top of page

sa araw, buwan, at mga talang saksi ng aking mga pasanin

  • Writer: The Communicator
    The Communicator
  • 4 days ago
  • 1 min read

may kahilingan sana ako: maaari bang humaba pa ang mga oras sa bawat araw na aking tinatahak upang mabalanse ko ang pag-aaral at pagtatrabaho? 



sabi nila, libre lang ang mangarap, pero hindi nila sinabi na libre abutin ang mga ito. kapalit nito ang pagpasok sa klase nang walang tulog at pahinga, dahil hindi naman ako pwedeng lumiban sa trabaho upang kumita. 


kapag nasa eskwelahan at nararamdaman kong hindi na ako magaling, humihiling ako kay bathala na sana malayo pa rin ang aking marating. sapagkat ito lang, sa ngayon, ang mga bagay na kaya kong gawin—ang magpakita, kahit mabigat ang aking mga dinadala, at ngumiti sa salamin, kahit hindi ko na kaya. 


at sa pagsapit ng gabi, nagpapasalamat ako sa buwan at mga tala sa labas ng bintana, dahil sila ang nagsisilbi kong liwanag at pag-asa. tulad ng mga bituin, hindi ako nag-iisa sa mga bagay na aking pinagdaraanan; marami kami sa loob ng gusaling ito na nag-aasam ng hinaharap na may kapayapaan, at diplomang mahigpit na hinahagkan. 


sana’y dumating ang araw na hindi na ako nagmamadali; na sa isang iglap ay matatapos ang isang buwan, na hindi ko mamamalayan ang paglipas nito kung hindi ko pa babasahin ang aking talaarawan—na may mga tala ng mga bagay na ayaw kong makalimutan. 


sana, dapat, dumating ang araw na ako ay magkaroon ng kalayaan.


iyan ang aking panalangin. 


Artikulo: Maui Umali

Dibuho: Leann Grace Tamares

Comments


  • White Facebook Icon
  • Twitter
  • Instagram

THE COMMUNICATOR

2/F Lobby, College of Communication Bldg., NDC Compound, Anonas St., Sta. Mesa, Manila, Philippines 

PUP COC The Communicator © 2022

bottom of page