top of page

Para kay Tsikiting

Writer's picture: The CommunicatorThe Communicator

mapagpangarap. maunawain. mapagmahal.



sa mga pagkakataong ninanais kong mabalikan ang mga sitwasyon sa buhay kong punong-puno ng ligaya, naaalala ko ang maligamgam na simoy ng hangin; ang pagdapo ng sinag ng araw sa aking balat; ang halimuyak ng sampaguitang nakita ko sa gilid ng daan; ang paghihikahos ng aking hininga dala ng pakikipaglaro ng habulan. sa mga panahong inaalala ko kung kailan ako pinakamasaya—naaalala kita.


naaalala kita sa tuwing may nakikita akong mga batang naglalaro ng bente uno at piko. mga 'di-matatawarang ngiti na tanging pakikipaglaro lamang ang kayang makapaglabas. sa kabila ng hingal at pagod, ang mahalaga ay natutuwa ka sa pagiging malaya. 


nakikita kita sa bawat aninag ng bintana; sa anino ng mga taong mahalaga; sa nakapupukaw na repleksyon sa mata ng iba—nakikita kita sa paraang ako lamang ang nakakaalam. 


lumalabas ka sa bawat paghigpit ng yakap na iyong ibinibigay sa iba, may dalang init na puno ng aruga’t pag-aalalang may bitbit na kalmang walang kapantay. sa aking bawat hakbang tungo sa aking pabago-bagong patutunguhan, tanging ikaw ang laman. sa bawat lirikong sinasambit ng aking tinig, mga pelikulang aking pinanonood, mga birong aking tinatawanan, hanggang sa pagpatak ng aking luha—muli kang bumabalik, sa paraang kapana-panabik, tila walang oras ang lumipas sa pagitan natin.


at sa kabila ng aking pagtatanto kung sino ka, sa mundong nagbibigay ng sandamakmak na pagpipilian, nahanap ko na rin ang aking pinakamamahal—ikaw, ang inosenteng tsikiting na bumubuo sa akin.


ang aking pagkabatang sumasalamin sa aking kagitingan, ang natatanging dahilan sa aking pagpapakumbaba sa reyalidad ng mundo at paglipad sa mga matayog kong pangarap. dahil sa iyo, nagsimula ang lahat ng inaasahan ko sa mundo. mga bagay na kumumpleto sa aking mga samo’t dalangin, maging ang mga sitwasyong nakapagpadurog ng aking damdamin.


ipinaranas mo sa akin lahat ng kaya kong gawin sa kabila ng pagbabago ng hibla ng iyong buhok, katwiran ng iyong postura, at ang pinakamakinang mong ngiti.


nang dahil sayo, natutuhan kong mahalin ang buong ako. 


ngayon, hindi kita maaaring mahalin nang tahimik sapagkat sa bawat sandali—sa pakikipag-usap, sa pagiging excited, maging sa pakikitungo’t pagtingin ko sa aking buhay—nagpapakita ka, punong-puno ng kulay at saya.


dahil sa kabila ng paghubog sa akin ng panahon, natitira ang aninag ng ngiti ng nag-iisang batang pinakamamahal ko.


mahal kita, sa paraang hindi kailanman maihahalintulad sa salita’t tugma. mahal kita, noon hanggang ngayon, sa puntong aking itinatatak ang pag-aalaga sa iyo—sa atin. hanggang sa makita kong muli ang galak sa iyong mata bilang patunay na natupad ko ang mga minimithi mo, mga kahilingang ipinagpabahala sa “balang araw” na siyang magiging “sa wakas.”


ako ay puno ng pagmamahal dahil nauna kang mahalin ako.


Artikulo: Karol Josef Martinez

Dibuho: Luke Perry Saycon


Comments


  • White Facebook Icon
  • Twitter
  • Instagram

THE COMMUNICATOR

2/F Lobby, College of Communication Bldg., NDC Compound, Anonas St., Sta. Mesa, Manila, Philippines 

PUP COC The Communicator © 2022

bottom of page