“Ang pagmamahal ay nasa bawat dako, makikita mong suot ang iba’t ibang mukha,” ani Lola Maria sa akin isang hapon habang kami’y nagme-meryenda. Bata pa ako nito, sa probinsya kami nagbakasyon. Hindi ko pa ito maintindihan dahil paanong iba’t ibang mukha?

Ngunit ngayong tumatanda ako, naintindihan ko rin kung ano ba ang nais iparating ni Lola. Sa dami ko nang tao na nakilala at nakasama, napagtanto kong nakita ko ang iba’t ibang mukha ng pagmamahal na suot ng nagmamahal.
Nakangiti’t masaya—ang pagmamahal na magaang makita sa mukha ng nagmamahal. Dito’y kahit sa simpleng bagay, ang ukit ng ngiti sa labi ay hindi na masukat. Paglalakad sa pamilyar na kalsada habang magkahawak at kamay. Pagkain ng paboritong tinapay. Simpleng pagprotekta at pag-aalaga na hindi na dapat sabihin pa. Pagku-kwentuhan, malalim o mababaw man ang usapan.
Ang pagmamahal ay may mukhang nakangiti at masaya. Ang mga mata’t nagniningning sa tuwa, ang mga labi’y tila inukit dahil sa perpekto nitong ngiti.
Malungkot at masakit. Ang nagmamahal ay may mukha ng pagmamahal na malungkot. Sa hindi pagtupad sa mga pangako—simple man ito tulad pagsama sa kung saang lakad o malalim tulad ng pangakong pagsama sa takbo ng buhay kahit na gaano man ito ka-walang kasiguraduhan. Dismayado dahil hindi nakuha ang nais na reaksyon mula sa minamahal. Lumbay dahil nawala ang dapat na kasama.
Ang pagmamahal na malungkot ay mabigat. Masakit sa damdamin, tila ang puso ay kinukuha mula sa dibdib. Nagmamahal ang isang tao nang malungkot dahil maaaring kahit na masakit, may pagmamahal pa rin naman, ‘di ba? Kahit katiting at may kapalit, ang pagmamahal ay pagmamahal pa rin.
Unawa. Ang nagmamahal ay umiintindi. May mga pagkakataon kung saan magulo ang lahat—ang sitwasyon hanggang sa usapan—kaya’t pag-unawa na lamang ang kayang ibigay ng nagmamahal. Sa tahimik na presensya, ang pag-waring pagod ka lamang ngunit maayos talaga ang lagay ay isang patunay na ang nagmamahal ay kumikilala’t umuunawa. Sa pagtantong kailangan ng atensyon at oras ay isang pruweba na minsan, may mga bagay na hindi na kailangang sabihin pa dahil ito’ naiintindihan na.
Dito, laging napapasok ang ideya na hindi sa lahat ng pagkakataon ay nagmamahal ang isang tao dahil minsan, sapat na ang pag-intindi at pagpili sa minamahal bilang siya araw-araw hanggang sa kaya na ulit pagmahal. Ngunit ano na lamang ba ang pag-intindi kung wala namang pagmamahal, kaya tunay na nakakalito ngunit isa lang ang kaya kong patunayan, ang pag-intindi ay pagmamahal.
Galit. Ang pagmamahal ay tunay na masarap sa pakiramdam ngunit may mukha rin itong madilim tingnan. Pagkamuhi sa isang tao na minahal mo nang lubos ngunit ang sukli ay saksak na deretso sa puso. Poot na naipon sa bawat pangakong hindi natupad. Galit sa isang lugar, bagay, o kahit sa amoy na nagpapaala sa dating matamis na pagsasama.
Ang hirap magmahal nang galit. Ito ang mukha ng pagmamahal na mahirap suotin dahil bakit ka nagmamahal kung may galit naman pala itong kasama? Ngunit may tao at sitwasyon pala talagang magpaparamdam sayo nito. Kahit wala na, nananatili ang pagmamahal ngunit minsan, may bahid ito ng galit.
