top of page

Rizal, kabataan na ang bayan at pag-asa nito

  • Writer: The Communicator
    The Communicator
  • 12 minutes ago
  • 2 min read

Ginoong Jose Rizal,


Patapos na ang taon… pero isa pa lang ang nakukulong.


ree

Malaya pa rin ang mga taong nagnakaw sa bilyon-bilyong kaban ng bayan. Aktibo pa ring gumawa ng ingay ang mga may patong-patong na kaso. Sumasahod pa rin ang mga pulitikong hindi nagtatrabaho. 


Nakakagalit, Rizal. At kung buhay ka man ngayon—siguradong galit ka rin.


Hindi ito bago. Alam mo ‘yan. Ikaw mismo ay nagsulat tungkol sa katiwalian, bulok na pamahalaan, at hustisyang may kinikilingan. Magkakaibang administrasyon, iisang kuwento: walang nananagot. Iba-ibang pangalan ng salarin ngunit pareho ang galawan. Siglo na ang lumipas, iyon pa rin ang sugat ng bayang minsan mong pinaglaban.


Nakakapagod magalit, Rizal. Nakakapagod magbasa ng mga balitang lilipas na naman na walang hustisya. Nakakapagod makita na sa kabila ng ingay, parang walang nangyayari. Sobrang bulok ang sistema ng bansa na minsan, hindi ko na alam kung ano pa ang pwede kong gawin, o kung saan pa huhugot ng pag-asa.


Paano kami magiging boses kung patuloy kaming pinatatahimik? Paano kami magmumulat kung sila’y kusang pumipikit? Paano kami maglalahad ng pagbabago kung itinuturi kaming kaaway ng gobyerno?


Pagod na ang sinasabi mong pag-asa ng bayan, Rizal. Ngunit hindi ibig sabihin nito ay mawawalan kami ng pakialam. Hindi ito dahilan para magbulag-bulagan, at lalong hindi para maging sunod-sunuran na lang sa pamahalaan.


At kung nabubuhay ka man ngayon, kasama ka naming sumasama sa rally. Gaya ka rin naming ayaw masanay sa kabulukan ng bansang ito.


May hawak ka ring placard, sumisigaw sa kahabaan ng EDSA at nananawagang ikulong na ang mga kurakot. Siguro, may comment section ang posts mo sa social media kung saan tinatawag kang “reklamador”, “istorbo”, at “pa-woke” ng mga panatiko. Siguro, miyembro ka rin ng student organizations at ilang beses ka na rin na-redtag. 


At siguro, tulad noon, hindi ka pa rin tumitigil. 


Dito kita nakikita, Rizal. Hindi sa Luneta Park. Hindi sa mukha ng piso. Nakikita kita sa bawat kabataang tumitindig. Sa bawat kabataang galit ngunit hindi manhid. Sa bawat kabataang pagod ngunit patuloy pa ring nakikialam.


Kung nabubuhay ka man ngayon, alam mong hindi na lang kabataan ang pag-asa ng bayan—kabataan na ngayon ang bayan.


Pareho lang ang panahon natin, Rizal. Ngunit kung mabubuhay ka sa panahong ito, ikatutuwa mong makitang may nagbago.


Buhay ang bayan dahil gising ang kabataan.


Artikulo: Hazel Anne Openiano 

Dihuho: Kaiser Aaron Caya


Comments


  • White Facebook Icon
  • Twitter
  • Instagram

THE COMMUNICATOR

2/F Lobby, College of Communication Bldg., NDC Compound, Anonas St., Sta. Mesa, Manila, Philippines 

PUP COC The Communicator © 2022

bottom of page