top of page

Samahan ng Malalamig ang Pasko (SMP)

  • Writer: The Communicator
    The Communicator
  • 17 minutes ago
  • 4 min read

At kung lilikha ka para sa batang ikaw na dakilang panatiko ng maliwanag, mainit at makulay na pasko, na takot maging mag-isa sa lamig na dulot nito—ang likhang piraso na ito ay para sa bawat buhay at hininga ng nabanggit.


Katatapos ko lang manalangin.

Hindi ko maituturing ang sarili ko bilang deboto.

Sadyang kakaiba lang ang dalang himig ng pasko sa ganitong mga pagkakataon.

Kaya nakikita ko na lang ang sarili kong pinagdadampi ang dalawang palad at pinapatawid sa hangin ang mga sumamo at panalangin. 


Papalabas na ako ng pasilyo nang may sumalubong sa akin na musmos.

Maikli ang buhok, bungisngis kung tumawa at may nguya-nguya pa itong puto bumbong.


"Bakit ikaw lang po?"


Nagulat ako sa kaniyang tanong.

Ibang klase rin ang tatas ng dila nitong bata.

Pati ba naman ang pagiging mag-isa ay napapansin.


"Kasalanan na ba ang mag-isa ngayon?"


Bibili pa sana ako ng paborito kong hamonado sa kabilang kanto. 

Ang kaso ay masyadong magiliw ang himig ng boses nitong kausap ko. 

Napatabi na rin ako sa kaniya rito ng upo.


"Eh kasi sabi nila kapag wala ka raw kasama, malamig ang pasko… alam mo, ayaw ko ng gano’n! Ayaw kong tumandang mag-isa."


Parang natunugan ko ang tono ng pananalita niya pero pinili kong ipagkibit-balikat, lalo na nang mas pagdiinan niya na ang pagiging mag-isa sa ganitong panahon ay siyang ayaw niyang tularan.


"Kasi 'di ba, kapag pasko dapat may kasama kang maging masaya? Dapat may kasama kang kumain ng noche buena na hindi tig-500, mag-abang kapag alas dose na, o kaya kapalitan ng regalo sa ilalim ng krismas tree. Kawawa kaya kapag mag-isa ka. Sa totoo lang, natatakot ako na maging malungkot."


Sambit niya bago simutin ang kinakain niyang espesyal na puto bumbong dahil may cheese ito at kondensada. 


Napaisip ako bigla. 


Malungkot nga ba ang mag-isa? Malamig nga ba kapag wala kang kasama? O baka naman kasi lumamig lang ang pasko dahil hindi na ito ang dati nating kinagisnan. Sinanay na lang natin na piliing mag-isa dahil ito ang lente na mas malalim at mas payapang selebrasyon ng pasko. 


Aking napagtanto na marahil ito ay hindi maikukubling parte ng pagtanda at paglago—na darating tayo sa punto ng ating mga buhay na hindi na palaging liwanag at kulay ang bitbit nito. Kung minsan ay kupas na ang tinis ng mga kanta na pang-karoling o kaya ay lagas na ang materyal ng parol niyong isang dekada nang paulit-ulit isinasabit. 


"Nagagawa ko naman lahat ng nabanggit mo pero masaya ako kahit malamig ang pasko ko. Ika nga, alone doesn't equate to being lonely. Minsan, it's just quiet and cold, but not empty." 


Sagot ko naman sa kaniya na napatango-tango. 

Sabay kamot ng ulo. 

Lumalim tuloy lalo ang pagtataka ko. 

May kamukha kasi 'to. 


"Lugi, bakit ka ume-english? Ganyan ba kapag SMP?" 


Tumaray pa. 

Sabay labas sa pink niyang bag.

Nang masilip ko ay mayroon nang mga ampao. 


"Ang sabi ko, hindi porket malamig ang pasko mo ay dahil may lungkot kasi mag-isa ka—magkaiba 'yun sa mag-isa ka dahil alam mo ang mas malalim na kahulugan ng pasko."


Umusog pa ako nang kaunti sa kaniya. 

Tumingin naman ito at nahawigan ko ang pares ng mata. 


"Tandaan mo, tumatanda kasi ang tao—tumatanda rin ang konsepto at kaalaman nito. Kahit subukan mong pigilan, magbabago at magbabago ang itsura at hugis ng masayang panahon na kilala mo. Minsan mas magiging pamilyar ka pa nga sa magaan na pakiramdam ng pasko kapag kinabisado mo ang ibang porma nito."


Hinawi ko ang buhok niya. 

Pinakitaan naman niya ako ng dalawang dimples sa pisngi. 


"Ate, kahit ba hindi pa tayo magkakilala, sasamahan mo pa rin ako? Medyo takot pa kasi akong mag-isa, baka asarin nila ako na malamig ang pasko ko!" 


Banggit nito sabay hawak sa kamay kong pasmado. 

Buti pa ang palad nito, hindi pa magaspang at wala pang bakas ng kalyo. 


"Oo naman! Kasama mo ako. Magkasama tayo." 


"Pero paano po kapag tumanda na ako, tumanda ka na? Hindi ka ba maghahanap ng ibang kasama?" 


Kung alam mo lang. 


Kahit kung sino pa ang dumating sa buhay ko tuwing pasko para makipaghawak-kamay o makipag-abutan ng salitang "Mahal kita", ay pigura pa rin nito ang nanaising makasama. 


"Hindi ako maghahanap. Kasi sa lamig o init man ng pasko, sa pagbata at sa pagtanda ko, magkaroon man ng kasama o manatiling wala, ikaw pa rin ang makakatuwang kahit ako na lang ang natatanging mag-isa sa samahan ng malalamig ang pasko."


Ngumiti ito. 

Kilala ko na nga talaga kung sino. 

Kaya pala ang lakas ng lukso ng kutob. 


"Oh siya, tara! Ililibre na lang kita ng paborito mong puto bumbong."


Agad-agad itong tumayo. 

Nagpagpag ng kaniyang bestida at lumakad papalayo.


Huminga ako nang malalim.

Sanay naman na ako lagi na makita ang pangalan sa imaginary na listahan ng samahan na ito na parang voluntary ko na lang na sinalihan. 


Pero meron pa ring katiting sa akin na gustong pangakuhan ito.

Ngunit sa ngayon, 

ito muna ang iiwan ko;


Para sa batang ako. 

Sana mas maintindihan mo na hindi dahil mag-isa ka sa banayad na lamig ng pasko ay hindi na ito kayang damhin ng maalum-om mong balat.


Sana ay maalala mo na sa iyong pagtanda ay masaya pa rin na mag-isa sa malamig na pasko…


sa kaparaanan lamang ng panibago nitong anyo.


Artikulo: Juliene Chloe Pereña

Dibuho: Kaiser Aaron Caya


Comments


  • White Facebook Icon
  • Twitter
  • Instagram

THE COMMUNICATOR

2/F Lobby, College of Communication Bldg., NDC Compound, Anonas St., Sta. Mesa, Manila, Philippines 

PUP COC The Communicator © 2022

bottom of page