para sa mga istasyong binabaan ko at hindi ko binabaan
- The Communicator
- 1 hour ago
- 2 min read

kada sumasakay ako ng tren sa lrt 1 at lrt 2, bitbit ko ang lahat ng naging ako at ang lahat ng hindi ko kinaya maging.
sa balintawak kadalasang nabubuo ang unang bersyon ng sarili ko. magaan pa ang aking bag, walang pag-aalinlangan sa pupuntahan, at maayos ang make up, buhok at damit. walang bahid ng takot kahit hindi kumapit sa barandilya. naniniwala akong diretso at smooth ang biyahe, at makakarating ako sa patutunguhan.
habang umaandar ang tren at lumalayo ako sa pinanggalingan, unti-unting bumibigat ang laman ng bag ko. kasabay ng mga bumababa, may bersyon akong iniiwan na kahit kumaway, hindi ko alam kung mababalikan ko pa. kasabay naman ng mga sumasakay ay ang mga emosyon na kadasalang nakikipagsiksikan sa pagitan ng mga tao—malapit sa pinto ng bagon kahit maluwag naman sa gitna.
may mga istasyon namang akala ko dapat babaan pero hindi pa pala. doon nananatili ang mga hindi ko kinaya maging. kasama nito ang mga desisyong hindi ko pinili, salitang hindi nasabi, emosyong hindi pinansin. naiisip kong nakatitig sila sa'kin mula sa labas habang sumasara ang pinto. puwedeng ayaw ko talaga, o natatakot ako, o hindi ko pa kaya, o huli na ang lahat.
habang papalapit sa doroteo jose, ramdam ko na ang sikip. hindi lang sa loob ng tren, pati na rin sa loob ko. dito nagtatagpo ang dalawang linya ng buhay ko, at kailangan kong bumaba kahit hindi ako sigurado kung handa ako.
pagkatapos maglalakad ako sa mahabang connecting bridge papuntang recto, magkakaiba na ng bigat ang bawat hakbang ko dala ng pangamba sa mga istasyong dinaanan lang at hindi sinubukang babaan.
paano kung bumaba ako sa bambang?
paano kung lumagpas ako?
paano kung hindi ako lumipat sa line 2?
na hanggang paano kung lang kasi hindi ko binigyan ng pagkakataon yung sarili ko.
hanggang makarating ako sa pureza kung saan ako mananatili nang matagal para sa mga minamahal ko. na kagaya ko ay may iba't ibang bersyon din dahil ibang sasakyan at kalsada ang pinagdaanan nila. iba pa rito yung mga bersyon ng sarili nating nakalaan lang para sa piling tao—bersyon ng sariling para sa mahal mo, bersyon ng sariling para sa hindi mo mahal.
at sa wakas, uuwi ako sa blumentritt kahit hindi ito yung pinangarap kong hangganan. mabigat ang paa dala ng pagod sa araw ko at sa katotohanang may haharapin pa ako. dito bababa ang bersyon kong malamya ngunit mas totoo. maaaring nabawasan ang laman ng bag dahil maraming naiwan sa daan pero palaging mas mabigat ang laman ng dibdib na napuno ng mga alaala ng naging ako at hindi naging ako.
sa huli, ang mga biyahe ko ay koleksyon ng mga ako na nagawa kong upuan at hindi ko naupuan.
Article: Dulce Amor Rodriguez
Illustrations: Glaciane Kelly Lacerna








Comments