Hawak-kamay kami.
Mga balikat ay ‘di mapaghiwalay—
‘Di matanto kung bakit ang lumanay
Kapag sa bawat paglakad siya’y kasabay.
Si Anna ang aking pahinga
Sa tuwing ang mundo’y mapanira.
Alam ko ang mga paborito niyang kanta,
Aral ko lahat ng nababanggit niyang pelikula.
Gano’n talaga.
Siya’y aking kaibigan… Kasundo’t kasangga.
‘Yun lamang—aking pinagnilayan.
Walang ibig sabihin, walang kalaliman.
Ngunit pinapanalangin ko siya sa aking mga panaginip.
Kahit nakapikit, memoryado na ng aking kamay
Ang bawat linya’t kurba ng kaniyang ngiti.
Iniluha ko’t lahat ang aking iniisip
Dahil alam ko na ang damdamin kong ito
Ay isang istoryang hindi maaari.
Lansangan ay may mga matang mapanusok
Sa pag-ibig na taliwas sa kanilang paniniwala’t uri.
Tinago ko ang sarili ko
Sa likod ng maskarang “katanggap-tanggap.”
Babae siya, babae ako
Kaibigan ko siya, kaibigan niya ako,
At ito ay isang nakalulumbay na sikreto—
Sikretong babaunin, hanggang sa hukay ko.
Nakaukit na sa aking isip at puso
Ang pagkasawi sa ritmo ng pangalan mo.
Sinong niloloko ko? Takot din naman akong mawala ang aming pinagsamahan,
Mithiin ko man siya nang harap-harapan.
Tunay na masaya ako, Anna…
Kahit na ngayon ay nakatunghay ako
Sa gilid ng altar kung saan siya’y kapiling mo.
Siguro sa ibang panahon—
Sa ibang mundo o sa ibang pagkakataon,
Magiging mapalad din ako sa iyong pagtangi.
Kaibigan at ka-ibigan
Hayag, at hangad ng isang mahabaging lipunan.
Sa panulat ni Marian Luisa M. Palo Dibuho ni Jeohan Samuel Aquino
Comments