Pitong Dekada
“Sa wakas, naayos na! Handa na po ba kayo, Lola?” Tanong ng dalawang estudyante sa aking harapan. Dalawang kamera sa magkaibang anggulo ang nakatutok sa akin ngayon.
Kinakabahan akong tumango nang makitang tapos na sila sa pag-aayos ng kamera at paglalagay ng mga ito. Bilang isang direktor, iba pa rin pala sa pakiramdam kapag sa iyo nakatutok ang kamera at ikaw ang kukuhanan nila. Sa buong buhay ko kasi ay mas lamang siguro na ako ang nag-aayos ng mga ito at kinukuhanan ang mga tao. Magaling akong umarte ngunit dokumentaryo itong gagawin namin ngayon at sa bawat tanong na ibabato ay totoo dapat ang magiging sagot ko.
Alas tres ng hapon iyon nang lapitan kami ng tatlong estudyante sa ilalim ng punong Narra—paboritong lugar namin ng mahal kong si Aya. Sila ay mga kolehiyalang nag-aaral sa ilalim ng kursong Malikhaing Pagsulat, nakikiusap na tulungan sila sa kanilang proyekto. Naatasan daw ang mga itong lumikha ng isang dokumentaryo tungkol sa dalawang taong may hindi pangkaraniwang pagmamahalan at sa sinuswerteng pagkakataon, sa dami ng tao sa parke, kami ang kanilang natagpuan.
Hindi pangkaraniwang pagmamahalan…
Ilang beses ding nagpaulit-ulit ang mga salitang iyon sa isipan ko. Bahagya akong nag-alala sa maaaring maramdaman ni Aya nang sabihin iyon ng mga estudyante lalo pa’t hindi ito sanay noon na ipakilala ang sarili sa harap ng mga tao. Ngunit salungat nito ang nakapinta sa kaniyang mukha sapagkat pareho kaming nakangiti at agad niya ring tinanggap ang pakiusap ng mga ito.
Nakatitig lamang ako sa kaniya noong pinakiusapan kami ng tatlo. Hindi pa rin kumukupas ang kaniyang ganda. Hindi maitago ng kulubot niyang balat ang aming mga bakas ng kahapon. At hindi rin matakpan ng puti niyang buhok ang aming mga mala-bahaghari na alaala.
Panandalian kaming pinaghiwalay ng tatlo dahil magkakaroon daw kami ng mga indibidwal na kuha. Inilayo muna nila si Aya sa akin at doon nila ako sinimulang tanungin. Sinigurado rin pala nila na hindi ako naririnig ni Aya dahil panonoorin naman daw namin ito nang magkasama at sorpresa na lang ang aming mga sagot sa isa’t isa.
“Magandang araw! Ako nga pala si Dalisay Manansala, 77 taong gulang,” sambit ko sa harap ng kamera.
“Magandang araw po, Lola Isay! Maaari niyo po bang sabihin kung ano ang pinaka-memorable na bagay na natanggap niyo mula sa kasintahan niyong si Lola Aya?” Sambit ng isang estudyante.
“Palasusian,” diretsang sagot ko sa tanong habang kinakapa sa bulsa ang hugis kamera na palasusiang bigay ni Aya sa akin noong mga bata pa kami.
“Itong palasusian ang pinaka-memorable na natanggap ko mula sa mahal kong si Aya dahil nakasama ko ito sa buong buhay ko. Nagsilbi itong gabay at inspirasyon simula noong magustuhan ko ang pagpepelikula. Ginabayan ako nito noong tinatahak ko ang mga daan patungo sa aming mga pangarap. Nagsilbing inspirasyon ko rin ang palasusian na ito dahil ito ang aking nakasama sa panahong pinagdududahan ko ang sarili at wala siya sa aking tabi. Sa mga panahon na iyon, tuwing makikita ko ang palasusian, naiisip ko na may taong naniniwala sa akin kaya naman ay kinakaya ko.”
Hindi ko na mapigilan ang sarili at patuloy lamang ako sa pagkukwento. Hindi mapapantayan ng kahit na ano ang halaga ng palasusian na ito sa akin dahil simula noong sambitin namin ni Aya ang aming pangarap sa isa’t isa ay kalaunan niya itong ibinigay sa akin. Kinuwento niya rin kasi sa akin kung paano niya pinaghirapang bilhin ang palasusian na ito at kung paano niya raw hinabol ang tindero at nagkasugat.
“Kailan niyo naman po napagtanto na mahal niyo na po si Lola Aya at higit pa sa pagiging kaibigan ang pagmamahal niyo sa kaniya?” Sambit naman ng isa pang estudyante.
Napatulala ako sa tanong, pilit na inaalala ang mga alaala naming dalawang magkasama. Maski ako ay napaisip sa tanong dahil mula yata noong una naming pagkakakilala ay mahal ko na siya.
