala ng pinakamagandang aksidente nating dalawa. Noong buong araw nating binaybay ang isa’t-isa. Gaya ng iyong kahilingan, sasayaw ako sa ilalim ng buwan, malamig na haplos ng hangin, dala ang masasayang alaala na nagsisilbing bangungot pagkarating ng dilim.
mula sa haba
ng iyong talampakan,
pataas sa matigas
mong binti, hita,
sa bukol na nakahimlay
sa iyong sikmura,
at sa lapad ng iyong balikat,
mula sa iyong leeg
paakyat sa malambot mong labi,
at sa iyong mainit na hininga,
balewala ang lahat kung hindi
ang tibok ng iyong puso
ang aking madarama.
Kahit saglit ay hindi sumingit sa aking mga sapantaha na minsan ko rin ito mararanasan, ang maalayan ng buong pusong pagmamahal. Bagaman malawak ang sansinukob ay naroroon pa rin ang ating mga bituin na bubuo sa pinakamagandang konstelasyon na maglalahad sa kuwento nating dalawa.
“Batid kong batid mo na darating ang panahon na kakailanganin mong baybayin ang karagatan nang mag-isa. Haharapin mo ang hampas ng alon at pag-aaralan mo kung bakit bughaw ang ipinakikita nitong kulay sa ating mga mata. Bibigyan mo ito ng kahulugan at susulatan ng tula. Maraming beses kong ibinulong sa iyo ang kahalagahan ng pagbibigay-boses sa mga piyesang iyong isinusulat dahil gusto kong sa oras na napag-aralan mo nang bigkasin ang mga ito sa harap ng maraming tao, nais kong ibahagi mo rin sa akin ang mga ‘to. Nais kong sa oras na ako’y humihimbing sa ilalim ng mga damo ay marinig pa rin ang mga boses mong binibigkas ang talinghaga ng iyong kuwento. At kung dumating man ang araw na kinatatakutan natin pareho, sana’y panghawakan mo rin ang iyong pangako na kahit ilang beses mong ulitin sa akin na parehong kaliwa ang mga paa mo, habang hawak ang puting gumamela, pupuntahan mo ang aking puntod at doon sasayaw nang nakayapak.
Mahal, patuloy mong ikuwento ang ating istorya upang sa araw na tayong dalawa man ay umalpas, mananatiling buhay ang ating mga alaala.”
Artikulo: Maui Balmaceda
Dibuho: Glaciane Kelly
コメント