top of page

Pag-asa ang Binabagtas sa Bisperas

Writer's picture: The CommunicatorThe Communicator
Illustration by Sharen Angelique Gomez

Ang bayan ay nababalot ng liwanag

Sa tahanan

Sa simbahan

Sa lansangang kaliwa’t-kanan ang parol.


Sumasabay din sa indayog 

Ng awitin, tawanan

At mga boses na pumupuno 

Sa espasyong nagpawaglit sa lumbay.

 

Ngunit ito rin ang panahon ng panunuluyan.

Ang pakikipagsapalaran sa malamig na gabi.

Binibigyang tanda ang kapayakan ng sabsaban. 

At ang mariing pagtatanggi.


Sapagkat bago makita ang tanglaw,

Nabalot ng dilim ang bayan

Ang tahanan 

Ang hungkag na palasyo

Ang lansangan 


Sumabay din sa indayog

Ng hinaing ng sakim na Herodes 

Upang palabuin ang liwanag;

Tuldukan ang pagsilang ng umaga.


Ilang Maria at Jose ang walang matuluyan sa lamig ng gabi?

Ilang Mago ang napilitang maglihim sa sakim na Herodes?

Kaninong lupa ang hindi matayuan ng tahanan?

At anong bayan ang sinadlak, binusabos; 

Tinanggalan ng umaga at manunubos?


Marami pang hiling at daing na nais sagutin

Ngunit mahaba pa ang gabi.

Pinapanday pa ang pagkamit sa umaga;

Binabalutan pa ng tela ang musmos

May panahon pa upang hindi malumbay sa sabsaban.


At upang tuluyang balutin ng liwanag ang Bayan,

Kailangang labanan ang kasakiman ng mga Herodes;

Punuin ang espasyo ng krusada. 

Maging tanglaw sa tahanan o kalsada.


Ngayong bisperas man o sa darating na umaga,

bagtasin ang ipinagkaloob na pag-asa.


Artikulo: Jazmin Permejo

Comments


bottom of page