top of page

Lupang Ninuno, Lupang Pinagmulan

5 days ago
1 min read

May ugat na nakatali sa pusod ng bundok,

Sa bawat paghinga’y mundo ang humuhubog;

Sila ang mga kamay na may bahid ng putik,

Na nagpapakain sa lupang tahimik.


Ang kanilang dugo’y batis na dumadaloy,

Sa mga hagdan-hagdang palayang nag-aapoy;

Sa bawat butil ng palay na ating tinatanggap,

May pawis ng katutubong sa usok ay yumayakap.


Sila ang mga punong nagbibigay-lilim,

Nagtatanggol sa gubat laban sa dilim;

Subalit bakit sa piling ng hanging amihan,

Sila pa ang siyang tinataga sa kagubatan?


Inaagaw ang bituin sa kanilang gabi,

Isinusuko ang lupa sa mga banyagang ngiti;

Ang kanilang sigaw ay tila bulkang pipi,

Nag-iipon ng init sa pusong may hapdi.


Sila ang kaluluwa ng lumang alamat,

Na sumusulat ng kasaysayan sa balat ng gubat;

Ngunit bakit ang panulat ay ginagawang patalim,

Upang burahin ang bakas sa lilim ng dilim?


Ang lupang ninuno’y hindi pwedeng ipagpalit,

Sa gintong gawa sa bakal at pait;

Ang bantayog ng bundok na kanilang binuo,

Ay pader ng buhay na unti-unting gumuho.


Bakit ang tagapangalaga ang siyang walang kublihan?

Bakit ang tagapagtanggol ang siyang nasasaktan?

Sa bawat pag-aani ng ating kabihasnan,

May sugat ang mga paang naglakad sa kakahuyan.


Gisingin ang hangin, hipan ang tambuli,

Ibabalik ang dangal na napawi sa gabi;

Sapagkat sa piling ng lupang pinagmulan,

Ang katutubong anak ang tunay na tahanan.



Artikulo: Sayrine Cornito

Dibuho: Zea Gestopa


Comments


  • White Facebook Icon
  • Twitter
  • Instagram

THE COMMUNICATOR

2/F Lobby, College of Communication Bldg., NDC Compound, Anonas St., Sta. Mesa, Manila, Philippines 

PUP COC The Communicator © 2022

bottom of page