ML54: Si “Maganda” na Kasangga sa Diktadurya ni “Malakas”
Sa tabi ng isang diktador na nakabarong, isang unang ginang na naka-terno at may libu-libong sapatos ang kasangga nito sa katiwalian, paglabag sa karapatang pantao, at pagkontrol sa buong bansa. Habang nasa ilalim ng kamay na bakal ni Ferdinand Marcos Sr. ang Pilipinas, hawak naman ni Imelda Marcos ang noo’y Metropolitan Manila—ngayon ay National Capital Region—sa bisa ng Presidential Decree No. 824 na siyang nagtalaga sa kaniya bilang Gobernadora nito.

Layunin nitong bumuo ng mamamahala sa pagkontrol ng pag-unlad at pagpapaganda ng buhay at mga lugar sa buong Metro Manila. Si Imelda Marcos, ang dating unang ginang, ang inatasan ni noo’y pangulong Marcos Sr. upang pangunahan ang pagsasaayos ng lungsod. Ngunit sa ilalim ng kaniyang pamumuno, kahirapan, kagutuman, at paglabag sa karapatang pantao lamang ang namutawi—hindi niya napaganda ang Metro Manila.
Kaliwa’t kanang banta ng demolisyon, pagpapalayas sa mga tirahan, paglipat sa kanila sa lugar na hirap makakuha ng tubig, pagkain, at oportunidad, at pasismo ang hinarap ng mga maralita sa Kamaynilaan.
Bago ang araw ng komemorasyon sa deklarasyon ng batas militar, mahalagang alalahanin ang mga bunga ng pananatili ng dating unang ginang sa kapangyarihan. Kasangga siya ng kaniyang diktador na asawa sa pagpapatupad ng mga proyektong hindi makatao at mas naglugmok pa sa mga Pilipino sa kahirapan.
𝗠𝗮𝗸𝗮𝗯𝗮𝗴𝗼𝗻𝗴 𝗠𝗮𝘆𝗻𝗶𝗹𝗮: 𝗚𝘂𝘁𝗼𝗺 𝗮𝘁 Nagdurugo
Ayon sa artikulo ni Richard Kagan na Marcos Declares Martial Law in the Philippines, dalawang libong maralita ang inaresto noong 1976, kasagsagan ito ng mga kilos protesta laban sa mga proyekto ni Imelda bilang bagong Gobernador ng Maynila. Ginamit umano niya ang mga pulis at militar upang ipadala ang mga pamilya na apektado ng demolisyon at relokasyon sa ibang lugar kung saan mahirap ang buhay at malayo sa kanilang trabaho sa Maynila.
Militante namang hinarap ng mga komunidad ng maralitang lungsod ang banta sa demolisyon at pagpapalayas sa kanilang lugar. Pinangunahan ni Trinidad “Ka Trining” Herrera-Repuno ang pag-oorganisa at pag momobilisa sa ilalim ng Zone One Tondo Organization (ZOTO). Noong Nobyembre 17, 1972, tinatayang aabot sa 5,000 na maralita ang nagmartsa sa lansangan ng Maynila sa kabila ng mahigpit na pagbabawal sa pagsasagawa ng kilos protesta.
Tinutulan din nila ang pagpapatupad ng Beautification Project ni Imelda na siyang makakaapekto sa libu-libong pamilya sa Maynila. Ayon sa Karapatan, ilang beses ng nahuli si Ka Trining noong kasagsagan ng batas militar at nakaranas ng matinding torture noong 1977. Sa kabila nito, matapos siyang makalaya, tuloy-tuloy pa rin ang kaniyang pag-oorganisa at pagmomobilisa.
Sa ilalim ng pamumuno ni Imelda sa Kamaynilaan, dumanak ang dugo sa lansangan ng Welcome Rotonda, Quezon City noong 1984, matapos marahas na buwagin ng mga kapulisan ang protesta mula sa iba’t ibang unibersidad at sektor para patuloy na tutulan ang pananatili ng diktador na si Marcos Sr. sa kapangyarihan.
Tinamaan naman sa kidney ang noo’y lider-estudyante at dating chancellor ng UP-Diliman na si Fidel Nemenzo matapos magpaputok ng baril ang mga awtoridad sa kilos-protesta sa Mendiola.
Sa Taft, Maynila naman, noong kasagsagan ng malaking pagtitipon, kaisa sa Lakbayan 1985 si Emmanuel “Manny” Lumapit Lazo na mula sa hanay ng mga magsasaka ng Gitnang Luzon. Hindi umabot sa Liwasang Bonifacio ang kanilang hanay dahil nang magmartsa sila sa kahabaan ng Taft ay agad silang hinarang at binuwag ng pwersa ng estado.
Tama sa ulo ang ikinasawi ni Manny matapos paputukan ng baril ng mga awtoridad ang hanay ng mga nagmamartsa.
Binitbit ng kanilang hanay ang mga panawagan para sa pang-agraryong pagbabago tulad ng tunay na reporma sa lupa, dagdag na sahod, at pagpapatigil ng lumalalang militarisasyon sa kanayunan.
