top of page

Sa pagitan ng hita tungong paglaya

  • Writer: The Communicator
    The Communicator
  • 1 day ago
  • 6 min read

Ang mga kwento ng kababaihan ay hindi na lamang mananatili sa maliit na sulok ng kwadrado; sila’y tatagos sa bawat titik ng panulat—umaapaw ng galit at katatagan. Babawiin nila ang napaglapastangang pagkatao at boses na matagal nang ipinagkait sa kanila. Ngayon, itatayo nila ang bantayog ng paglaya sa pagitan ng mga hitang sinunog, binaboy, minaliit, at pinatahimik.




Ang maiksing palda ng babaeng galit

Ni: Hazel Anne Naguinbin


"Masyadong maiksi 'yang paldang suot mo 'neng. Ang sarap mo sana pero hindi ka ba nahihiya?"


Kanina pa sinururi ng matandang lalaki na nasa harap ko sa jeep ang suot kong maiksing palda at sleeveless na blouse. May panlalait sa boses niya, ngunit tila nakangisi ang dalawa niyang mga mata habang hindi inaalis ang tingin sa dibdib ko.


Ako pa pala dapat ang mahiya? Manyakis amputa.


Nginitian ko siya. Binigay ko sa kaniya ang pinakamatamis na ngiting binibigay ko sa lahat ng mga lalaking tinititingan ang kasuotan ko—at bumabastos sa'kin.


Mga makasalanang mata na pumapansin sa malalaki kong suso, sa mapuputi kong hita, sa mahaba kong buhok, at sa maamo kong mukha. 


Hinuhubaran nila ako sa malalaswa nilang tingin habang naglalaway ang mga dila nila sa ideyang isa akong babae.


At ang babae ay dapat daw na manahimik.


Lumaki akong binubusalan sa bibig dahil papuri raw ang matawag na "masarap" ng mga kumpare ng tatay ko; isang tropeyo raw na dapat ipagmalaki ang masitsitan sa daan.


Dapat daw ay magpasalamat pa ako.


Pero sino sila para diktahan kung ano dapat ang maging reaksyon ko bilang isang babae?


Bumaba ako ng jeep at napansin kong sumusunod ang gago sa'kin. Sino nga ba naman ang makakatanggi sa matamis kong ngiti? 


Kapag ba nakalabas ang balat ay isa na itong imbitasyon?


Lumiko ako sa isang madilim na eskinita at doon hinintay ang kaniyang pagdating. Tahimik, tumatama ang malamig na hangin sa balat ko, at tanging dilim lamang ang bumabalot sa akin.


Nang mamataan ko ang pigura ng lalaki ay hinawakan ko nang mahigpit ang gunting na nasa bag ko; nilabas ko iyon, at tinusok sa makasalanan niyang mga mata, pagkatapos ay diniretso ko ang gunting pahiwa sa bastos niyang bibig. 


Lumuhod siyang namimilipit sa sakit at sumisigaw habang hawak ang mukha niyang umaagos ng dugo.


Ngayon, mukhang hindi lang ako ang dapat na manahimik.



Tahimik na Delubyo

Ni: Hazel Anne Openiano


"Layas, malandi ka! Pinatira at pinalamon kita sa loob ng pamamahay ko tapos magpapabuntis ka lang?!"


Kasabay ng pagkulog sa kalangitan ang sigaw ng tiyahin ko. Isa-isa niyang inihinagis ang mga gamit ko palabas at nabasa na lamang sa putikan.


Dalawang linggo na akong buntis. Matagal na niyang napapansin ang pagduduwal ko ngunit napagtanto niya lamang nang makita ang pregnancy kit sa basurahan.


Dalawang linggo.


Ngunit ilang buwan ko rin inisip kung may makikinig ba kung magsasalita ako.


"Tiyang... maawa po kayo. Ako na lang po ang palayasin niyo. ‘Wag na lang po si bunso… bata pa siya.”


Mas mahigpit kong niyakap ang aking kapatid na hindi tumitigil sa pagpalahaw. Limang taong gulang pa lamang siya, samantalang labing-apat na taong gulang naman ako.


Wala na kaming mga magulang. Pinag-aaral ako ng Tiya ko ngunit kailangan kong paghirapan ang bawat sentimong sustento niya sa akin sa pagiging kasambahay nila.


“Ano’ng mapapala ko riyan sa kapatid mo? Palamunin? Isama mo yan! Doon kayo sa nobyo mo!”


“Tiyang, please! ‘Yung kapatid ko na lang po ang patirahin niyo. Babalik po ako, maghahanap ng trabaho. Babayaran ko po kayo. Please…”


Hindi na siya tumugon. 


Biglang bumuhos ang malakas na ulan. Para bang pati langit, gustong ipamukha sa’kin na hindi ko ito kakampi.


Niyakap ko ang kapatid ko. “Gagawa si Ate ng paraan, ha? ‘Wag ka nang umiyak.”


Nanginginig kong pinulot ang mga gamit namin isa-isa. Isinaklob ko sa kanya ang mga natirang malinis na damit. 


Naglakad kami papalayo, bahala na kung saan kami dalhin ng mga paa namin.


Ngunit nakaka-ilang hakbang pa lamang kami nang lumingon ako sa bahay—sa lugar na inakala ko noong una ay ligtas. At doon, nakita ko siyang nakatayo sa may bintana. May mala-demonyong ngisi na tila kanina pa niya kami pinapanood.


Dito sa labas, nagwawala ang ulan—malakas, marahas, at walang patawad. Ngunit wala iyon kumpara sa delubyong matagal ko nang dinurusa sa loob ng bahay na iyon.


