top of page

Salamin Sa Nakaraan, Aral Sa Kasalukuyan: Mga Teleseryeng Tampok Ang Kultura't Kasaysayan

Writer's picture: The CommunicatorThe Communicator

Sa mahabang panahon, mapapansin ang tila pagkakatulad-tulad ng mga palabas sa telebisyon na karaniwang umiikot sa agawan ng asawa o paghihiganti na nagdudulot na ng pagka-umay sa marami. Kaya naman ang pag-usbong ng mga temang pangkultura at pangkasaysayan na ang bagong naghahatid ng panibagong panlasa sa telebisyon.



Tawanan, iyakan, kilig, kasiyahan, at katatakutan. Ilan lamang iyan sa hatid na aliw ng mga drama sa telebisyong kinahuhumalingan ng mga Pilipino—mula sa umaatikabong sagupaan ng mga action star, hanggang sa romantikong tambalan ng mga artista.


Mapa-aksyon, pantasya, romantiko, krimen, digmaan, o mga istoryang tumatalakay sa pamilya, pagkakaibigan, pag-ibig, lipunan, at bansa, hindi nakukumpleto ang araw ng mga Pilipino kapag hindi nasusubaybayan ang mga palabas na nagsisilbing libangan. 


Sa mahabang panahon, mapapansin ang tila pagkakatulad-tulad ng mga palabas sa telebisyon na karaniwang umiikot sa agawan ng asawa o paghihiganti na nagdudulot na ng pagka-umay sa marami. Kaya naman ang pag-usbong ng mga temang pangkultura at pangkasaysayan na ang bagong naghahatid ng panibagong panlasa sa telebisyon. 


Isa na rito ang kasalukuyang teleserye ng GMA Network at Netflix na tumatalakay sa pananakop ng mga Hapon noong ikalawang digmaang pandaigdig—ang Pulang Araw


Ipinapakita rito ang kalupitan ng mga Hapon sa bawat Pilipino, partikular sa mga kababaihang itinuring na “comfort women”—o ang mga biktima ng sekswal na pananamantala, karahasan, at pang-aalipin mula sa hanay ng mga sundalong Hapones. 


Sa mga nakalipas na taon, maraming mga ganitong uri ng teleserye ang tumatak at nagbigay kaalaman sa mga manonood upang magbalik-tanaw at balikan ang nakaraan. 


Amaya: Ang Babaeng Bayani’t Mandirigma 


Ang Amaya ay isang makasaysayang katha na ibinatay sa estado ng Gitnang Visayas noong ika-16 na siglo—bago dumating ang mga Kastilang mananakop sa bansa. Ito ay pangunahing pinagbidahan ni Marian Rivera na siyang gumanap bilang Amaya—isang babaeng mandirigma at binukot o natatagong prinsesa. 


Si Amaya ay anak ni Datu Bugna at Dal’lang na isang uripon o alipin at may kakambal na ahas na pumoprotekta sa kanya. Siya ang sinasabing babae na papatay at tatalo sa marahas na panunungkulan ni Rajah Mangubat ayon sa propesiya ng isang babaylan. 


Ipinag-utos ng Rajah na paslangin ang mga babaeng nagdadalang-tao sa loob ng tribo kaya’t inilayo ni Datu Bugna ang kanyang anak mula sa ina nito upang pangalagaan ang kanilang buhay. Siya ang nagpalaki kay Amaya ngunit pinaslang ng Rajah nang isuplong ng asawang si Lamitan ang plano nitong rebolusyon.


Simula noon, si Amaya ay inalipin sa poder ng Rajah at inalipusta ng inaing si Lamitan ngunit bumangon bilang matapang na mandirigma upang ipaghiganti ang ama at labanan ang marahas na pamumuno. 


Ipinakita ng epiko-serye ang sinaunang kultura ng bansa—mga paniniwala, at sistemang politikal gaya ng pagkakaroon ng Datu o Rajah. Maging ang kabuhayan, wika, kasuotan, pakikidigma, pagpapakasal, at sistema ng pagsulat ay ipinamalas nito. 


