top of page

Agaw-Upuan

  • Writer: The Communicator
    The Communicator
  • 2 days ago
  • 3 min read

Napatayo ako mula sa aking upuan.

 

Hawak ang maliit na papel na naglalaman ng aking bilang sa pila, binaybay ng aking mga mata ang dilaw na mga karatula. Nagbabakasakali akong makita ang pangalan ng nais na programa ngunit hindi ko ito mahagilap. Sa gitna ng dagat ng mga upuan at mga estudyanteng nangangarap, panandaliang tumahimik ang paligid nang una kong maramdaman ang bunga ng sistema ng unibersidad na pinasok ko—parang isang laro ng agaw-upuan.

 

Muling umingay ang paligid, senyales ng pagsisimula ng laro.

 

Sa mga sandaling iyon, nasilaw ang mata ko matapos makunan ng litrato para sa ID. Pinangunahan ng saya ang pagkadismaya kahit na tuluyang nawala sa aking mga palad ang unang propesyon na pangarap ko. Hindi rin nagtagal bago ako muling biguin ng sistema, paulit-ulit na pinapaalalang may kapalit ang libreng pag-aaral.

 

Tatlong taon din bilang iskolar ng bayan bago ko napagtanto na ang libreng kolehiyo ay hindi pala tuluyang libre. Ang bayad ay hindi sa anyo ng pera kundi sa pagpaparaya sa sistemang agawan.

 

Mula sa mga nangangarap na makapasok sa pamantasan nag-uumpisa ang laro ng sistema at buo ang tagubilin para sa susunod na apat o higit pang mga taon.

 

Sa unang parte ng laro, ilang libong aplikante ang kalahok. Ayon sa datos ng unibersidad, mahigit 100,000 ang mga aplikante taon-taon at mahigit kumulang 10,000 lamang ang natatanggap. Nito lamang nakaraang PUPCET para sa akademikong taon 2026-2027, tinatayang nasa 150,000 ang mga aplikante at 12,000 lamang ang matatanggap sa pamantasan. Dahil sa karamihan ng manlalaro at kakulangan sa upuan, wala pa sa kalahati ang bilang ng natatanggap para sa susunod na yugto.

 

Ang pangalawang bahagi ng laro ay nangyayari sa loob na ng pamantasan. Ang bawat pinalad na matanggap ay may katumbas na papel sa laro at ayon sa bagong tagubilin ay may ilang itinakda na ng sistema ang programa para sa bawat manlalaro. Bagama’t hindi na katulad ng mga nakaraang laro na ang naging sistema ay agawan ng upuan para sa programa na nais ng estudyante, nananatili pa ring hindi tiyak ang kalagayan ng itinakdang upuan dahil hindi mabubura ang katotohanang kulang pa rin ng espasyo sa pamantasan para sa lahat ng mga natanggap na at matatanggap pa lamang na mga Iskolar ng Bayan. 

 

Sa pangatlong bahagi ang kasalukuyang kinabibilangan ko. Ito ang pinakamahabang yugto sa lahat at dito nasusukat ang tatag ng manlalaro. Ilang taon na babantayan ang mga upuan dahil sa pangamba ng agawan sa laro, may posibilidad na masiraan ng upuan, at hanggang sa dulo, sinusukat pa rin ng “slots” ang magiging wakas ng laro.

 

Huminto ang lahat at napaupo muli ako sa aking upuan.

 

Kung nanlalamig ang aking pakiramdam sa pagsisimula ng laro, matapos ang isang taon ay naiinitan na ako sa loob ng silid-aralan. May sira ang ilang bintana at masikip para sa halos limampung estudyante ang silid, ngunit mas kapansin-pansin ang mga upuan—sa kasalukuyan, patuloy ang agawan hanggang sa silid-aralan na kulang sa upuan.

 

Bakit tila may sistematikong huwaran na ipinupuntong kapalit ng libreng edukasyon ang limitadong pasilidad at oportunidad?

 

Ilan sa aming mga upuan ay gawa sa kahoy samantalang gawa sa metal ang iba, mayroong nababakbak ang pintura at may ilang malapit nang magpahinga. Maaaring biglang matumba ang upuan habang may nakaupo, ngunit hindi ito mahalaga dahil libre naman ang upuan at hindi lahat ng tao ay pinalad na makaupo rito.

 

Kung maihahalintulad ko ito sa aking karanasan bilang iskolar ng bayan, kumakatawan ang upuan sa lagay ng libreng edukasyon sa pamantasan—hindi alintana ang kondisyon at kung sapat ba ang bilang ng upuan sa dami ng estudyante sa klase, ang mahalaga ay ginagampanan ang nakatakdang tungkulin nito.

 

Nanatili akong nakaupo.

 

Tuluyan na akong kinain ng sistema. Katulad ng iba, patuloy ang pangangailangan kong patunayan ang sarili dahil kahit ilang ikot ang gawin, hindi madaragdagan ang bilang ng upuan para lang magkasya sa lahat dahil agawan ang sistema ng laro.

 

Hangga’t may natitirang upuan, patuloy ang laro hanggang sa susunod na klase na gagamit ng silid-aralang ito. Panibagong mga mukha ngunit hindi nagbago ang sistemang bubungad sa kanila. Libreng mag-aral ngunit may “pero,” may upuan sa silid-aralan ngunit ang bilang nito’y limitado.

 

Dala ng patuloy na agawan ay nanluma na ang mga upuan at unti-unti nang nasisira. Kung ako ang tatanungin bilang “manlalaro” o estudyante na nagnanais ng tiyak na espasyo sa pamantasan, mukhang panahon na upang magpalit ng mga upuan.


Artikulo: Rosalina Mae Hernandez

Dibuho: Kristel Orosco


Comments


  • White Facebook Icon
  • Twitter
  • Instagram

THE COMMUNICATOR

2/F Lobby, College of Communication Bldg., NDC Compound, Anonas St., Sta. Mesa, Manila, Philippines 

PUP COC The Communicator © 2022

bottom of page