top of page
Writer's pictureThe Communicator

Pieta



“Anak nasaan ka na? Gabi na, umuwi ka na” pag-aalala ni mama, totoo naman dahil pasado alas dose na ng gabi at ito ako sa lansangan palakad-lakad kasama ang mga kaibigan naghahanap ng tindahan dahil gusto ko ng tinapay.


Madilim na rin sa dinaanan naming mga eskinita, may iilang lugar pa ngang maaaring pagdalhan nila sa’kin kaso nakakahiya dahil ang mga damit ko ay gutay-gutay.


Ang daan ay masikip at matirik,

Nakakabingi, ang tahimik.


Burado na ang lahat sa dilim ng talukbong,

kung saan hindi malalaman,

kung nasaan ay hindi nila malalaman. 


Sa talabihan ay puno ng damo at bato,

Nandoon si Dubie at Chongkee sa kanto. 


“Tara na, uuwi na ako!” sigaw ko, sinubukan nang magpaalam dahil kanina pa ako hinahanap nila mama. “Mamaya na, mabilis na lang ‘to,” pagpigil ninyo na parang bata.


Hinila nila ako papunta sa tindahan, may nakapaskil na kulay dilaw na karatula ang sabi “p….line, do not cross”


Ano nga ba ang ibig sabihin ng pagtitiwala?

Kapag ang mundo ay nagulantang na sa kaguluhan 

Kung tayo ay nilamon na ng kadiliman?


“Anak, ano ang nangayari?” nakita ko si mama mabilis ang pagtakbo, makikita mo ang pag-aalala sakaniyang mukha habang papalapit sa’kin.


Hindi lang ako ang sinabitan ng karatula, 

Mga kayumangging may markang pula,

Kami ay mga dukhang pinapatay,

Na ang hiling ay tinapay.

Kapalit ay pag-aakusa,

Nagsama-sama, nagdalamhati't nagdusa

Salo ang mayayaman na tumakas.


Ito ako nakahandusay…nakadapa at wala nang kibo, habang naliligo sa dugo buhat ng aking ina, ang mga mata’y dilat pa, sa buhay na siniil ng berdugong may hawak ng baril.


Ano ang pakikibaka at pananampalataya?

Kung sa bawat hininga, sa bawat pag-asa, sa bawat patak ng dugo'y sumasalamin — pambibintang at pang-aapi.


Subalit sino kami para umapila, 

“Pusher ako, ‘wag tularan!"


Artikulo: Maria Minerva Agus

Dibuho: Kurt Aguilar Mendez

Comments


bottom of page