Bilang isa sa mga inaabangang serye tuwing gabi, nakakuha ito ng rating na 26.2% sa unang episodyo at mas umangat sa 32.7% sa huling episodyo batay sa tala ng AGB Nielsen Philippines Mega Manila. Tumanggap din ito ng ilang mga parangal tulad ng Outstanding Original Drama Series sa Anak TV Seal Awards, TV Show of the Year sa K-Zone Awards, Best Primetime Teleserye sa NWSSU Annual Awards, Best Drama Series sa PMPC Star Awards for Television at marami pang iba. 


Indio: Ang Laban ni Malaya para sa Kalayaan


Tulad ng Amaya, ang Indio ay umikot din sa panahon bago at nang nagsimulang sakupin ng Espanya ang Pilipinas. Ito ay pangunahing pinagbidahan ng kasalukuyang Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. bilang Malaya, Simeon o binansagang Indio—termino na ginagamit ng mga Kastila noon sa mga katutubong Pilipino na tinitingnang mababa sa lipunan. 


Si Malaya ay anak ng magiting na mandirigmang si Hangaway at diwatang si Ynaguiginid na parehong namatay sa kamay ng mga dayuhan. Siya ay lumaki kapiling ng mga kababayan na pinagmamalupitan ng mga dayuhan; ngunit tumayo mula sa pagkaalipin bilang kalahating diyos at kalahating tao upang makamit ang inaasam na kalayaan. 


Ang 2013 serye ay sumasalamin sa katutubong paniniwala ng mga Pilipino noon sa mga diwata, diyos-diyosan, o bathala. Gayundin ang kalagayan at katayuan ng mga mamamayan sa ilalim ng kapangyarihan ng mga mananakop. 


Ilustrado: Ang Buhay ng Pambansang Bayani


Kakaibang bahagi naman ng kasaysayan ang tampok ng seryeng “Ilustrado.” Sa pangunguna ni Alden Richards bilang Dr. Jose Rizal, isinadula ang buhay ng pambansang bayani. 


Binigyang-tuon ng istorya ang pangingibang-bansa ni Rizal upang ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral kahit kapalit nito ay pangungulila sa pamilya. Gayundin sa kung paano niya ginamit ang pinagyamang kaalaman at kakayahan upang magsulong ng pagbabago para sa mga kababayan sa kanyang pagbabalik-bayan. 


Ang seryeng tinunghayan noong 2014 ay isang pagsariwa sa buhay ng pambansang bayani, sa kaniyang labis na pagpapahalaga sa edukasyon, at pagmamahal sa bayan na patuloy na nagsisilbing inspirasyon sa bawat Pilipino hanggang sa kasalukuyan.


Ang bayani-serye ay nag-uwi ng mga lokal at internasyonal na parangal tulad ng Best Drama Mini Series sa PMPC Star Awards for Television at Catholic Mass Media Awards at Silver Award for Best Program Opening Sequence sa PromaxBDA Asia Awards. 


Sahaya: Ang Babaeng Pinagpala mula sa Tribong Badjao


Saksi ang kasaysayan sa pagbabago at paglago ng ating samot-saring kultura. Sa seryeng “Sahaya,” na pangunahing ginampanan ni Bianca Umali, ipinakilala ang kultura at pang-araw-araw na karanasan ng tribong Badjao, partikular sa Tawi-Tawi. 


Si Sahaya ay namuhay sa piling ng kanyang pamilya at mga ka-tribo na biktima ng kawalang-katarungan tulad ng diskriminasyon sa edukasyon at pananamantala sa kanilang tirahan. Sa pagtahak sa kamaynilaan, ipinagpatuloy niya ang kaniyang pag-aaral tungo sa pagiging nars sa tulong ng pamilya ng kanyang tunay na ama. 


Napalayo man sa magulong isla, naranasan pa rin ni Sahaya sa siyudad ang pambubulas at mababang pagtingin sa kanyang pinagmulan. Ngunit, hindi naging hadlang ang mga hamong ito upang abutin ang kanyang pangarap sa sarili, pamilya, at tribo na pinaniniwalaang patuloy na ginagabayan ng kanilang mga tuhan o Diyos. 


