Mula Rito Hanggang sa Dulo ng Walang Hanggan
- The Communicator
- 55 minutes ago
- 2 min read

Pa, kumusta ka na kaya?
Huling usap natin, pasko pa’t nag-iisa ka.
Sana’y kumakain ka nang tama,
At hindi lang nakatitig sa bakanteng upuan sa kabila.
Iniisip ko kung sumasagi rin ba sa isip mo
Ang mga Paskong magkakasama pa tayo sa iisang bubong at buo.
Hindi ako galit sa’yo, Papa.
Mahal kita, sa kabila ng mga pagkukulang mo sa pamilya.
Madalas man kitang makasagutan noon,
Dala lang siguro ng bigat at ng mga hindi maunawaang pagkakataon.
Pero gusto kong malaman mo, sa bawat hakbang ko’t pagsulong,
Kasama ka pa rin sa mga dasal kong inaasam at ibinubulong.
Ngunit hindi maikakailang nagtatampo ako, Pa.
Nawala ka noong pinakakailangan kita.
Sa mga gabi na ang unan ko’y basa ng luha,
Na ang mundo ko’y tila gumuho at nawalan ng kusa,
Ikaw sana ang sandalan, ang matatag na pader sa aking tabi,
Ngunit nasa'n ka noong nilalamon ako ng dilim ng gabi?
Namimiss ko na nga 'yung mga simpleng araw nating dalawa—
Kapag tinuturuan mo akong mag-bike sa kalsada.
Kahit gasgas ang tuhod, alam kong may sasalo kapag natumba.
Habang nagkukumpuni ka ng sirang bentilador sa tabi,
Pinapanood ang bawat galaw ng iyong mga kamay na may kasanayan at silbi.
O tuwing binibilhan mo ako ng libro, lihim kang nakangiti,
Isang suhol na may kasamang lambing,
Para kampihan kita tuwing may tampuhan kayo ni Mama.
Sana pala’y nagpabili pa ako ng mas maraming pahina,
Para humaba pa ang oras na tayo’y magkasama.
Sabi nila, galit daw ako sa iyo.
Siguro nga ay totoo, may sugat sa puso ko.
May mga tanong na naiwang walang sagot.
May mga sugat na hanggang ngayon ay may kirot.
Ngunit kailanman, hindi nabawasan ang pagmamahal ko—
Natuto lang itong magtiis sa gitna ng katahimikan mo.
Pero, Pa, sapat na ang lahat ng iyong pagkukulang
Para mapatunayan kong ang pag-ibig ko’y walang katapusan.
Hindi kailangang maging perpekto ng isang ama,
Para manatili siyang mahalaga.
Mula rito sa kinaroroonan ko, sa gitna ng aking pagsisikap hanggang sa dulo ng walang hanggan, Ikaw ay patuloy na lilingunin at yayakapin sa bawat pangarap.
Article: Helaena Isabella
Illustration: Kaiser Aaron Caya





Comments