“Estudyante?”
“Opo.”
Sa tatluhang upuan, bandang bintana, inabot na niya ang bayad sa konduktor at siya naman ay inabutan ng sukli at bilyete. Isinilid sa bulsa ng bag na dala, may nadagdag na naman sa ipon niyang mga bilyete. Sa susunod na siguro siya maglilinis at magtatapon—at ang kanyang rason? Bakasyon naman na.
Tunog na nagmumula sa kwentong drama sa radyo ang maririnig sa loob ng sasakyan, mahinang bulungan ng mga pasahero, at samahan na rin ng ingay mula sa labas. Hinayaan niyang pakinggan ang mga ito dahil tumatakbo sa kanyang isip, hindi muna ang mga kantang 'nai-download' niya na talagang pinili at alam niyang magandang pakinggan sa biyahe ang magsisilbing musika. Sapagkat, ang kaniyang mga naririnig—ang kwento ng drama sa radyo, bulungan ng mga pasahero, at ingay sa labas muna ang musika na pakikinggan niya.
Sa may bandang bintana talaga ang gusto niyang nauupuan tuwing nasa biyahe—tanaw kasi ang labas; ang daan na kanilang tinatahak at mga ilaw na nagpapaliwanag dito. Bukod pa roon, nasisilayan niya ang mga tao. May nakatayo sa gilid ng kalsada, mga tumatawid, at ang mga nakakatititigan niyang pasahero rin.
“Pauwi na kaya sila?” tanong niya lagi sa sarili.
Sa biyahe, hindi kalkulado ang lahat. Minsan punuan, minsan maluwag. May tiyansang makaupo at kung mamalasin, nakatayo sa buong biyahe. Tuloy-tuloy ba na agos o ilang oras na namang mananatili sa kalsada?
Pero kahit hindi niya kalkulado, uuwi pa rin siya—punuan man o hindi; nakaupo man o nakatayo buong biyahe. Hindi alintana kung tuloy tuloy ang agos o pahinto-hinto. Babiyahe pa rin siya para makauwi dahil...
Bakasyon na.
At para matagal ang pananatili niya sa bahay nila, uuwi siya nang maaga.
Huling sakay na para makarating sa kanila.
“Estudyante?”
“Opo.”
Aabutan siya ng sukli at tiket. Sa pagkakataong ito, susuotin na niya ang earphones para makinig sa mga d-in-ownload niyang kanta.
Gusto na talaga niyang umuwi at habang nasa biyahe, may pasulpot-sulpot na isipin at mumunting hiling sa kanyang utak. Naaalala niya ang alagang pusa. Bilugang mukha, malusog na katawan, at ang hindi mawaring ugali—malambing minsan, madalas ay masungit.
“Sana pansinin ako ni Miming.”
Article: Jessica Mae Galicto
Graphics: Anna Mae Gonzales
Comments