top of page
Writer's pictureThe Communicator

Art Not Just for Art's Sake: Sining sa Pang-araw-araw na Danas

Ang sining ay hindi lamang nabibigyang-buhay dahil sa pag-arok sa angking kagandahan nito o sa kakayahan nitong aliwin ang ating mga kagustuhan. Nabibigyang-pagkilala ang mga obra ng sining dahil sinasalamin nito ang iba’t ibang mukha ng lipunan—binibigyang-diin ang relasyon at pakikibaka ng mamamayan. 

Marami nang pagkakataon sa kasaysayan na nagbigay-boses sa mga naghihikahos na tinig ng mga Pilipino at naging kontra-agos laban sa prinsipyo at kaugaliang tumatapak sa ating mga karapatan at kalayaan ang sining. Mula sa mga nobela at akda ni Gat Jose Rizal, mga dulaan at pagtatanghal noong Martial Law na nagpapakita ng mga paniniil at karahasang nararanasan ng mga Pilipino, hanggang sa pag-usbong ng moderno at digital art, tumutulay ang sining sa mga naratibo ng lipunang Pilipino. 


Ate, Ate, Plakado ang Kolorete


Sa nakasanayan, kababaihan ang karaniwang gumagamit ng kolorete. Para sa kanila, ang pagsusuot nito ay hindi lamang para sa pagpapaganda at pag-aayos ng kanilang mga sarili. Hindi lamang ito disenyo at palamuti sa kanilang mga mukha o imbitasyon para baliwalain ang kanilang pribadong espasyo. Ito rin ay simbolo ng protesta at pakikipagsapalaran sa katayuan nila sa lipunan. 


Kasabay ng bawat koloreteng inilalagay nila sa kanilang mga mukha ay ang pag-angkin din nila sa kumpiyansa at kapangyarihan na makamtan ang nararapat na espasyo at kalayaan na ipinagkakait sa kanila. 


Sa pamamagitan ng mga kolorete, kahit sa loob ng isang buong araw, pinapaalab nito ang kanilang mas malaking hangarin na ipahayag sa mundo na sila ay hindi babae lang—babae sila. Babae na may sari-sariling angking korona na hindi nasusukat at naka-depende sa pagsang-ayon ng iba—maging sa mga hari ng lipunang ginagalawan nila.


Flip your hair until they care


Buhok ang isa sa mga unang nabibigyang-pansin sa kabuuang itsura ng isang indibidwal. Kaya naman, kaakibat nito ang pagdidisenyo ng iba't ibang kulay, haba, at estilo nito. Ngunit hindi tulad ng natural na buhok, ang pagsusuot ng wig para sa ilang indibidwal ay isang porma ng pakikibaka. 


Para sa mga kasapi ng LGBTQIA+ community, drag queens, gayundin ng mga indibidwal na may pisikal na karamdaman, ang wig ay nagsisilbing sandata laban sa diskriminasyon at mababang pagtingin sa kanilang sarili. 


May pagkakataon na sa pagsusuot lamang ng wig nila nahahanap ang kintab ng kanilang halaga bilang tao. Sa pamamagitan nito, nakakamit nila ang lakas para maitawid ang araw-araw na hamon ng mapanghusgang mundo. Dito nila pinaparating ang kanilang tinig tungo sa inaasam na tunay na pagtanggap at inklusibong pagtanaw. 


“Makibeki, ‘wag mashokot!”


Ang wika marahil ang makapangyarihang uri ng sining. Ang bawat tunog, balangkas, at paggamit nito ay kumakatawan sa kultura ng isang bansa o komunidad. Ang malikhaing paggamit ng gay lingo ay patunay na ang wika ay hindi lamang dinamiko, arbitraryo, at natatangi, kundi ay isang behikulo ng pakikibaka. 


Ito ay isang porma ng sining na nagsisilbing panangga ng mga kasapi ng LGBTQIA+ sa diskriminasyon. Ito ay tumutulay sa bawat kasapi ng komunidad upang malaya nilang mapag-usapan at maibahagi ang kanilang mga saloobin na hindi pa bukas na kinikilala ng konserbatibong lipunan. 


Kasabay nito ay ang hangarin na maging tunay na bahagi ng araw-araw na pagtanggap ng mga Pilipino—hindi lang sa salita kundi pati na rin sa gawa. 


Meme works reflects the regime work


Ang una nating naiisip kapag sinabing memes ay katatawanan. Ngunit sa likod ng mga nakakatawang karaniwang paksa nito, sa anyo man ng litrato o bidyo, ay ang malikhaing pagtalakay nito sa mga isyung panlipunan. 


