Hindi ko alam kung alin ang pinakamakinang ngayong gabi, ang mga bituin ba sa langit o ang mga naggagandahang parol na nakasabit sa bawat tahanang aking nadaraanan habang binabaybay ang kalye ng Anonas. Malamig na ang simoy ng hangin kumpara noong una akong tumapak sa lugar na ito. Tulad ng init ng panahon noon ay ganoon din ang pagmamahal at suportang pinaramdam sa akin ni Mama habang inaalalayan niya ako sa bahay na tutuluyan ko rito.
Ang dami na palang nangyari at nagbago. Sa bilis ng oras ay hindi ko na namalayang panahon na naman pala ng pagliliwanag ng mga Christmas tree. Para tuloy akong nasa ibang mundo. Hindi naman kasi ganito ang tipikal na eksenang naaabutan ko tuwing pauwi na ako. Nakakatuwa ang mga batang nasa labas pa rin ng kani-kanilang mga bahay. Naghahabulan, nagkukuwentuhan, at ang ilan naman ay nangangaroling. Lahat ay may kasiyahang nakapinta sa kanilang mga mukha habang tumatama ang mga repleksyon ng kumikislap na ilaw mula sa mga palamuti. Ito man ay nakakapanibago, masasanay din ako. Buwan na naman kasi ulit ng Pasko.
Kumusta kaya si Mama at ang Tatay? Masaya rin ba sila tulad nila Manong Ben at Nanay Teling? Na kahit sobrang haba ng pila sa kanilang tindahan ng bibingka at puto bumbong ay abot-langit pa rin ang kanilang mga ngiti habang inaasikaso ang mga kakanin? Makakakain kaya ulit ng graham cake ang aking mga kapatid? Nabilhan kaya nila ate ng mga bagong laruan ang aking mga pamangkin? Sino kaya ang katulong niya ngayong magbalot ng mga regalo? Hinihintay din kaya nila ako makauwi? Kasi kung hindi, sino kayang nagtayo at nagbigay-buhay sa aming pitong-taong Christmas tree?
Lumipas na talaga ang panahon. Kung noon ay binubuhat pa ni Tatay mailagay lang ang bituin, ngayon ay desperado nang sungkitin ito mula sa tuktok. Hindi ka na bata at wala na si Tatay. Sa layo mo ay hindi ka na rin kasamang maglagay ng mga dekorasyon. Wala ka para matanaw ang mga ngiti ng iyong mga pamangkin. Hindi rin sapat na makikita mo lang sila sa screen ng iyong telepono.
Ito man ay nakakapanibago, masasanay din ako. Kumikislap na naman kasi ang mga palamuti, nagbibigay tanda na Pasko na naman muli. Damang-dama ko na nga ito. Hindi dahil sa mga nakasabit na parol, sa mga nangangaroling, o kahit pa sa bibingka at puto bumbong. Pasko na dahil nandito na ulit ang simoy ng Kapaskuhang taon-taon sinusubukang iparamdam ng Anonas, pero may paghahangad din ng labis sa kayang ibigay ng lugar na ito, at ang pangungulila sa mga bagay na hindi makakamtam dito.
Tahanan para sa akin ang Pasko, makakabisado ko rin ang kalyeng ito. Hindi man ako makakauwi ngayong taon, maaari ko namang isiping may mga susunod pa. Nariyan naman palagi ang mga bituin. Marami pang panahon para subukan itong abutin.
Artikulo: Shannia Cabuello & Louissa Carrillo
Dibuho: Luke Perry Saycon
Comments