sana balang araw mapakain na tayo ng passion na yan
kung magkakaroon man ako ng konsepto ng “he is stable, you are deep” mula sa liriko ng kanta ni lizzy mcalpine, masasabi kong maiaangkop ko siya sa mga pangarap ko sa buhay.

bata pa lamang, kapag nak-kwento natin ang mga gusto natin marating, parating nababanggit ang katagang “wala namang pera dyan” lalo na sa mga trabahong may kinalaman sa sining, pelikula, o musika. doon nauso ang pariralang practicality or passion, mangarap nang mataas, ika nga.
na para bang ang pagkakaroon ng pangarap na may kinalaman sa sining ay mababa. ngunit bakit kaya hindi ito ikinukunsidera na malalim?
ilan kaya ang mga estudyanteng nag-aaral ng medical-related field na nais talagang maging multimedia student? ilan kaya ang mga nagte-take ng engineering o kaya business program, na gusto talagang sumali sa teatro, o kaya gumawa ng pelikula? ilang musikero kaya ang naibaon ang kanilang talento para magtrabaho ng blue-collar job?
gets ko naman si george, baka nga hindi tayo mapapakain ng lintik na passion na ‘yan. pero ano pa’t mangarap at magdasal kay bathala na sana, balang araw, mapakain na tayo n’yan?
gusto kong magpalamon at lumamon dahil sa passion ko. gusto kong gawin ang bagay na nagpapasaya sa akin habang nilalamanan ang sikmura ko. yung tipong kahit pagod ka maghapon dahil sa trabaho, masaya ka pa rin. kumbaga, may sense of satisfaction.
naiintindihan ko, baka nga sa paghahangad nyan, ay malason naman ako. dahil lason ang passion, sa bansang ito, para sa mga taong gipit na tulad ko. mahirap bumagsak, dahil wala namang fallback. kailangan magaling, o kaya naman, may koneksyon.
kaya lang, masyado ring maikli ang buhay para punan ito ng panghihinayang, ng pagsisisi. sana, hindi makulong ang mga pangarap ko sa buhay dahil natatakot ako o kaya naman ay hindi ko talaga kaya, o may mga bagay na humahadlang sa akin. ayaw kong masayang ang puso’t talento ko dahil nababaliwala ang mga ganitong usapin sa lipunang ito.
ilang ‘sana’ o ‘balang araw’ pa kaya ang kailangan kong bangggitin upang marinig ako?
Artikulo: Maui Umali
Dibuho: Kaiser Caya





Comments