Pag-asa. Paghilom. Kaligtasan.
Bilang pagpapahayag ng pananampalataya, milyon-milyong mga deboto ang dumadagsa sa kahabaan ng Quiapo, Maynila tuwing sasapit ang ika-siyam ng Enero upang gunitain ang Pista ng Itim na Nazareno.
Sa paniniwalang nakapagpapagaling ng mga karamdaman ang pagpupunas sa nagdurusang imahe ni Hesus, maraming Pilipino ang tila mas pinipiling magbaka sakali sa isang himala kaysa asahan ang sistemang imbis na pumoprotekta sa kanilang kalusugan ay mas lalo lamang silang binabaon sa hukay.
Ngunit hanggang saan nga ba tayo kayang dalhin ng ating pananampalataya?
Sa Bisig ng Kultura
Taong 1606 nang dalhin ng mga misyonaryong Agustino sa Pilipinas ang rebultong katha ng hindi kilalang Meksikanong iskulptor. Mula noon, ilang mga delubyo na ang napagtagumpayan ng estatwang kilala rin sa bansag na Nuestro Padre Jesus Nazareno: sunog sa barkong may bitbit dito, dalawa pang sunog sa simbahan ng Quiapo, lindol, maging ang pambobomba sa Maynila noong ikalawang digmaang pandaigdig.
Ang kaligtasan ng imahe ni Hesus pasan ang malaking krus sa mga kalamidad na ito ay nagpaigting sa paniniwalang ito raw ay may kapangyarihan at bitbit na milagro.
Mula naman nang ipag-utos ang paglipat ng rebulto sa simbahan ng Quiapo noong ika-18 siglo, nagsimulang lumalim ang pagkakatatak ng pista sa kultura ng mga Katolikong Pilipino.
Pinakatanyag na bahagi ng selebrasyon ang traslacion, o ang ilang oras na prosesyon kasabay ng paglilipat ng rebulto ni Hesus pasan ang malaking krus mula sa St. Nicola da Tolentino patungong simbahan ng Quiapo. Ang pagsubaybay rito ay isa sa maraming paraan ng pagpapahayag nila ng kanilang debosyon, panata, at pasasalamat.
Nitong nagdaang taon nga lang, nagtala ang simbahan ng Quiapo ng mahigit 6 milyong debotong dumalo sa prosesyon, na siyang tumagal naman ng halos 15 oras.
Taun-taon ding idinedeklarang pambansang selebrasyon ang pista; pansamantalang sinasara ang maraming kalsada, mga negosyo, maging mga paaralan, bilang tanda naman ng pakikiisa ng buong bansa.
Ironiko sa orihinal na konteksto ng Pasyon ni Kristo, ang traslacion ay simbolo ng pagsama kay Hesus ng mga minsang nangutya at hindi naniwala sa kanya sa kanyang sakripisyo at paghihirap.
Sa Ngalan ng Pananampalataya
Pagod, puyat, at pagsasaalang-alang ng kaligtasan ang itinataya ng mga deboto para sa kanilang pananampalataya.
Bukod sa ‘di umano'y kakayahan nitong magpagaling ng mga sakit sa pamamagitan ng pagpupunas dito ng puting bimpo, pinaniniwalaan ding ang paglalakad at pagsama sa prosesyon nang nakapaa at pagsampa sa “andas” o sa karwaheng may dala sa imahe ay maglalapit sa kanila sa kanilang mga panalangin.
Punong-puno ang pista ng mga istorya ng pag-asa at paghilom; binabalot ito ng sari-saring kwento ng paggaling sa isang malubhang karamdaman, pagkatupad ng isang malaking kahilingan, at pagkakaroon ng kaginhawaan. Kaya naman, marami ang ‘di alintana ang panganib na bitbit ng hindi mahulugang karayom na dagsa ng mga tao, matinding init o ulan, at ang pagod na dala ng ilang oras na paglalakad at gitgitan—alang-alang lamang sa kanilang pinaniniwalaan.
Ngunit kaya bang mahintay ng naghihingalong buhay ang pagdating ng isang himala?
Habang nagbubuwis ng buhay ang marami sa pagbabaka sakali para sa paghilom, patuloy namang hinuhukay ng kapalpakan at korapsyon ang libingan ng mamamayan.
