top of page

PANITIKAN | Para Sa Iyo

Writer's picture: The CommunicatorThe Communicator

Bumuntong hininga si Juan. Nadama niya sa kaniyang sikmura ang lamig habang mabagal na tinatahak ang daan.



Maliwanag ang mga ilaw. Tila malalaking alitaptap sa gitna ng gabi. Maingay ang mga batang nagsisipag-awit. Mga umaasang mabiyayaan ng katiting na salapi.


"Utang na naman, Juan? Parang awa! Paskong-pasko?"


Hawak ang isang supot, nakahukot na nagpatuloy sa paglalakad si Juan.


"Tatay, gusto ko po ng pansit mamaya!"


Bahagya siyang napangiti sa simpleng hiling ng anak. Ang kaawa-awa niyang anak. Pansit lamang ang ninanais nito. Ni hindi man lang nangahas na magsabing gusto niyang magkaroon ng laruan. Hindi lingid sa kaalaman ng batang hindi iyon maibibigay ng ama.


Ngunit sinong magulang ang makatitiis sa anak? Hindi si Juan. Kaya't nang mapadaan sa isang tindahan ay mabilis siyang tumakbo.


Hingal siyang nakarating sa kanilang kubo. Nakangiti siyang sinalubong ng anak at lalong napuno ito ng galak nang makita ang hawak ng ama.


Isang supot na may lamang pansit at isang laruang sasakyan.


"Para sa iyo, anak."


"Salamat, Tatay!"


Iyon na ang huling beses na nakita ng ama ang ngiti ng kaniyang anak. Para sa kaniya, iyon na ang pinakamagandang nangyari ngayong Pasko.


Panulat ni: Judy Ann Celetaria

Kartun ni: Timothy Andrei Milambiling


Comments


bottom of page