Sa Oras Ng Aberya, sa SONA
- The Communicator
- 4 days ago
- 1 min read
Sa paglipas ng araw ay saka lamang tayo manghihinayang,
sapagkat may pamilyang nalipasan ng gutom,
may problemang ‘di nasolusyunan.

Hindi naman tayo hinahabol ng oras,
sadyang mabagal lang talaga ang aksyon
kung paano ipapamahagi ang bigas.
Tatlong taon ang nakalilipas…
Malalabnaw na mga pangako ang binanggit—
“Prayoritasyon sa ekonomiya, agrikultura, at imprastraktura,” ika niya.
Ngunit patuloy na tumaas ang presyo ng mga bilihin sa merkado,
nanatiling mababa ang sahod ng mga manggagawa.
Ginawang solusyon ang militarisasyon sa edukasyon,
Patuloy na lumaganap ang disimpormasyon.
Naglabas ng mga planong nakakubli sa likod ng mga numero,
binalewala ang reyalidad ng kahirapan ng mga Pilipino.
Dalawang taon ang nakalilipas…
Nasiyahan ang mga buwaya sa yamang natamasa—
na siyang nakakubli sa ngalan ng Maharlika.
Ang mga tsuper ay patuloy na nakipagsapalaran sa kalsada,
dahil sa modernisasyong sa kongreso iniraratsada.
Walang konkretong aksyon para sa edukasyon at kalusugan,
walang solusyon sa iba’t ibang krising panlipunan.
Hindi ito ang Bagong Lipunan.
Hindi ito ang Bagong Pilipinas.
Isang taon ang nakalilipas…
Nagpaulang muli ng mga pangako—
na lumunod sa mga Pilipino.
“Mahigit 5,500 flood control projects ang ginagawa,” ayon sa kaniya.
Makalipas ang ilang araw, maraming lugar ang lubog sa baha.
Ni minsa’y hindi nagparamdam sa bawat sakuna,
at patuloy na ibinebenta ang Pilipinas sa ibang bansa.
Wala nang dapat pang asahan sa kaniya ang mga tao
Sa Oras Ng Aberya,
sa SONA.
Artikulo: Maui Balmaceda
Grapiks: Marc Servo
Comments