Ang masining na paghahabi ng memes ang nagsisilbing plataporma ng maraming Pilipino, anuman ang estado sa buhay, upang ipahayag ang kanilang mga opinyon sa lipunan. 


Maging ang mga skits na nililikha ng mga sikat na influencer sa bansa tulad nina Esnyr, Sassa Gurl, at Charuth, bagaman nakapokus sa katatawanan, ay nagiging tulay para pag-usapan ang mga pinaglalaban ng mga estudyante, kababaihan, komunidad ng LGBTQIA+, at iba pang mga sektor ng bansa na hindi nabibigyan ng sapat na pagtuon ng mainstream media. 


Sa pamamagitan din ng memes, napapalalim ang diskusyon sa mga isyu ng lipunan na makatutulong upang mas ipaabot sa mga opisyal ang mga karanasan at kalagayan ng mga Pilipino. 


Ang Himig ng Lipunan


Ang mga awitin ang pinakalaganap na uri ng sining na yumayakap sa atin araw-araw. Kung susuriin, hindi lamang naka-angkla ang mga awitin sa nais nitong iparating na emosyon—tulad ng paniniwalang mahirap umano magpangalan ng Original Pilipino Music o OPM na hindi tungkol sa pag-ibig o romansa. 


Ngunit ang mga awitin ay naghahayag din ng mga prinsipyo at kaisipan na humahamon sa mga nakasanayang pagtingin sa mundo o nakagawiang pamantayan sa lipunan. 


Hindi na maipagkakaila sa mahabang listahan na ito ang mga rap song ni Gloc-9 na tumatalakay sa iba't ibang isyung sosyo-politikal ng bansa. Maging ang mga awitin ng mga tanyag na PPOP group tulad ng BINI, SB19, at Alamat na nagpapaabot ng mga aral, pagkamulat, at reyalisasyon higit na sa mga kabataan tungkol sa pangarap, pamilya, pag-asa, at mga isyung panlipunan.


Samakatuwid, ang mga awitin ay nagiging tulay rin upang pagbuklurin ang mga tinig ng mga ordinaryong Pilipino at mabigyan ng karampatang tono sa lipunang mas marami pa ang nakaririnig kumpara sa nakikinig. 


Palabas para Makalabas


Sinasalamin ng midya ang kasalukuyang estado ng lipunan—sa literal o malikhain mang paraan. 


Maraming pagkakataon na sa kasaysayan na ginamit ang mga pelikula at teleserye upang ipamulat sa mga tao ang labis na hindi pagkakapantay-pantay at pagpatay sa mga karapatan ng mga nasa mababang antas sa lipunan. 


Noong 2010s, patok na patok at sunod-sunod ang pagpapalabas ng dystopian films o mga pelikulang naglalarawan sa lipunang puno ng kahirapan, tunggalian sa estado, baluktot na pamumuno, at labis na paniniil tulad ng mga pelikulang Hunger Games (2012), Divergent (2014), at The Maze Runner (2014). 


Noong kasagsagan din ng pandemya, sunod-sunod ang paglabas ng mga Boys' Love (BL) series at iba pang mga serye na tampok ang romantikong relasyon ng mga kasapi ng LGBTQIA+ tulad ng Gameboys (2020), Hello Stranger (2020), at Gaya sa Pelikula (2020). 


Patunay ang mga ito na ang paghahabi ng mga elemento ng pelikula o teleserye—mula sa script, anggulo ng kamera, hanggang sa pag-edit—ay isa ring porma ng pakikibaka sa paraan ng pagbibigay ng alternatibong anggulo upang mapalaya ang nakukulong at kinukulong na mga salaysay at kwento.


Bagaman bahagi na ng araw-araw natin ang mga nabanggit na uri ng sining, hindi ito dahilan para hindi na bigyang-tuon ang mga ipinaglalaban nilang adbokasiya. Bagaman ang ilan dito ay likas na kathang-isip, hindi ito tanda upang itanggi ang halaga nito kapag ang mga aral, inhustiya, at hindi pagkakapantay-pantay na ipinapahayag nito ay nasa ating harapan na. 


Bagaman ang ilan dito ay instrumento ng libangan, hindi ito direktang indikasyon na ating romantisahin ang pakikipagsapalaran ng iba. 


Kaya sa susunod na masilayan natin ang mga likhang sining na ito, nawa ay magbigay tayo ng suporta at pagpapahalaga dahil maniwala ka man o sa hindi, isa ka sa mga ipinaglalaban nila.



Artikulo: Noreil Jay Serrano

Grapiks: Aldreich Pascual


Comentarios


bottom of page