Ang Sahaya na sinubaybayan noong 2019 ay hindi lamang inilarawan ang kultura ng nasabing katutubong grupo kundi repleksyon din ng realidad ng marami pang minoryang pangkat etniko na itinuturing na walang kapangyarihan. 


Ang makabagong epik-serye ay nakapagtamo ng rating na 10.2% at 12.5% sa una at huling episodyo nito. Ginawaran din ito ng Best Drama Series sa Catholic Mass Media Awards at naging nominado sa TV Series of the Year ng VP Choice Awards. 


Maria Clara at Ibarra: Si Klay sa mundo ng Nobela ni Rizal 


Isa sa mga pinaka pinag-usapang teleserye sa bansa na bumuhay muli sa mahalagang kwento ng kasaysayan ay ang “Maria Clara at Ibarra” na hango sa dalawang libro ni Dr. Jose Rizal na Noli Me Tangere at El Filibusterismo. 


Sa seryeng ito, ang estudyanteng si Klay, na ginampanan ni Barbie Forteza, ay dinala ng libro patungo sa mundo ng kwentong nakapaloob dito. Nasaksihan niya ang bawat yugto ng nobela at naging bahagi ng mga suliraning kinakaharap ng mga tauhan. 


Dahil sa kawili-wili at malikhaing atake ng pagkukuwento, umani ang serye ng maraming papuri  noong nakaraang taon. Ipinakita nito ang sakit ng lipunan na bumabalot sa bansa noon at sa mga Pilipinong pinahirapan ng mga Español. 


Ang pantaserye ay nakakuha ng 15.1% sa unang episodyo at 12.2% naman sa huling episodyo mula sa ulat ng Nielsen NUTAM People Survey. Kasabay ng mainit na pagtanggap ng masa sa palabas, nasungkit din nito ang bronze medal sa New York Festival for Entertainment Program: Drama noong 2023. 


Ang Edukasyong Hatid ng Teleserye 


Ang mga teleserye ay sumasalamin sa kultura na umiiral sa ating lipunan at mga totoong karanasan ng karamihan. Ngunit mapapansin na ilan lamang ang sumusugal sa mga istoryang tumatampok sa kasaysayan at kultura na marahil kinakailangan ng malaking badyet, at matinding pananaliksik at preparasyon pagdating sa bawat detalye. 


Ang ganitong uri ng dyanra ay nagbibigay ng kakaiba, nakapupukaw-atensyon, at interesanteng pananaw sa mga Pilipino na madalas tinitingnan ang pag-aaral ng kasaysayan at kultura bilang nakatatamad na gawain. Kaya’t sa pamamagitan ng mga drama, mas napapagaan at nagiging mas malinaw itong naipapahayag tungo sa pagkamulat ng kaisipan. 


Ang temang ito ay hindi lamang isang pagsugal, ngunit isang pamumuhunan na makikita ang pagtubo sa reaksyon ng mga manonood na maaaring nakapagtanim ng realisasyon sa kahalagahan ng pag-alam at pag-aaral sa kasaysayan at iba’t-ibang kultura sa bansa. 


Ang Telebisyon bilang Pagbabago


Tulad ng teknolohiya, hindi natatapos ang pag-unlad ng mga serye sa telebisyon. Kung noon ay kulay itim at puti pa ang mga palabas, ngayon ay mayroon na itong malinaw at iba-ibang kulay. 


Subalit, kasabay ng paglago sa telebisyon, dapat din maiangat ang edukasyon sa pamamagitan ng mga palabas tulad ng mga teleseryeng makabuluhan at humuhubog sa kaalaman ng mga manonood. Anuman ang dyanra, ang malawak na sakop nito ay dapat gamiting daan upang makapag-iwan ng aral at hindi lamang libangan. 


Ito man ay kathang isip o batay sa realidad, hindi dapat maging piksyon ang mensahe at moral ng kwento lalo na’t ang kasaysayan ay may matibay na tuntungan.


Artikulo: Brian Rubenecia

Grapiks: Aldreich Pascual

Comments


bottom of page