Nagmamahal,
- The Communicator
- Aug 25
- 2 min read
Agosto 24, 2025
Mahal kong Ina,
Bago ka pa man mapangalanan, isinilang mo na ang wika ng iyong mga anak. Sa pagitan ng iyong paghinga at pag-ibig, dumaloy ang tuwa sa dila ng halakhak, hinagpis sa bibig ng mga hikbi at pangungulila sa wika ng pagsuyo. Lenggwahe ang humele sa gabi ng iyong bayan at lenggwahe ang gumising sa diwa nito.

Sinalin mo ang pag-ibig sa iba't ibang landas ng iyong sarili: mahal kita, palangga ta ikaw, ay-ayaten ka, padaba taka, nahigugma ko ikaw, pekababaya-an ko seka, kaluguran daka, at sa iba pang wika ng dugo na maririnig sa dila ng iyong mga pulo.
Ang samu't saring anyo ng iyong salita ay hindi naging hadlang upang bumuo ng alaala. Bagkus, ang pagkakaiba ang naging banyuhay ng iyong mga anak. Sa mga sandaling hindi magkatagpo ang mga gunita, tumatawid ang pagkakataon upang kumilala at magpakilala.
Ngunit ang pag-ibig ay tumatangan din ng kasawian. Kaya kumusta? Balita ko ay may parte sa iyo na unti-unti nang nawawala. Mga parteng naging simbolo ng iyong pagkakakilanlan na ngayo’y kumukupas na. Ano nga ba ang epekto nito, gayong ang bawat wika ay nagbibigay ng identidad o representasyon sa kultura, pagkakakilanlan, at kasaysayan ng iyong mga anak?
Ina, ilang beses ka nang nasakop ng iba’t-ibang bansa noon. Nailimbag ng dayuhan ang mga wikang nag-utas ng pagpaslang at pagsilang. Sa pagitan ng mga ito umusbong ang bagong kasinuhan at kasaysayan. Subalit, bakit sa iyong paglaya ay siya ring paglaho ng mga lenggwaheng matagal mong prinotektahan at ipinaglaban? Bakit ngayong malaya ka na, mas nananaig ang salitang banyaga sa bawat kataga? Malaya ka ba talaga?
Dahil mas mahigpit ang gapos ng sugat sa bayang nakaukit ang wika sa balat.
Sa paanong paraan pa ba maaalala ang wika ng iyong pag-ibig, kundi sa parehong kariktan at kabalintunaan ng bayang nagsasalin nito? Kanino pa ba dadaloy ang diwa ng iyong pagsilang? Kundi sa silangan na sumilong sa iyong pagsibol?
Kung iyong mamarapatin, isasabuhay ko ang sagot...
Mula sa’yo,
Para sa akin
At sa ating wikain
Nagmamahal,
Iyong anak
Artikulo: Jazmin Permejo at Mclene Demeterio
Dibuho: Bianca Diane Beltran
Comments