Sa kalagitnaan ng gulo, hahawakan ko pa rin ang kamay mo
- The Communicator
- 1 day ago
- 1 min read

Kahit saan ako mapadpad, may gulong na sumasalubong.
Kaguluhan sa sariling isip,
kaguluhan dahil sa kahirapan,
kaguluhan sa mga kalye,
at kaguluhan dulot ng kasiyahan.
Pero may nakita akong mas malaking gulo—
ang kaguluhan ng buong mundo.
Malayo naman tayo, pero bakit tayo apektado?
Dahil bawat pagtaas ng krudo, may pamilyang mas lalong nahihirapan.
Dahil bawat balita, may pangalang nawawala;
may tahanang hindi na nababalikan.
Dahil kahit hindi tayo nasa gitna, ramdam natin ang bigat.
Hindi ko ‘man alam kung paano maging ekonomikal;
Ni hindi ko ‘man mapaliwanag sayo kung kailan matatapos ang kaguluhang nagpapahirap sa buhay ng mga tao;
at kahit tumaas ‘man ang presyo ng krudo, sigurado pa rin ako;
hahawakan ko pa rin ang kamay mo.
Dahil kasama kita sa laban na hindi natin ginusto.
Pipiliin kong hawakan ang kamay mo hindi dahil sa takot,
pero mas kailangan nating manatili.
Kasi sa dami ng bagay na hindi natin kayang kontrolin,
isa ‘to sa mga kaya kong piliin.
At kung wala ‘man tayong mabigay na solusyon sa gulo ng mundo,
kahit ito manlang—
Hindi kita bibitawan.
Ipaglalaban kita sa kalye,
sa lansangan,
at kahit sa harap ng naglalakihang mga mansyon.
Sa pagitan ng sigaw at katahimikan;
sa gitna ng mga hindi nakikinig at mga pilit pinapatahimik.
Ipaglalaban kita hindi dahil makikiisa tayo sa gulo,
pero gagawa tayo ng ingay para manalo—
para magtagumpay sa kaguluhang sumisira sa buhay ng mga tao.
At kung sakaling mapagod ‘man tayo sa laban na ito,
nandito lang ako,
hawak ko pa rin ang kamay mo.





Comments