Lumalaban. Ang pagmamahal ay kalakip ng paglaban. Kahit anong pagsubok man ang dapat na harapin, lumalaban ang nagmamahal. Na kahit sino man ang dapat na harapin, pinapatunayan nitong karapat-dapat siya sa pagmamahal. Kahit saan mang kalsada, ang mukha ng pagmamahal na lumalaban ay makikita. Kahit gaano man katalim o kaganda ang sandatang dala, hindi pa rin ito sapat kung walang pagmamahal na kasama sa paglaban.
Hindi madaling lumaban dahil ang daming dapat ipunin, gawin, at isipin. Kung ang pagmamahal ay nagdesisyon na lumaban, marapat lamang na alam na rin ang patutunguhan kung mananalo o matatalo. Siguradong may sugat na maiipon, dugong dadanak, at sakit na mararamdaman. Kaya’t ang mukhang ito ay mahirap man suotin, masaya namang ipagmalaki.
Sumusuko. Ang pagmamahal ay may mukha ng pagsuko at pagpapalaya. Hindi lahat ng sumusuko ay duwag dahil minsan, ibang kahulugan ng katapangan ang pagsuko. Hindi masukat na timbang ng pagmamahal ang mayroon sa isang nagmamahal para ito’y sumuko. Bumibitaw sa pangako, sa alaala, at sa pagmamahalang sana’y nakakapit pa. Nagpapalaya dahil ito lamang ang dapat na gawin upang mas umusbong at magtagumpay ang minamahal.
Mabigat magmahal, masakit sumuko’t bumitaw ngunit lumilipas ang panahon kaya naman darating din ang oras na ito’y gagaan.
Payapa. Ang pagmamahal na gusto ko laging makita. Ito ay tila isang magaan na hampas ng alon, banayad na haplos ng hangin, at magaang halik ng sinag ng araw. Ito ang mukha ng pagmamahal na sigurado.
Nasuot ko na rin ang mga mukhang iyan. Nakangiti’t masaya ako tuwing kasama ko ang aking mga kaibigan, malungkot naman tuwing may hindi napagkakasunduan at tampuhan. Inuunawa ko ang kanilang mga salita at aksyon, laging nasa panig nila bilang kakampi. May mukha rin ako ng galit na pagmamahal—hindi ko man ito laging suot ngunit nakatabi pa rin ito sa kailaliman ng puso ko (dahil na rin siguro ito sa hirap kong magpatawad). Lumalaban ako, minsa’y sa ibang tao ngunit madalas sa sarili ko. Naisuot ko na ang mukha ng pagmamahal na sumusuko—nawala man sila sa aking kapit ngunit alam ko rin namang wala akong kayang gawin. At higit sa lahat, suot ko ang mukha ng pagmamahal na payapa, sigurado ako sa aking sarili at sa kakayahang magmahal.
Maraming mukha nang pagmamahal akong nakita. Hindi ko man sila dito nailagay pero lagi ko silang tanda—lagi ko silang nakikita sa mga taong akin ding minamahal.
May pagkakataon man kung saan mahirap makita ang pagmamahal dahil maaaring hindi ito ang pagmamahal na alam natin o ito’y hindi natin gusto ngunit sana’y maitanim natin sa ating isipan na ang pagmamahal ay may iba’t ibang mukha kaya naman bigyan natin ito ng pagkakataon upang kilalanin.
Mahirap man intindihin ang pagmamahal dahil marami itong mukha, isa pa rin itong pakiramdam na sobrang gandang matanggap, ibigay, at ipadama. Hindi lang lagi sa tao ang pagmamahal dahil ito rin ay para sa mga hayop, bagay, pagkain, lugar, at sa bawat nakikita ng ating mga mata.
Basta’t laging tandaan na ang pagmamahal ay nasa sa ‘yo at sa bawat dako.
Artikulo: Jessica Mae Galicto
Dibuho: Alyzza Marie Sales
Comments