“Minahal ko na siya simula pa noong una ko siyang makilala. Marahil nagtagal lamang ako sa tagpo kung saan hirap akong aminin iyon sa kaniya dahil hindi ako sigurado sa maaaring kalabasan kung gagawin ko ang bagay na iyon. Iba rin kasi kapag takot o pangamba ang bumalot sa iyo. Mahal ko si Aya noon pa. Simula no’ng mga panahong nagpapalitan pa lamang kami ng mga sulat para sa isa’t isa, gumagawa ng pulseras gamit ang mga bulaklak ng santan at nagsusulat sa talaarawan pagtapos ay binabasa ang mga ito sa ilalim ng puno—alam kong mahal ko na siya.”
Hindi ko alam kung halata ba sa kamera ngunit may namumuo nang luha sa gilid ng mga mata ko at sa pakiwari ko’y bubuhos ang mga ito kung may susunod pang mga tanong na ibabato.
“Kung may mensahe kang nais sambitin para kay Lola Aya, ano po iyon?”
Tuluyan nang bumuhos ang mga luha ko. Ilang segundo rin ang nakalipas bago ko masagot ito.
“Mahal, alam mo, nagpapasalamat pa rin ako dahil ako ang pinili mong makasama. Mahal kita sa bawat oras, araw, buwan, taon o maging sa bawat dekada na lumilipas. Salamat dahil sa mga panahong inaabot ko ang ating pangarap sa pagpepelikula, ikaw rin ang naabot ko. Dahil ikaw ang pangarap sa ibabaw ng mga pangarap ko. Hindi mahihigitan ng bawat pelikula ko ang kuwento natin dahil ito ang paborito kong istorya. Kung maibabalik lamang ang mga oras at araw na wala ako sa tabi mo, sisiguraduhin kong naroon ako—sa ilalim ng puno ng Narra. Ikaw lang ang nag-iisang Malaya Magsaysay na mamahalin ko habambuhay. Mahal na mahal kita, aking Aya.”
Palatandaan at Bakas
“Lola Aya, p’wede na po ba tayo magsimula?”
Tumango lamang ako at ngumiti. Kinakabahan ako sa magiging kinalabasan nito. Sana lang ay masagot ko nang maayos ang mga tanong nila. Hindi ako sanay humarap sa kamera kung hindi si Isay ang nasa likod nito. Ngunit ang mga estudyanteng ito ay lumapit sa amin at humingi ng tulong. Malikhaing Pagsulat ang kursong kinukuha nila at ang pangarap kong kurso. Nakakatawa talaga ang tadhana.
Sumenyas sila na maaari na akong magpakilala.
“Magandang araw! Ako si Malaya Magsaysay, 76 na taong gulang.”
"Hello, Lola Aya! Nagagalak po kaming makasama kayo ngayon. Para po sa unang katanungan, ano po ang pinaka-memorable na bagay na natanggap n’yo mula kay Lola Isay?"
"Marami na akong natanggap galing kay Isay, tulad ng mga larawan ko na kuha niya mismo o kaya kwaderno. May mga libro rin siyang binigay, ang iba pa roon ay may pirma mismo ng manunulat na talagang pinilahan niya. Marami na, pero ang dahon na galing sa puno ng Narra kung saan kami tumatambay noon ang hindi ko malimutang bigay niya. Pina-laminate ko ito at ginawang bookmark. Ginagamit ko sa mga librong binabasa ko noon. Palatandaan kung saan ako huling natapos," sambit ko. Ang dahon na inabot niya sa akin noong huling tambay namin sa puno ng Narra dahil kinabukasan ay luluwas na sila.
Sa lilim ng puno ng Narra, hawak ko ang isang libro at tinititigan ang bookmark nito… Ang dahon ng punong sinasandalan ko. Naaalala ko na naman kung sino ang nagbigay nito at siya ang lagi kong kasama magpalipas-oras noon dito mismo sa pwesto na kinauupuan ko.
Parang katulad lang naman ng dati ang ngayon, may kulang nga lang. Katulad lang dahil ganoon pa rin naman ang lugar na ito, sila Mama at Papa, at maging ang takbo ng buhay ko. Walang bago. May kulang lang dahil wala ang lagi kong katabi. Wala ang bigat ng laging dumadantay na ulo sa balikat ko. Wala ang gaan ng presensya ng matalik kong kaibigan… si Isay.
Huling sulat namin, nasabi niyang mayroon siyang bagong kamera na binili niya mismo gamit ang sariling ipon. Sobrang saya ni Isay sa sulat niya. Nailarawan ko sa aking utak ang lawak ng kaniyang ngiti at kislap ng mga mata.
Kumusta na kaya siya? Kung andito kaya siya, ngiti ko ba ang unang kuha ng bago niyang kamera? Pero ilang taon na rin kasi ang nakalipas.
Si Isay pa rin kaya siya? Si Aya pa rin ba ako?
Hindi ko pa rin maintindihan ang sarili ko.
“Kailan niyo po napagtantong iba na ang nararamdaman niyo kay Lola Isay? Na mahal niyo na pala siya?”