Ang lahat ng ito ay nangyari sa kagustuhang takpan ni Imelda ang lumalalang krisis sa ilalim ng diktadurya. Inabuso ang mga lumalaban, pinalayas ang mga mahihirap, at inagawan ng kinabukasan ang sambayanan.
Imelda: 𝗢𝗚 𝗥𝗲𝘆𝗻𝗮 𝗻𝗴 𝗞𝗼𝗿𝗮𝗽𝘀𝘆𝗼𝗻
Bagama’t binaligtad ng Korte Suprema noong Setyembre 2026 ang 2018 na hatol ng Sandiganbayan na nagkasala si Imelda sa pitong bilang ng kasong graft, hindi pa rin nito matatakpan ang malinaw na korapsyon at katiwalian ng pamilya Marcos, sa pangunguna nina Imelda at Marcos Sr.
Sa kontrobersyal na dokumentaryong The Kingmaker, malinaw ang pagbabalik-tanaw nito sa marangyang buhay nina Imelda sa gitna ng kahirapan sa bansa. Mula sa sapilitang pagpapalayas sa mga residente ng Calauit, Palawan para sa mini safari zoo, hanggang sa pagkakaroon ng mga alahas at ginto sa loob ng kanilang tinitirhan sa Ilocos, malinaw kung gaano kalaki ang nakamkam ng pamilya Marcos sa kaban ng bayan noong panahon ng batas militar.
Sa kasalukuyan, mahigit P70 bilyon pa ang hinahabol ng Presidential Commission on Good Government (PCGG) sa mga ill-gotten wealth ng pamilya Marcos na hanggang sa ngayon ay hirap mahabol. Pagbabahagi ni Juan Andres “Andy” Bautista na dating namamahala sa PCGG, aabot ng P5 hanggang P10 bilyon ang hinahabol nila sa pamilya Marcos noong 2015.
Mariin namang itinanggi ni Imelda ang mga paratang kaugnay sa ill-gotten wealth, ngunit iba ang sinasabi ng kaniyang kwento at mga ari-arian.
Sa umpisa ng dokumentaryo, ipinakita agad kung paano ipinamimigay lang ni Imelda ang malulutong na pera sa mga pulubi at pasyente sa ospital. Ayon mismo kay Imelda sa dokumentaryo, mayroon siyang mga deposito sa 170 bangko. Hiwalay pa rito ang mga alahas, ari-ariang lupa, at real-estate property sa ibang bansa.
Samantala, ang bawat kuwadro naman ng mga larawan, salamin, at naglalakihang paintings na pagmamay-ari ng mga Marcos ay nababalot ng ginto. Maski ang mga upuan, lamesa, at mga pigura—maliit man o malaki—ay gawa sa ginto.
Bukod dito, mayroon pang Femme Couchée, isang obra ng sikat na pintor na si Picasso na iniugnay sa koleksyon ni Imelda. Nagkakahalaga ito ng humigit-kumulang P4 bilyon. Naging kontrobersyal ang paglitaw nito muli matapos bigong makalap ng PCGG ang iba’t ibang paintings ng mga sikat na pintor noong ipinag-utos ng Sandiganbayan na kumpiskahin ang mga ito dahil binili umano ito gamit ang pera ng bayan.
Isa pang indikasyon ng karangyaan ng buhay sa kabila ng kahirapan sa bansa na ipinakita sa dokumentaryo ay ang mga alahas at dyamante na inilagay ni Imelda sa kahon ng diaper noong 1986 habang sila ay tumatakas paalis ng Malacañang. At nang mapasok naman ng taumbayan ang Malacañang noong panahong ito, bumungad ang daan-daang terno na may mamahalin na tela, gamit, at sinulid—dagdag pa ang libu-libong pares ng sapatos ni Imelda.
Mahalagang alalahanin ang naging ambag ni Imelda noong panahon ng batas militar, dahil kahit siya mismo ay aminado sa laki ng kaniyang naging gampanin sa pagkapanalo ni Marcos Sr. bilang pangulo, hanggang sa pagpigil nito sa mga planong coup d'état laban sa dating diktador. Gamit ang kaniyang nakamamatay na kagandahan, binihag niya ang mga pulitiko—sa loob at labas ng bansa—para mapanatili ang kapangyarihan sa kanilang pamilya.
Kaya naman, kahit na patuloy ang pagsisikap ng kampo ng pamilya Marcos na linisin ang kanilang pangalan, hindi nito maitatago at mababago ang takbo ng kasaysayan ng pandarambong ng kanilang pamilya, lalong-lalo na ni Marcos Sr. at ng dating unang ginang.
Kung noon ay ginagamit ni Imelda ang kaniyang mukha upang makakuha ng suporta para sa pamilya Marcos, hindi na niya ito magagawa pa dahil malinaw na ang kaniyang dating magandang mukha ay simbolo na ngayon ng katiwalian.
Artikulo: Klarenz Palomer
Grapiks: Justine Ceniza




Comments