Dahil kung sakali mang umakyat si Satanas mula sa kailaliman, magbabalatkayo siya bilang isang lalaki.


Ang tiyuhin ko.


Ang demonyong sumira sa akin.


Ang ama ng batang dinadala ko.



umiibig at iniibig

Ni: Xyruz N. Barcelona


may korona ang isang reyna. hindi dahil siya ang kaharian, kundi dahil kailangan siya ng isang hari. ang kanyang pag-upo sa trono ay hindi ganap na kapangyarihan, kundi tahimik na kasunduan: na siya’y maglilingkod, magdadala, at magbibigay. pinagsisilbihan niya ang hari hindi lamang bilang katuwang, kundi bilang sisidlan ng kanyang ninanais na hinaharap. 


kaya’t maaga pa lamang, hinuhubog na ang isang babae—tinuturuan ng tamang asal, tamang kilos, at tamang anyo—hindi upang makilala ang sarili, kundi upang maging karapat-dapat na piliin.


mula pa noon, saan pa man, hinuhulma ang kababaihan na maging akma para sa kalalakihan.


itinuro ng mundo sa kababaihan kung paano ang umibig at hindi kung paano ang ibigin. ipininta ng lipunan ang kababaihan bilang mas mababang kasarian, kaya kailangang parating nagbibigay at walang sawang umiibig…kahit pa hindi iniibig kung hindi akma.


kaya’t pinipili ko ang umibig ng isa pang babae. dahil sa pag-ibig na ito, hindi lamang pag-ibig ang aking pinipili—pati na rin ang pagtalikod sa mundong matagal nang humubog sa akin para i-alay sa iba. 


sa pag-ibig na ito, walang hari at walang reyna—walang nakaluklok, at wala ring nakaluhod. ang korona ay hindi na tanda ng pag-aalay, kundi simbolo ng sariling pag-angkin. sa pag-ibig ng isa pang babae, hindi ko kailangang maging kanais-nais. 


iniibig ako hindi dahil ako’y akma o sapat, kundi dahil ako’y ako. hindi ko kailangang maging isang partikular na klase ng babae. sa pag-iibigan ng dalawang babae, sapat na ang maging kung sinuman. walang hulmahan. walang kahon na kailangang pagkasyahin ang sarili. walang anyong kailangang gayahin upang manatili. 


sapat na ang pagiging totoo. 

wala nang sukatan ng pagiging babae.

sa pag-ibig na ito, malaya kang umibig at ibigin.

malaya kang maging babae…

at maaari mong angkinin ang korona.



Ang Alamat ng Hating-Gabi

Ni: Sayrine Cornito


“Nay, bakit po sila natatakot sa iyo?” tanong ng maliit na si Lino habang sinusuklay ang mahabang buhok ng kanyang ina.


Ngumiti lang si Stella—isang ngiting may halong pait, “Dahil hindi nila maintindihan ang ginagawa ko para sa atin, anak.”


Gabi-gabi, umaalis si Stella suot ang makapal na kolorete at ang kanyang "pakpak.” Matapang niyang hinaharap ang malalamig na kalsada, pati na rin ang mga malalagkit na tingin sa bawat kanto.


Sa isang bar sa Ermita, siya ang paboritong panoorin. Doon, isa siyang "manananggal" sa mata ng marami—isang babaeng ibinebenta ang gabi upang mabili ang maginhawang umaga sa kanyang anak.


Isang gabi, habang naglalakad pauwi, narinig niya ang bulong-bulungan ng mga kalapit-bahay.


"Ayan na ang aswang. Galing na naman sa pangangaso." 


Nilampasan niya sila nang may taas-noo, bitbit ang isang supot ng gatas at gamot. Pagdating sa bahay, agad niyang hinubad ang kanyang "anyo.” Kanyang binura ang makapal na makeup at muling naging isang simpleng ina.


Bagaman pagod ang kanyang katawan at sugatan ang kanyang kaluluwa, ang kanyang layunin ay nananatiling buo. 


Ang tingin ng mundo sa kanya’y isang halimaw na dapat layuan; ngunit para kay Lino, siya ang anghel na nagbabantay sa kanyang mga panaginip. 


Hinalikan niya ang natutulog na si Lino. 


Sino pa nga ba ang mas nakakatakot: ang 'manananggal' na hinahati ang sarili upang itaguyod ang kanyang pamilya,  ang lipunang tila buo at matuwid ang anyo ngunit linsad ang katwiran, na mas nangangatog sa mga nilalang ng dilim kaysa sa sarili nitong kadiliman?



Babaylan

By: Jazmin Permejo


We are the daughters and sons

Of the “witches” 

Burned by the book,

Hunted in the chronicles. 

Who hid in the robe of their divine courage. 

Whose songs were graced with the blessings of our homeland.


We are the nemesis 

Of the gods.

Hunting in disgrace.

Roused with greater fury in honor of their kingdom.

Whose anthem was written to burn the witches and hunt their descendants.


We are the fruit 

Of the women 

and the earth forebearers with no label on their skin;

Of the mothers, healers, and navigators

Who reclaimed the palm of our wounded honor. 

Whose voices soothe a village of sailors.


They tend. We meant.

With valor.

Beyond the lore.


evermore.

Comments


  • White Facebook Icon
  • Twitter
  • Instagram

THE COMMUNICATOR

2/F Lobby, College of Communication Bldg., NDC Compound, Anonas St., Sta. Mesa, Manila, Philippines 

PUP COC The Communicator © 2022

bottom of page