Ngumiti ako at sumagot, "Noong minsa'y sinubukan ko ulit magsulat at binalikan ko ang dati kong mga piyesa. Nakita ko si Isay sa mga kwentong naisulat ko noon."
Napahinto ako sa pagsusulat at dali-daling kinuha lahat ng kwadernong nakatago. Nalilito na naman ako. Hindi ko na naman maintindihan ang sarili ko. Kailangan kong mabalikan ang dati… ang dati kong mga naisulat. Kailangan kong malaman kung ito ba ang unang pagkakataon o noon ko pa ito ginagawa ngunit hindi ko napapansin—ang isulat si Isay sa mga karakter ng aking piyesa.
Binuklat ko ang lahat ng aking kwaderno at binasa ang mga sulat ko noon. Isa lang ang napagtanto ko…
Ang dami nang nangyari sa akin. Ang dami kong pagdududa at kwestyon pero naging sigurado rin pala ako. Hindi ko lang namalayan dahil masyado akong lunod sa duda't tanong. Lunod sa pag-iisip na tanging pangalan ko lang ang malaya.
Hindi ko namalayang malaya ko pa lang minamahal si Isay.
Si Isay na may bakas sa bawat karakter na sinusulat ko. Si Isay na tanging laman ng talaarawan ko mula pagkabata. Si Isay na malayo sa akin pero dahil sa tagong pag-ibig sa puso ko, patuloy pa rin siyang naninirahan dito. Nananatili pa rin siya at nananabik pa rin ako.
Ang layo na ng nilakbay ko pero sa wakas nagpakita na rin ang aking mga nasulat na karakter—lahat sila may bakas ni Isay. Tulad ng hugis ng mata tuwing tumatawa. Ang arko ng mga labi tuwing ngumingiti. Ang kinang ng mga mata tuwing tumititig sa kanilang iniibig (na nakita kong ako rin pala sila).
Ang tagal ko na pa lang nananabik. Ang tagal ko na pa lang umiibig. Hindi ko namalayang sinusulat ko na pala ang kami.
Malaya ko na pa lang minamahal si Isay—sa sariling mundo ng kwentong sulat nga lang.
"May mensahe po ba kayo para kay Lola Isay?"
Bumuntong-hininga ako. Ang dami kong gustong sabihin. Kapag si Isay talaga ang pinag-uusapan, ang daming salita na gustong kumawala sa bibig ko.
"Lagi kong sinasabi kay Isay na habang lumalaki ako, punong-puno ako ng pagdududa at kwestyon. Maraming bagay na ang dumulas sa kamay ko dahil hindi ako kumapit nang mahigpit dahil sa isip ko'y baka kahit anong kapit, wala pa rin. Maraming bagay na ang hindi ko naipaglaban tulad na lang ng pangarap kong kurso, naitanim kasi sa utak ko na kailangan ko sumunod sa kung ano man ang desisyon ng aking magulang. Ang dami kong itinanggi at pilit na itinago sa sarili ko habang inaaral kung paano ba ang mabuhay sa mundong 'to bilang ako. Maraming pangyayari sa buhay ko kung saan duda ang nangunguna, pero simula noong tinawanan mo ako bago tulungan, naging sigurado akong magiging matalik kitang kaibigan at humigit pa ito sa nagdaang panahon.
“Nagkalayo man tayo, pero wala pala talagang tapos ang ikot ng hibla ng tadhana dahil nakatali pa rin ito kahit na sobrang layo ng ating pagitan. Kaya Isay, maraming salamat sa pagtulong mo noong sumemplang ako sa bisikleta. Maraming salamat sa dahon na binigay mo. Maraming salamat sa mga sulat na sagot. Maraming salamat sa pagyakap mo sa akin noong muli tayong nagkita. Maraming salamat sa tyansang mahalin ka hindi lang sa likhang kwento kung ‘di ang mahalin ka nang malaya, nadidinig, at nakikita. Isay, ikaw ang kasiguraduhan sa buhay kong pinuno ng duda. Minamahal ka ni Malaya, Dalisay, lagi’t lagi."
Malayang Paglalakbay at Dalisay na Pagmamahal
Pinanood nila Isay at Aya ang dokumentaryong pinagbidahan nila. Narinig nila ang kuwento ng kanilang pag-iibigan sa magkaibang naratibo.
Nag-asaran ang dalawa matapos marinig ang mga sagot mula sa isa't isa. Natuwa, kinilig at minsa'y naluluha sa mga mensaheng natanggap nila. Sila'y tila dalawang ibon na hindi tumitigil sa paglalaro sa ere.
Nangako ang dalawa na mula pagkabata hanggang pagtanda, patuloy na magsusulat si Isay at Aya sa mga talaarawan nila. Kukuhanan nila ng litrato ang mga ngiti ng bawat isa.
Patuloy silang maglalakbay nang malaya at magmamahal nang dalisay.
Artikulo: Maui Balmaceda, Jessica Mae Galicto, Julia Manzano
Dibuho: Timothy Andrei Milambiling
Commentaires