Sa Gitna ng Pananamantala
Matagal nang suliranin ng mga Pilipino ang bulok at palpak na sistemang pangkalusugan. Mula sa kakulangan ng mga ospital, pasilidad, at mga manggagawang medikal, hanggang sa ginintuang mga bayarin at hindi aksesableng mga benepisyo, tunay na isang pagkakasakit lamang ang layo ng mga ordinaryong Pilipino mula sa matinding kahirapan.
Ayon sa tala ng World Health Organization (WHO), mayroon lamang sampung kama para sa 10,000 pasyente ang mga ospital sa Pilipinas. Samantala, kulang ng 190,000 manggagawang medikal ang bansa, ayon naman sa pahayag ni Dr. Teodoro Herbosa, kalihim Kagawaran ng Kalusugan. Kaugnay pa nito, patuloy rin ang pagbaba ng bilang at produksyon ng mga nars sa bansa dahil sa mababang kompensasyon at pagpapahalaga.
Inaasahan na magpapatuloy pa ang paglala ng sitwasyong ito hangga't hindi natutugunan ang mga panawagan at pangangailangan ng mga manggagawa at mamamayang pinakaapektado nitong kapabayaan.
Bukod pa rito, malaking gastusin din ang pagkahimlay, pagpapalibing, at ang mga prosesong kaakibat nito. Tila wala ngang ibang pagpipilian ang mga Pilipino kundi iligtas ang kanilang mga sarili—dahil walang sistema ang handang sumalo sa kanila, hindi kahit ang sistemang dapat naman talaga ay para sa kanila.
Pagkakasyahin ba ang 1,000 pasyente sa isang kama o papabayaan ang 999 para sa isang swerteng makikinabang? Pababalikin ba ang mga manggagawang medikal na piniling dalhin ang talento nila sa ibang bansa? Pipigilin ba silang mangibang bayan at manatili kung saan hindi sila kinikilala nang tama?
Nitong mga nagdaang linggo lang din, usap-usapan ang 0 subsidiya ng pamahalaan para sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), ang pinakamalaking pampublikong korporasyong nagbibigay tulong pinansyal para sa mga gastusing medikal ng mga ordinaryong mamamayan, dahil may natitira pa itong P600 bilyong pondo na sapat umano upang magpatuloy ang operasyon ng ahensya.
Ito ay taliwas sa Batas Republika Blg. 11223 o ang Universal Health Care Act, na naglalayong sagutin ang medikal na pangangailangan ng mga nasa laylayan ng lipunan.
Bagaman magpapatuloy pa rin ang serbisyo ng PhilHealth, at “libre” naman ang pagpapagamot sa mga pampublikong ospital sa bansa, tila higit pa sa impyerno naman ang kanilang destinasyon kung ang sistemang nag-aabang sa kanila ay kulang-kulang—sa kagamitan, tauhan, at maayos na kalakaran.
Habang patuloy na nag-iinit at nagliliyab ang paniniwala sa himala, patuloy rin ang pagpapabaya at pagsasawalang bahala sa mga pangangailangang pangkalusugan ng mga Pilipino.
Sa Hangganan ng Pag-asa
Hanggang saan nga ba kayang dalhin ng pag-asa at pananampalataya ang lipunang paulit-ulit na biktima ng katiwalian?
Ang pagpapahayag ng paniniwala at pagkakaroon ng akses sa patas at maayos na sistemang pangkalusugan ay parehong pangunahing karapatang pantao. Ngunit hindi maikakaila na tila isa lang sa dalawa ang naitataguyod at nabibigyang pagpapahalaga—at hindi ang pangkalusugan ito.
Walang masama sa pagpapakita at pagsasanay ng mga paniniwala, kagaya ng wala rin namang masama kung hindi ikukulong dito ang paghahangad ng pag-unlad. Dahil hangga't may kinakapitan ang mga naghihikahos, mas lumalalim lamang ang libingang hinuhukay para sa kanila ng sistemang hindi napapanagot.
Sa pananampalataya na nga lang ba maaaring iasa ang serbisyong dapat ay natatamasa ng masa?
Artikulo: Charles Vincent Nagaño
Grapiks: Kent Bicol
Comments