top of page

magtrabaho … ay di biro

  • Writer: The Communicator
    The Communicator
  • May 11
  • 1 min read

anumang trabaho, akin nang sinanto:

fast food server, call center, factory worker.

papatusin lahat ng disenteng hanapbuhay

para sa pamilya—para sila’y mabuhay.



kahirapan ay bumungad agad;

pawis, buhay at kaluluwa’y aking ibinayad

upang makahanap ng buhay na dekalidad

at maisakatuparan ang hinahangad.


ang aking mga mata ay sadyang mulat na

sa reyalidad na nilalakaran ng aking mga paa.

para sa mga kamay na walang tigil sa paggawa;

at para sa bunganga na hindi tumitigil sa paghinga.


sariling buhay ang aking pusta;

bilang tindera, labandera, manikurista—

kayod kalabaw na

upang ‘di mabutas ang aking bulsa.


papatulan anumang trabaho,

gagawin ang lahat ng makakaya ko,

nang sa gayon ako ay makaahon

sa buhay kong nakabaon.


sa umaga ay hindi dapat makampante;

sa gabi, pinagdarasal na hindi masisante.

dahil may pamilya akong naghihintay;

may mga anak akong binubuhay.


‘superhero’ kung maituturing;

subalit hindi pa rin sapat itong angking galing

kung ang sweldo ko’y binabarat;

kung sa buhay ay salat na salat.


sa kahit anong kinatatayuan ko,

may isa lang akong pinapatunayan sayo:

kami’y patuloy na mananawagan, taas kamao,

para sa nakabubuhay na sahod sa mangagawang pilipino.


dahil lahat ng trabaho

ay di biro.


Artikulo: Jul Sim Tebangin & Jobelle Marie Palopalo

Dibuho: Glaciane Kelly S. Lacerna


Comments


  • White Facebook Icon
  • Twitter
  • Instagram

THE COMMUNICATOR

2/F Lobby, College of Communication Bldg., NDC Compound, Anonas St., Sta. Mesa, Manila, Philippines 

PUP COC The Communicator © 2022

bottom of page