Paano Liligaya sa Bulok na Sistema?
Sabi nila, hindi naman daw nabibili ng pera ang kaligayahan. May kulang pa rin na gusto nilang mapunan sa kanilang buhay.

Kung ganon, pwes, akin na lang ang pera nila kung hindi naman nila ito kailangan.
Bawat desisyon na kailangang gawin ay may kaakibat na resulta—maganda man ito o hindi. Ganun din ang kalungkutan na aking nararamdaman.
May mga desisyon na hindi ko naman nais gawin ngunit patuloy akong sinusubok ng tadhana—para maipanganak sa bansang wala namang interes para bigyan ako ng magandang buhay.
May mga pangarap na patuloy akong minumulto dahil binaon ko na ito sa limot kasabay ng unti-unti kong pagbaon sa utang.
May presyo ang kasiyahan para sa mga taong patuloy na binabaon ng kalungkutan.
Mga kamay na laging nagbibilang ng barya, iniisip kung kakasya pa ba ang pera bago magkinsenas. Mga byaheng walang katapusan ang pila para lang makarating sa paroroonan—habang patuloy na sinisiksik ng mga katawan ng mga taong puyat at pagod na bago pa magsimula ang araw.
Paano sasaya sa hindi nakabubuhay na sahod?
Sa bawat pagtaas ng bilihin ay siyang pagkalam ng sikmurang pilit na tinitiis para lang may maihain sa hapag kinabukasan.
Ang daling sabihin ng mga katagang ‘sana hindi mo kalimutang mabuhay at tingnan ang mga magagandang bagay sa paligid mo.’ Ngunit, nakakalimutan na ang sistema mismo ang dahilan kung bakit patuloy akong pinapatay sa pagod at sa galit sa sitwasyon na mayroon ako.
Sa bawat trapik na kailangan kong tiisin. Sa bawat pangarap na kailangan kong baliwalain. Sa bawat pagpanaw ng mga mahal ko sa buhay sa pampublikong ospital dahil hindi sila napagtutuunan ng pansin. Sa bawat pangangailangan at kagustuhan na hindi ko kayang bilhin.
Ang kasiyahan ay suntok sa buwan, na napakalayo para aking makamtan. Dahil ang mundo ko ay umiikot sa patuloy na pagkayod at pagtitiis ngunit wala namang nararating dahil sa sistemang wala namang pakialam sa akin.
Hindi tayo parehas ng bente kwatro oras. Para sa'yo, na may pagkakataon para mangarap nang walang pag-aalala kung saan kukuha ng pera, ang pagliwaliw habang naiipit sa trapik, habang ako'y halos hindi na makahinga sa sobrang sikip ng bus o jeep na aking sinasakyan araw-araw. Pamumuhay na hindi ko kayang makamtan dahil salat ako sa buhay, at dahil hindi ako binigyan ng pagkakataon para damahin ang saya na dulot nito.
Ngayon, sabihin mo sa akin, paano ako liligaya sa sistemang bulok na patuloy akong binibigo?
Artikulo: Jazley Joy Galapate
Dibuho: Leann Grace Tamares




Comments